7
Mangingibig:
Ang paa mong makikinis,
O babaing tila reyna,
ang hugis ng iyong hita, isang obra maestra.
Ang pusod mo'y anong rikit, mabilog na tila kopa,
laging puno niyong alak na matamis ang lasa.
Balakang mo'y mapang-akit, bigkis-trigo ang kapara,
ang paligid ay tulad ng mga liryong kay gaganda.
Ang iyong dibdib, O giliw, parang kambal na usa,
punung-puno pa ng buhay, malulusog, masisigla.
Ang leeg mo ay katulad ng toreng gawa sa marmol,
mga mata'y nagniningning, parang bukal sa may Hesbon.
Ilong mo ay ubod ganda, parang tore ng Lebanon,
mataas na nakabantay sa may Lunsod ng Damasco.
Para bang Bundok ng Carmel, ulo mong napakaganda,
ang buhok mong tinirintas, kasingganda ng purpura,
kaya naman pati hari'y nabihag mo't nahalina.
Kay ganda mo, aking mahal; kay ganda mo, aking sinta,
sa akin ay nagdudulot ka ng galak at ligaya.
Kay hinhin ng iyong kilos tulad ng punong palmera,
ang dibdib mong ubod yaman ay tulad ng buwig niya.
Puno niya'y aakyatin upang bunga ay pitasin.
Sa tingin ko ang dibdib mo'y buwig ng ubas ang kahambing,
hininga mo ay mabango, mansanas nga ang katuring.
Ang tamis ng iyong labi ay katulad ng inumin,
dahan-dahang tumatalab habang ito'y sinisimsim.
Babae:
10 Itong buhay na taglay ko'y sa sinta ko nakalaan,
sa akin siya'y nananabik, lagi akong inaasam.
11 Halika na, aking mahal, tayo na ro'n sa may parang,
ang gabi ay palipasing magkasalo sa ubasan.*
12 At pagdating ng umaga, isa-isa nating tingnan
kung ang puno'y nagsusupling, bulaklak ay lumilitaw;
ganoon din ang granada, tingnan natin ang bulaklak,
at doon ay lasapin mo ang pag-ibig kong matapat.
13 Ang halaman ng mondragora ay iyo ngang masasamyo,
bungangkahoy na masarap ay naroon sa ating pinto,
ito'y aking inihanda, inilaan ko sa iyo,
at lahat ng kaaliwan, maging luma maging bago.
 
* 7:11 ubasan: o kaya'y kanayunan.