Ang Aklat ni
TOBIT
Panimula
Ang Aklat ni Tobit, na orihinal na nasulat sa wikang Hebreo o Aramaico, ay naglalahad ng mahimalang pagtulong ng Diyos sa mga taong tapat na sumusunod sa kanya. Ito ay nagtuturo rin ng kabanalan at kagandahang-asal, at nagbibigay ng malinaw na larawan tungkol sa relihiyon at kulturang Judio bago dumating ang panahon ng Bagong Tipan.
Nilalaman
Si Tobit sa Nineve at si Sara sa Media ay nagtiis ng kahirapan at nanalangin 1:1–3:15
Tinugon ng Diyos ang dalangin nina Tobit at Sara 3:16–11:18
a. Sinugo ng Diyos ang anghel na si Rafael 3:16-17
b. Pinayuhan ni Tobit ang anak niyang si Tobias 4:1-21
c. Si Rafael at Tobit ay naglakbay patungong Media 5:1–7:12
d. Napangasawa ni Tobias si Sara 7:13–9:6
e. Si Rafael ay nagbalik kasama nina Tobias at Sara, at pinagaling ang bulag na si Tobit 10:1–11:18
Nagpakilala si anghel Rafael 12:1-22
Pinuri ni Tobit ang Diyos at pinayuhan niya si Tobias 13:1–14:15
1
1 Ang aklat na ito ay kasaysayan ni Tobit na anak ni Tobiel at apo ni Hananiel, na anak naman ni Aduel. Si Aduel ay anak ni Gabael at apo ni Rafael na anak ni Raguel. Si Raguel ay mula sa angkan ni Asiel na mula naman sa lipi ni Neftali.
2 Noong panahon ng paghahari ni Salmaneser ng Asiria, ako ay dinalang-bihag mula sa Tisbe. Ang lugar na ito'y nasa gawing hilaga ng Galilea, timog ng Kades, sa Neftali, hilagang-silangan ng Asher at hilaga ng Fogor.
Ang Buhay ni Tobit
3 Ako si Tobit. Sa buong buhay ko'y sinikap kong mamuhay nang matapat at masunurin sa kalooban ng Diyos. Lagi akong nagkakawanggawa at naglingkod ako sa aking mga kamag-anak at mga kababayan na kasama kong dinalang-bihag sa Nineve, Asiria.
4 Noong kami'y nasa Israel pa, ako'y nasa akin pang kabataan nang ang lipi ni Neftali, ang liping aming pinagmulan, ay humiwalay sa sambahayan ni David at sa Jerusalem. Kaya't kami ngayon ay hindi na saklaw ng Jerusalem, ang lunsod na pinili sa lahat ng lipi ng Israel. Lahat ng Israelita ay pinaghahandog sa templong naroon na itinayo't itinalagang panghabang-panahon.
5 Kaya ang lahat kong mga kamag-anak, pati ang angkan ng aking ninunong si Neftali na tumiwalag, ay naghahain bilang pagsamba sa guyang ipinagawa ni Haring Jeroboam ng Israel doon sa Dan, sa buong kaburulan ng Galilea.
Ang Katapatan ni Tobit sa Kanyang Relihiyon
6 Ako lamang sa aming pamilya ang laging nagpupunta sa Jerusalem. Lagi akong dumadalo sa mga kapistahan doon sapagkat ito'y bahagi ng walang hanggang kautusan na dapat sundin ng lahat. Tuwing ako'y dadalo, dala ko ang mga unang bunga ng aking ani, ang mga unang supling ng aking mga hayop, ang ikasampung bahagi ng aking kawan, at ang lana mula sa aking mga tupa. Ito'y ibinibigay ko sa mga pari na mga anak ni Aaron upang ihandog sa dambana.
7 Sa mga Levita na naglilingkod sa Jerusalem, ibinibigay ko naman ang ikasampung bahagi ng butil na inani, alak, langis ng olibo, granada, igos, at iba pang bungangkahoy. Maliban sa mga taon ng pamamahinga, nagsasadya ako taun-taon sa Jerusalem upang dalhin ang ikalawang ikasampung bahagi ng aking mga ari-arian at ipinamamahagi ko ang pera sa Jerusalem sa pagdiriwang.
8 Ngunit tuwing ikatlong taon, ibinibigay ko ang ikatlong ikasampu sa mga ulila, sa mga balo, at sa mga taga-ibang bayan na kasama na ng mga Israelita. Nagsasalu-salo kami bilang pagsunod sa Kautusan ni Moises, na itinuro sa akin ni Debora, ina ng aking lolong si Hananiel, upang tupdin. Ulila na ako sapagkat patay na ang aking amang si Tobiel.
Ang Katapatan ni Tobit sa Panahon ng Pagkabihag
9 Pagsapit ko sa sapat na gulang ay nag-asawa ako. Napangasawa ko si Ana na kabilang din sa aming lahi. Si Tobias ang aming naging anak.
10 Nang ako'y dalhing-bihag sa Asiria, tumira ako sa Nineve. Doon, ang mga kapatid ko't kamag-anak ay natuto na ring kumain ng pagkain ng mga Hentil,
11 ngunit ako'y nakapagpigil sa sarili.
12 Dahil sa aking katapatan sa Kataas-taasang Diyos,
13 niloob ng Kataas-taasang Diyos na ako'y kagiliwan ni Haring Salmaneser. Ako ang pinagkatiwalaan niyang maging tagabili ng lahat ng kanyang pangangailangan.
14 Dahil dito, madalas akong nagpupunta sa Media para mamili roon ng kanyang mga kagamitan. Minsan nang ako'y nasa Rages, Media, inilagak ko sa kamag-anak kong si Gabael na kapatid ni Gabrias ang ilang supot ng salaping pilak.
15 Nang mamatay si Salmaneser at maghari ang anak niyang si Senaquerib, tumigil na ako nang pagpunta sa Media sapagkat naging mapanganib na ang maglakbay papunta roon.
Inilibing ni Tobit ang mga Patay
16 Nang panahong namamahala pa si Salmaneser, ako'y nagkakawanggawa at naglilingkod sa aking mga kamag-anak at kababayan kapag sila'y nangangailangan.
17 Pinapakain ko ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang maisuot. Ang makita kong bangkay sa labas ng Nineve, lalo't kababayan, ay aking inililibing.
18 Isang araw, isinumpa ni Senaquerib ang Diyos na Hari ng Langit. Pinarusahan siya ng Diyos at kinailangan niyang tumakas mula sa Juda. Galit na galit siya nang magbalik sa Media kaya't marami siyang ipinapatay na Israelita. Palihim kong inilibing ang mga bangkay kaya't nagtataka ang hari kung bakit nawawala ang mga bangkay ng mga ipinapatay niya.
19 Ngunit may taga-Nineve na nagsumbong sa hari na ako ang gumagawa nito. Bunga nito'y nagalit sa akin ang hari, kaya't ako'y nagtago. Ngunit nang mabalitaan kong alam na ng hari ang tungkol sa akin at ako'y pinaghahahanap upang patayin, ako'y tumakas dahil sa takot.
20 Sa galit ng hari, lahat ng ari-arian ko'y kanyang sinamsam, maliban sa aking asawang si Ana at anak na si Tobias.
Iniligtas si Tobit ng Kanyang Pamangkin
21 Makalipas ang halos apatnapung araw, pinatay si Haring Senaquerib ng dalawa niyang anak na lalaki at pagkatapos ay tumakas ang mga ito patungong kabundukan ng Ararat. Pumalit sa hari ang anak niyang si Esarhadon at kinuha nitong katulong sa palasyo ang pamangkin kong si Ahikar na anak ni Hanael. Ginawa siyang tagapamahala ng kayamanan ng buong kaharian.
22 Dahil kay Ahikar, nakabalik ako sa Nineve. Noon pa mang buhay si Haring Senaquerib ng Asiria, si Ahikar ay naglilingkod na sa palasyo bilang tagapaghanda ng inumin ng hari, tagapag-ingat ng pantatak, tagapamahala at ingat-yaman pa. Ang mga tungkulin ding nabanggit ang ipinagkatiwala sa kanya ng bagong hari. Dahil sa pamangkin ko si Ahikar, pinuri niya ako sa hari kaya't pinayagan ako ng hari na makabalik sa Nineve.