40
1 Patuloy na kinausap ni Yahweh si Job; sinabi niya,
2 “Dapat bang itama ang Makapangyarihan ng sinumang naghahangad na magbatikos? Siya na nakikipagtalo sa Diyos, hayaan siyang sumagot.”
3 Pagkatapos sumagot si Job kay Yahweh at sinabing,
4 “Tingnan mo, ako ay walang halaga; paano kita sasagutin? Nilagay ko ang kamay ko sa aking bibig.
5 Minsan akong nagsalita, at hindi ako sasagot; sa katunayan, dalawang beses, pero hindi na ako magpapatuloy.”
6 Pagkatapos sumagot si Yahweh kay Job sa isang malakas na bagyo at sinabing,
7 “Ngayon, bigkisin mo ang iyong damit bilang isang tunay na lalaki, dahil tatanungin kita, at dapat mo akong sagutin.
8 Sasabihin mo ba talaga na hindi ako makatarungan? Hahatulan mo ba ako para masabi mong tama ka?
9 Mayroon ka bang bisig na katulad ng sa Diyos? Kaya mo bang magpakulog sa boses na katulad ng sa kaniya?
10 Ngayon damitan mo ang iyong sarili ng kaluwalhatian at dignidad; gayakan mo ang iyong sarili ng karangalan at karangyaan.
11 Ikalat mo ang labis sa iyong galit; tingnan mo ang bawat isang mayabang at ibagsak siya.
12 Tingnan mo ang lahat ng mayabang at pabagsakin mo siya; tapakan mo ang mga masasamang tao kung saan sila nakatayo.
13 Sama-sama mo silang ilibing sa lupa; ikulong mo ang kanilang mga mukha sa isang liblib na lugar.
14 Pagkatapos kikilalanin ko rin ang tungkol sa iyo na ang iyong sariling kanang kamay ay kaya kang maligtas.
15 Masdan mo ngayon ang dambuhalang hayop, na ginawa ko na katulad ng paggawa ko sa iyo; kumakain siya ng damo katulad ng toro.
16 Tingnan mo ngayon, ang kaniyang kalakasan ay nasa kaniyang mga hita; ang kaniyang kapangyarihan ay nasa kalamnan ng kaniyang tiyan.
17 Ginagalaw niya ang kaniyang buntot na parang sedar; ang kalamnan ng kaniyang mga hita ay magkakarugtong.
18 Ang kaniyang mga buto ay parang mga tubo ng tanso; ang kaniyang mga binti ay parang mga rehas ng bakal.
19 Siya ang puno ng mga nilikha ng Diyos. Tanging ang Diyos, na gumawa sa kaniya, ang makatatalo sa kaniya.
20 Dahil ang mga burol ay nagbibigay sa kaniya ng pagkain; ang mga hayop sa damuhan ay naglalaro sa malapit.
21 Nahihiga siya sa ilalim ng mga halamang tubig sa silungan ng mga talahib, sa putikan.
22 Tinatakpan siya ng mga halamang tubig gamit ang kanilang lilim; ang mga puno sa batis ay nakapaligid sa kaniya.
23 Tingnan mo, kung umapaw ang ilog sa mga pampang nito, hindi siya nanginginig; panatag siya, kahit na ang Ilog Jordan ay umapaw hanggang sa nguso niya.
24 Kaya ba ng sinuman na hulihin siya gamit ang isang kawit, o butasin ang ilong niya gamit ang patibong?