2
Mga Tagubilin tungkol sa Panalangin
1 Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. 2 Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal. 3 Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas. 4 Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito. 5 Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. 6 Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan. Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa takdang panahon. 7 Dahil+ dito, ako'y pinili upang maging mangangaral, apostol at tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan para sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling!
8 Sa lahat ng dako, nais kong ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa.
9 Ang+ mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at kagalang-galang sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas. 10 Sa halip, ang maging palamuti nila ay ang mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. 11 Ang mga babae ay dapat matuto nang tahimik at nagpapasakop. 12 Hindi ko pinapayagan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki, kundi dapat silang manahimik. 13 Sapagkat+ unang nilalang si Adan bago si Eva, 14 at+ hindi si Adan ang nadaya kundi si Eva ang nadaya at nagkasala. 15 Ngunit maliligtas ang babae sa pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya* sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay.
+ 2:7 2 Tim. 1:11. + 2:9 1 Ped. 3:3. + 2:13 Gen. 2:7; Gen. 2:21-22. + 2:14 Gen. 3:1-6. * 2:15 siya: Sa Griego ay sila.