3
Ang mga Huling Araw
1 Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan.
2 Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos.
3 Sila'y magiging walang pagmamahal sa kapwa, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti.
4 Sila'y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos.
5 Sila'y may anyo ng pagiging maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao.
6 May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga bahay ng mga babaing madaling malinlang. Ang mga babaing ito'y inuusig ng bigat ng kanilang mga pagkakasala at itinutulak sa sari-saring pagnanasa.
7 Lahat na'y gustong matutunan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y hindi nila nauunawaan ang katotohanan.
8 At tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya.
9 Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.
Mga Huling Tagubilin
10 Ngunit sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan.
11 Nasaksihan mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napagtiisan ko ang mga ito! At sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon.
12 Gayundin naman, ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig,
13 samantalang ang masasama ay lalo namang magpapakasama, at ang manlilinlang ay patuloy na manlilinlang at sila man ay malilinlang din.
14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga aral na natutunan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo.
15 Mula pa sa pagkabata alam mo na ang Banal na Kasulatan, na may kapangyarihang magbigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.
16 Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay,
17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain.