14
Mga Diyus-diyosang Kahoy at ang Daong ni Noe
Ganyan ang katulad ng taong naghahangad maglakbay sa maalong karagatan.
Isang pirasong kahoy na marupok pa kaysa barko ang hinihingan niya ng tulong.
Ang barkong iyon ay binalangkas upang pagkakitaan,
at nagawa iyon dahil sa Karunungan ng gumawa.
Ngunit ang iyong kalinga, O ama, ang nagbibigay direksyon sa barkong iyon,
at ikaw ang nagtatakda ng kanyang dadaanan.
Ikaw rin ang pumapatnubay sa pagtahak niya sa mga alon.
Kahit ang walang karanasan ay maaaring pumalaot,
sapagkat maililigtas mo sila sa anumang panganib.
Niloob mong gamitin at pakinabangan ang lahat ng bagay na likha ng iyong Karunungan.
Kaya naman, nagtiwala ang mga tao sa isang pirasong kahoy.
At lulan ng isang marupok na barko ay sumalungat sa mga alon hanggang sa dumaong sila sa isang ligtas na dako.
Ganyan ang nangyari noong unang panahon, samantalang nagkakamatay ang isang lahi ng mga higante.
Sa iyong pamamatnubay ay nakatakas ang pag-asa ng daigdig, lulan ng isang barko.
Sa gayong paraan, natira sa daigdig ang isang angkan na siyang magpapatuloy sa lipi ng tao.
Pinagpala ang barkong nagligtas sa katuwiran.
 
Ngunit sinumpa ang diyus-diyosang kahoy na gawa ng kamay ng tao.
At sinumpa rin ang mga gumawa niyon,
sapagkat inari niyang diyos ang isang bagay na nasisira at gawa lamang ng kanyang mga kamay.
Kasuklam-suklam sa Diyos ang masasamang tao at ang kanilang mga ginagawa.
10 Ang gumawa at ang ginawa ay kapwa paparusahan.
11 Ang hatol ng Diyos ay babagsak din sa mga diyus-diyosan.
Sapagkat, bagaman mga bagay na likha ng Diyos ang ginamit sa paggawa ng mga larawang iyon,
nang mayari na ay naging kasuklam-suklam na bagay—
bitag na sanhi ng kapahamakan ng mga kaluluwa ng mga hangal.
Ang Pinagmulan ng Pagsamba sa Diyus-diyosan
12 Ang mga pakikiapid ay nagsimula nang gawin ang mga larawang dinidiyos.
Simula nang lumitaw ang mga ito, sumamâ na nang sumamâ ang pamumuhay ng tao.
13 Ang mga ito naman ay hindi kaalinsabay ng tao
at hindi rin mananatili magpakailanman.
14 Lumitaw ang mga ito dahil sa kapalaluan ng isip ng tao,
kaya naman nakatakda ang mga itong malipol sa loob ng kaunting panahon.
 
15 Isang ama ang minsa'y labis na nagdadalamhati dahil sa maagang pagpanaw ng kanyang anak.
Dahil dito, naisipan niyang gumawa ng larawan ng kanyang anak na namatay.
Pagkatapos, sinamba niya itong tulad ng isang diyos,
at itinuro niya sa kanyang mga nasasakupan ang mga lihim na pamamaraan ng pagsamba.
16 Nang tumagal, lumaganap at nag-ugat ang ganitong maling gawain.
Sa kahuli-huliha'y tuluyan itong naging batas.
Nagsimula rin sa mga utos ng mga makapangyarihang hari ang pagsamba sa nililok na mga diyus-diyosan.
17 Sa malayong lugar ng kaharian ay may mga nasasakupang nais magparangal sa hari.
Ngunit dahil sa kalayuan ay hindi nila ito magawâ nang harapan,
kaya, gumagawa sila ng larawan ng hari batay sa kanilang mga imahinasyon,
at ito ay hinahandugan ng papuri at paggalang.
 
18 Ang ambisyon naman ng manlililok na gumawa ng larawan ng hari
ang nagiging dahilan ng paglaganap ng pagsamba sa larawan,
kahit sa mga taong hindi nakakakilala sa hari.
19 Sapagkat, sa hangad niyang magmapuri sa hari
ay ginagamit niya ang kanyang kasanayan upang pagandahin ang larawan nang higit pa kaysa sa taong inilalarawan.
20 Marami naman ang labis na naakit sa kagandahan ng likhang ito ng sining,
pinaparangalan at nang tumagal ay sinamba nilang parang diyos.
21 Kaya ang lahat ng ito ay naging bitag na nakamamatay.
Dala ng pangungulila o ng utos ng isang hari,
gumawa ang mga tao ng larawang kahoy o bato,
na sa huli ay pinag-ukulan nila ng parangal na nauukol lamang sa iisang Diyos.
Ang Kahihinatnan ng Pagsamba sa Diyus-diyosan
22 Hindi lamang sila tumangging kilalanin ang Diyos, kundi dahil sa kanilang kamangmangan,
gumawa sila ng maraming karahasan at iba pang kasamaan na ginagawa lamang sa digmaan,
ngunit sa kanilang kamangmangan ay tinawag nilang kapayapaan.
23 Ipinapatay nila ang mga sanggol kung tumatanggap sila ng mga baguhan sa kanilang pagsamba.
At sa kanilang mga lihim na pagsamba ay nagdaraos sila ng mga kainan
at inumang kasabay ng lasingan at mga nakakapandiring kahalayan.
24 Hindi na nila iniingatan ang kalinisan ng pamumuhay at ang buhay may-asawa.
Pumapatay sila ng tao nang pataksil at kinakalunya ang asawa ng may-asawa.
25 Kahit saa'y laganap ang patayan, nakawan, panlilinlang, pambubuyo sa masama, pagtataksil, kaguluhan, pagsisinungaling,
26 pang-aapi sa mga walang malay, di pagtanaw ng utang-na-loob,
karumihan ng budhi, kahalayang labag sa kalikasan,
paghihiwalay, pangangalunya, at kawalang-hiyaan.
27 Ang pagsamba sa mga diyus-diyosan na ang pangala'y di dapat sambitin man lamang,
ang siyang puno't dulo, ang dahilan at hantungan ng lahat ng kasamaan.
28 Ang mga sumasamba sa diyus-diyosan ay lubusang mawawala sa sarili.
Dahil sa sarap ng pagtatalik, o nagsasabi ng kasinungalingan
at sinasabing iyon ay pahayag ng Diyos, namumuhay nang masama, at walang atubiling sumisira sa usapan.
29 Sapagkat ang mga larawan ng diyos nila at pinagtiwalaan ay walang buhay.
Walang takot silang nanunumpa nang di totoo.
30 Ngunit sapilitang aabutin sila ng parusa sa dalawang dahilan:
Una, sapagkat nasira ang pagkilala sa tunay na Diyos nang sumamba sila sa mga diyus-diyosan.
Pangalawa, walang galang na nilapastangan nila ang kabanalan nang sila'y manumpa nang di totoo, malinlang lamang nila ang mga tao.
31 Hindi ang kapangyarihan ng kanilang pinanumpaan ang magpaparusa sa mga taong masama.
Kundi sapilitang lalapatan sila ng parusang angkop lamang sa mga makasalanan.