7
Sa Tahanan ni Raguel
1 Matapos mag-usap, lumakad na sina Tobias at Rafael. Pagpasok nila sa Ecbatana, sinabi ni Tobias, “Azarias, samahan mo na ako sa kamag-anak kong si Raguel.”
Nagtuloy nga ang dalawa at naratnan nila si Raguel sa may pintuan ng kanyang bulwagan. Una silang bumati at nagbigay-galang. Tinugon naman sila agad ni Raguel at ang sabi, “Maligayang pagdating, mga kapatid; tuloy kayo!” Dinala agad ni Raguel ang dalawa sa bahay
2 at ipinakilala sa kanyang asawang si Edna. Ang sabi niya kay Edna, “Ang binatang ito ay kamukhang-kamukha ng pinsan kong si Tobit!”
3 Tinanong sila ni Edna, “Tagasaan ba kayo, mga kapatid?”
Sila'y tumugon, “Kami po'y buhat sa lipi ni Neftali, mga dinalang-bihag sa Nineve.”
4 “Kung gayo'y kilala ninyo ang kamag-anak naming si Tobit,” sabi ni Edna.
“Aba, opo!” tugon ng dalawa. “O, kumusta naman siya?” nananabik na tanong ni Edna.
5 “Buháy po at malakas pa rin,” sabi ng dalawa.
“Ama ko po siya,” sabi ni Tobias.
6 Napalundag sa galak si Raguel, at umiiyak na hinagkan si Tobias.
7 Ngunit nalungkot siya at napahagulgol nang malaman sa dalawa na bulag pala si Tobit. Sinabi niya kay Tobias, “Pagpalain ka ng Diyos, anak ko! Dakila at napakabuti ng iyong ama! Nakapanlulumo na ang isang tapat at mabuting taong tulad niya ay mabulag!” Umiiyak niyang niyakap si Tobias.
8 Pati si Edna at si Sara ay napaiyak din.
Ang Kasal nina Tobias at Sara
Matapos ang kanilang pagpapakilala't pagkukumustahan, nagpapatay si Raguel ng barakong tupa mula sa kanyang kawan at naghanda ng isang salu-salo. Bago kumain, pagkatapos maligo nina Tobias at Rafael, sinabi ni Tobias sa kanyang kasama, “Kapatid na Azarias, hingin mo na kay Raguel ang kamay ni Sara para sa akin.”
9 Ang usapan nila'y narinig ni Raguel, kaya't sinabi niya kay Tobias,
10 “Kumain ka at uminom. Magsaya ka ngayong gabi, sapagkat ikaw na ang mapapangasawa ni Sara. Wala akong karapatang ibigay siya sa iba sapagkat ikaw ang pinakamalapit kong kamag-anak. Subalit may ipagtatapat ako sa iyo.
11 Si Sara ay naipakasal ko na sa pitong lalaki na mga kamag-anak din, ngunit lahat sila'y namatay kapag sila'y sisiping na sa kanya. Ang paniwala ko'y hindi mangyayari sa iyo ang gayon; iingatan ka ng Panginoon. Kaya kumain ka, uminom at pumanatag.”
Sumagot si Tobias, “Hindi po ako kakain at iinom hangga't hindi ko nakakamtan si Sara.”
12 “Mangyayari ang nais mo,” tugon ni Raguel. “Ayon sa Kautusan ni Moises, si Sara ay asawa mo na. Iyan ang kapasyahan sa langit! Kaya kunin mo na siya, at mula ngayon, ikaw ay sa kanya at siya naman ay sa iyo magpakailanman! Nawa'y pagpalain kayo ng Panginoon ngayong gabi. Kahabagan nawa kayo at bigyan ng kapayapaan.”
Napangasawa ni Tobias si Sara
13 Pagkatapos, tinawag ni Raguel si Sara at ibinigay kay Tobias. Sinabi niya, “Tobias, ayon sa Kautusan ni Moises, si Sara ay asawa mo na. Tanggapin mo siya, ingatan, at iharap mo sa iyong ama. Pagkalooban nawa kayo ng Diyos sa kalangitan ng lubos na kasiyahan at kapanatagan.”
14 Tinawag ni Raguel ang asawa niya at humingi ng isang kasulatan na pagsusulatan ng kasunduan ng kasal. Ang kasulata'y magpapatunay na ibinigay na niya si Sara kay Tobias bilang asawa ayon sa Kautusan ni Moises. Nagdala nga ng kasulatan ang kanyang asawa. Matapos ihanda ang lahat, lumagda na ang bawat kinauukulan.
15 Natapos ang kasal at sila'y nagsikain.
16 Matapos kumain, tinawag ni Raguel ang kanyang asawa, “Edna, mahal ko, ihanda mo na ang silid ng mag-asawa at papasukin si Sara.”
17 Inayos nga niya ang silid at ipinasok na roon si Sara. Umiiyak si Sara, at matapos pahirin ang luha ay sinabi ni Edna ang ganito bago umalis:
18 “Nawa ang kalungkutan mo'y palitan ng kagalakan ng Panginoon! Huwag kang matakot; pumanatag ka, anak.” At lumabas na si Edna.