13
1 Sinabi pa ni Yahweh, “Sa panahong iyon, lilitaw ang isang bukal at lilinisin nito ang kasalanan at karumihan ng sambahayan ni David at ng mga taga-Jerusalem.
2 “Aalisin ko sa lupain ang lahat ng diyus-diyosan at mapapawi sila sa alaala habang panahon. Aalisin ko na rin ang mga bulaang propeta at masasamang espiritu.
3 Sakali mang may lumitaw na bulaang propeta, sasabihin ng kanyang mga magulang na hindi siya dapat mabuhay, pagkat ginagamit pa niya sa kasinungalingan ang pangalan ni Yahweh. At ang mga magulang niya mismo ang papatay sa kanya sa sandaling siya'y magpahayag.
4 Sa araw ngang iyon, wala nang magmamalaking siya ay propeta, wala nang magdadamit-propeta ni magkukunwaring propeta.
5 Sa halip, sasabihin nilang sila'y hindi propeta kundi mga hamak na magbubukid lamang mula sa kanilang kabataan.
6 Kung may magtanong sa kanya tungkol sa mga pilat niya sa dibdib, sasabihin niyang iyon ay likha ng mga nagmamahal sa kanya.”
Ang Pagpatay sa Pastol ni Yahweh
7 Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Tabak, kumilos ka laban sa tagapangalaga ng aking mga tupa, laban sa aking lingkod. Patayin mo ang pastol upang magkawatak-watak ang mga tupa; lilipulin ko naman pati ang maliliit.
8 Malilipol ang dalawang ikatlong bahagi ng naninirahan sa lupain; ikatlong bahagi lamang ang matitira.
9 Ang mga ito'y padadaanin ko sa apoy upang dalisayin, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Tatawag sila sa akin at akin namang diringgin. Sasabihin kong sila ang aking bayan. Sasabihin naman nilang ako ang kanilang Diyos.”