3
1 Ngayon si Moises ay nagpapastol pa rin ng kawan ng biyenan niyang si Jetro, ang pari ng Midian. Pinangunahan ni Moises ang kawan sa malayong dako ng ilang at dumating sa Horeb, ang bundok ng Diyos.
2 Doon ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kaniya sa isang nagliliyab na apoy sa mababang puno. Tumingin si Moises at nakita na nagliliyab ang puno pero ito ay hindi nasusunog.
3 Sinabi ni Moises, “Lilingon ako at titingnan ang kahanga-hangang bagay na ito, bakit ang puno ay hindi nasusunog.”
4 Nang makita ni Yahweh na lumingon si Moises para tingnan, tumawag ang Diyos sa kaniya mula sa mababang puno at sinabi, “Moises, Moises.” Sinabi ni Moises, “Narito po ako.”
5 Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit! Hubarin mo ang sapatos sa iyong mga paa, dahil ang lugar na kinatatayuan mo ay lupang inilaan sa akin.”
6 Dagdag pa niya, “Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.” Pagkatapos tinakpan ni Moises ang kaniyang mukha, dahil takot siyang tumingin sa Diyos.
7 Sinabi ni Yahweh, “Tunay na nakita ko ang pagdurusa ng aking bayan na nasa Ehipto. Narinig ko ang kanilang pagsigaw dahil sa kanilang mahihigpit na tagapangasiwa, dahil alam ko ang tungkol sa kanilang pagdurusa.
8 Bumaba ako para palayain sila mula sa kapangyarihan ng mga taga-Ehipto at dalhin sila mula sa lupaing iyon patungo sa mabuti at malawak na lupain, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot; sa rehiyon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita, at mga Jebuseo.
9 Ngayon ang mga pagsigaw ng bayan ng Israel ay nakarating sa akin. Bukod dito, nakita ko ang pagmamalupit na dulot ng mga taga-Ehipto.
10 Kaya ngayon, ipapadala kita kay Paraon para dalhin mo ang aking bayan, ang mga Israelita, palabas mula sa Ehipto.”
11 Pero sinabi ni Moises sa Diyos, “Sino ba ako, na dapat akong magpunta kay Paraon at dalhin ang mga Israelita mula sa Ehipto?”
12 Sumagot ang Diyos, “Ako ay tiyak na makakasama mo. Ito ang magiging palatandaan na pinadala kita. Kapag nailabas mo ang bayan mula sa Ehipto, sasambahin ninyo ako sa bundok na ito.”
13 Sinabi ni Moises sa Diyos, “Pagpunta ko sa mga Israelita at sabihin sa kanilang, 'Ang Diyos ng inyong mga ninuno ay pinadala ako sa inyo,' at kung sabihin nila sa akin, 'Ano ang pangalan niya?' ano ang dapat kong sabihin sa kanila?”
14 Sinabi ng Diyos kay Moises, “AKO AY SI AKO.” Sabi ng Diyos, “Dapat mong sabihin sa mga Israelita, 'SI AKO ang nagpadala sa akin sa inyo.'”
15 Sinabi rin ng Diyos kay Moises, “Dapat mong sabihin sa mga Israelita, 'Si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, ang Diyos ni Jacob, ay nagpadala sa akin sa inyo. Ito ang aking pangalan magpakailanman, at ganito ako mapapanatili sa isipan ng lahat ng mga salinlahi.'
16 Lumakad ka at sama-samang tipunin ang mga nakatatanda ng Israel. Sabihin sa kanila, 'si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob, ay nagpakita sa akin at nagsabi, “Tunay ngang napagmasdan ko kayo at nakita ang ginawa sa inyo sa Ehipto.
17 Nangako akong kukunin kayo mula sa pagmamalupit sa Ehipto patungo sa lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita, at mga Jebuseo, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.
18 Makikinig sila sa iyo. Ikaw at ang mga nakatatanda ng Israel ay dapat pumunta sa hari ng Ehipto, at dapat mong sabihin sa kaniya, 'Si Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo ay kinatagpo kami. Kaya ngayon hayaan mo kaming maglakbay ng tatlong araw sa ilang, para makapaghandog kami kay Yahweh, na aming Diyos.'
19 Pero nalalaman ko na ang hari ng Ehipto ay hindi kayo papayagang umalis, maliban na ang kamay niya ay pilitin.
20 Iaabot ko ang kamay ko at sasalakayin ang mga taga-Ehipto ng mga himalang gagawin ko sa gitna nila. Pagkatapos niyon, papayagan niya kayong umalis.
21 Bibigyan ko ang mga taong ito ng pabor mula sa mga taga-Ehipto, kaya sa pag-alis ninyo, hindi kayo aalis na walang dala.
22 Bawat babae ay hihingi ng pilak at gintong alahas at mga damit mula sa kapitbahay na taga-Ehipto at sinumang babaeng nanatili sa bahay ng mga kapitbahay niya. Ilalagay ninyo ang mga iyon sa inyong mga anak na lalaki at babae. Sa paraang ito ay lolooban ninyo ang mga taga-Ehipto.”