17
1 Ngayon nang dumaan sila sa mga bayan ng Amfipolis at Apolonia, sila ay dumating sa bayan ng Tesalonica, kung saan ay mayroong isang sinagoga ng mga Judio.
2 Tulad ng nakagawian ni Pablo, pumunta siya sa kanila, at sa tatlong araw ng sabbath ay nangatwiran sa kanila mula sa mga kasulatan.
3 Binubuksan niya ang mga kasulatan at nagpapaliwanag na kinakailangan ng Cristo na magdusa at muling mabuhay mula sa mga patay. Sinabi niya, “Itong si Jesus na aking ipinapahayag sa inyo ay ang Cristo.”
4 May ilang mga Judio ang nahikayat at sumama kina Pablo at Silas, pati na rin ang mga debotong Griego, mga kilalang kababaihan, at lubhang napakaraming tao.
5 Ngunit nang dahil sa inggit, ang mga hindi naniniwalang mga Judio ay kumuha ng mga masasamang tao mula sa pamilihan, nagsama-sama sila upang manggulo sa lungsod. Pinasok nila ang bahay ni Jason dahil nais nilang iharap sina Pablo at Silas sa mga tao.
6 Ngunit nang hindi nila sila matagpuan, kinaladkad nila si Jason at ang iba pang mga kapatid sa harapan ng mga pinuno ng lungsod na sumisigaw “Pumunta rito ang mga lalaking ito na nagdulot ng kaguluhan.”
7 Itong mga lalaking tinanggap ni Jason ay sumasalungat laban sa mga kautusan ni Ceasar; sinasabi nilang mayroong pang ibang hari - si Jesus.”
8 Nang marinig ng karamihan at ng mga pinuno ng lungsod ang mga bagay ito, sila ay nabagabag.
9 Pagkatapos nilang makuha ang perang pambayad mula kay Jason at sa kasamahan niya pinalaya na nila sila.
10 Nang gabing iyon pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea. Nang makarating sila roon, nagpunta sila sa sinagoga ng mga Judio.
11 Ngayon ang mga taong ito ay mas matalino kaysa sa mga taga Tesalonica, dahil tinanggap nila ang salita nang may kahandaan ng isip, nagsasaliksik ng mga kasulatan araw araw, upang makita kung ang mga bagay na ito ay totoo.
12 Kaya naman marami sa kanila ang nanampalataya, kabilang ang ilang mga kilalang kababaihang Griego at maraming kalalakihan.
13 Ngunit nang mapag-alaman ng mga Judio na taga Tesalonica na nagpapahayag si Pablo ng Salita ng Dios sa Berea, nagpunta sila doon at niligalig at ginulo nila ang mga tao.
14 Pagkatapos, agad - agad na pinapunta ng mga kapatid si Pablo papunta doon sa dagat, ngunit nanatili sina Silas at Timoteo doon.
15 Dinala si Pablo ng mga naghatid sa kaniya hanggang sa lungsod ng Atenas. Nang sila ay papaalis na doon, nagbilin sa kanila si Pablo, na papuntahin sina Silas at Timoteo sa kaniya sa lalong madaling panahon.
16 Ngayon habang nag-aantay si Pablo sa kanila sa Atenas, nabagabag ang kaniyang espiritu nang kaniyang makita na ang lungsod ay puno ng mga diyus-diyosan.
17 Kaya nangatwiran siya sa mga Judio sa sinagoga at sa mga sumamba sa Diyos at maging sa mga nakikipagkita sa kaniya sa pamilihan araw-araw.
18 Ngunit mayroong din mga pilosopong Epicureo at Estoico na kaniyang nakaharap. At may mga nagsabi, “Ano ang nais sabihin ng madaldal na ito?” sabi ng iba, “Parang mangangaral siya ng ibang diyos,” dahil nangangaral siya tungkol kay Jesus at nang muling pagkabuhay.
19 Dinala nila si Pablo papunta sa Areopago na sinasabing, “Maaari ba naming malaman ang bagong katuruan na iyong sinasabi?
20 Sapagkat naghatid ka ng kakaibang bagay sa aming tainga. Kaya nga, nais naming malaman ang kahulugan ng mga ito.
21 (Ngayon lahat ng mga taga Atenas at mga dayuhang nakatira doon ay ginugugol lamang ang kanilang panahon sa pagkukwento o pakikinig tungkol sa mga bagay na bago.)
22 Kaya tumayo si Pablo sa kalagitnaan ng Aeropago at nagsabi, “Kayong mga taga-Atenas, nakita ko na kayo ay napakarelihiyoso sa lahat ng paraan.
23 Sapagkat sa aking pagdaraan at pagmamasid sa mga bagay na inyong sinasamba, natagpuan ko ang isang altar na may naka-ukit na ganito, “SA DIYOS NA HINDI NAKIKILALA “. Ang sinasamba ninyo na hindi nakikilala ang aking ipinapahayag sa inyo.
24 Ang Diyos na lumikha ng mundo at ng lahat ng naroon, dahil siya ang Panginoon ng langit at lupa, ay hindi nananahan sa mga templo na itinayo ng mga kamay.
25 Hindi rin siya pinagsilbihan ng mga kamay ng tao, na para bang kailangan niya ang anuman, dahil siya mismo ang nagbigay ng buhay sa tao at hininga at lahat ng iba pang mga bagay.
26 At mula sa isang tao ay nilikha niya ang bawat lahi ng mga taong nabubuhay sa ibabaw ng mundo, itinakda niya ang kanilang mga kapanahunan at ang hangganan ng kanilang tinitirahan.
27 Kaya nga dapat nilang hanapin ang Diyos at baka sakaling maabot siya at matagpuan at sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.
28 Dahil sa kaniya tayo ay nabubuhay at gumagalaw, at mayroong pagkatao, gaya nga ng sabi ng inyong mga makata, 'Dahil tayo rin ay kaniyang anak.'
29 Dahil tayo ay anak ng Diyos, hindi natin dapat isipin na ang pagkadiyos ay tulad ng ginto o pilak o mga batong nilikha ng kaisipan ng tao.
30 Kaya nga, pinalampas ng Diyos ang panahon na hindi siya kinilala, ngunit ngayon inuutusan niya ang lahat ng mga tao sa lahat ng dako na magsisi.
31 Ito ay dahil itinakda na niya ang araw kung kailan niya hahatulan ang mundo sa katuwiran sa pamamagitan ng taong kaniyang pinili. Pinatunayan ito ng Diyos sa lahat ng tao, sa pamamagitan ng pagbuhay sa kaniya sa mga patay.”
32 Ngayon nang marinig ng mga kalalakihan ng Atenas ang tungkol sa muling pagkabuhay sa mga patay, kinutya ng iba si Pablo; ngunit sinabi ng iba, “Pakikinggan ka naming muli tungkol sa mga bagay na ito.”
33 Pagkatapos niyon, iniwan sila ni Pablo.
34 Ngunit may ilang mga lalaking sumama sa kaniya at nanampalataya, kabilang si Dionisio na Areopagita, isang babaing nagngangalang Damaris at iba pang kasama nila.