8
1 Sa mga araw na iyon, naroon muli ang maraming tao at wala silang makain. Tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila,
2 “Naaawa ako sa mga tao dahil patuloy nila akong sinamahan ng tatlong araw at wala silang makain.
3 Kung pauuwiin ko sila sa kanilang mga tahanan na hindi pa nakakakain, maaari silang himatayin sa daan. At nagmula pa sa malayo ang ilan sa kanila.”
4 Sinagot siya ng kaniyang mga alagad, “Saan tayo maaaring makakuha ng sapat na tinapay sa isang ilang na lugar upang busugin ang mga taong ito?”
5 Tinanong sila ni Jesus, “Ilang tinapay ang mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito.”
6 Inutusan niyang umupo sa lupa ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay, nagpasalamat at hinati-hati ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa kaniyang mga alagad upang ipamigay nila, at ipinamigay nila ang mga ito sa mga tao.
7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda, at matapos siyang makapagpasalamat para sa mga ito, inutusan niya ang kaniyang mga alagad na ipamahagi din ito.
8 Kumain sila at nabusog. At kinuha nila ang mga natirang pinaghati-hati, umabot ang mga ito sa pitong malalaking basket.
9 May apat na libo ang mga taong naroroon. At pinauwi niya sila.
10 Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kaniyang mga alagad at pumunta sila sa rehiyon ng Dalmanuta.
11 At pumunta ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo sa kaniya. Humingi sila sa kaniya ng palatandaan mula sa langit upang subukin siya.
12 Napabuntong-hininga siya sa kaniyang espiritu at kaniyang sinabi, “Bakit naghahanap ng palatandaan ang salinlahing ito? Totoong sinasabi ko sa inyo, walang palatandaang ibibigay sa salinlahing ito.”
13 Pagkatapos ay iniwan sila ni Jesus, muling sumakay sa bangka, at pumunta sa kabilang dako.
14 Ngayon nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay. Mayroon lamang silang natitirang isang tinapay sa bangka.
15 Binalaan niya sila at sinabi, “Magmasid kayo at magbantay laban sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.”
16 Nangatwiran ang mga alagad sa isa't isa, “Ito ay dahil wala tayong tinapay.”
17 Batid ito ni Jesus, at sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ipinangangatwirang wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nababatid? Hindi ba ninyo nauunawaan? Naging tigang na ba ang inyong mga puso?
18 Mayroon kayong mga mata, hindi ba ninyo nakikita? Mayroon kayong mga tainga, hindi ba ninyo naririnig? Hindi pa rin ba ninyo naaalala?
19 Nang hinati ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket ang inyong napuno ng mga hinati-hating tinapay?” Sinabi nila sa kaniya, “Labindalawa.”
20 “At nang hinati-hati ko ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang basket ang inyong napuno?” Sinabi nila sa kaniya, “Pito.”
21 Sinabi niya, “Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan?”
22 Nakarating sila sa Betsaida. Dinala sa kaniya ng mga tao doon ang isang lalaking bulag at pinakiusapan nila si Jesus na hawakan siya.
23 Inalalayan ni Jesus ang lalaking bulag at dinala siya palabas ng nayon. Nang niluraan niya ang kaniyang mga mata at pinatong ang kaniyang kamay sa kaniya, tinanong niya ito, “May nakikita ka bang anumang bagay?”
24 Tumingin siya at sinabi, “Nakakakita ako ng mga taong parang mga punong naglalakad.”
25 Kaya ipinatong niyang muli ang kaniyang mga kamay sa kaniyang mga mata, at iminulat ng lalaki ang kaniyang mga mata, nanumbalik ang kaniyang paningin, at malinaw niyang nakita ang lahat ng mga bagay.
26 Pinauwi siya ni Jesus sa kaniyang tahanan at sinabi, “Huwag kang papasok sa bayan.”
27 Umalis si Jesus at ang kaniyang mga alagad patungo sa nayon ng Cesarea Filipos. Sa daan tinanong niya ang kaniyang mga alagad, “Sino ako ayon sa mga sinasabi ng mga tao?”
28 Sumagot sila at sinabi, “Si Juan na Tagabautismo. Sinasabi ng iba, 'si Elias,' at ang iba, 'Isa sa mga propeta.'”
29 Tinanong sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Ikaw ang Cristo.”
30 Binalaan sila ni Jesus na huwag ipagsabi sa kahit kanino ang tungkol sa kaniya.
31 At nagsimula siyang magturo sa kanila na ang Anak ng Tao ay kailangang magdusa ng maraming bagay, at hindi tatanggapin ng mga nakatatanda, ng mga punong pari at ng mga eskriba, at ipapapatay, at muling babangon matapos ang tatlong araw.
32 Malinaw niya itong sinabi. At dinala siya ni Pedro sa isang tabi at nagsimula siyang pagsabihan.
33 Ngunit lumingon si Jesus at tumingin sa kaniyang mga alagad at sinaway niya si Pedro at sinabi, “Layuan mo ako Satanas! Hindi mo pinahahalagahan ang mga bagay tungkol sa Diyos ngunit pinahahalagahan mo ang mga bagay tungkol sa mga tao.”
34 Pagkatapos tinawag niya ang maraming tao, kasama ng kaniyang mga alagad, at sinabi niya sa kanila, “Kung sinuman ang nagnanais sumunod sa akin, kailangan niyang ikaila ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin.
35 Sapagkat ang sinumang nais magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito at sinumang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin at para sa ebanghelyo ay makapagliligtas nito.
36 Ano ang mapapala ng isang tao, na makuha ang buong mundo at pagkatapos ay mawala ang kaniyang sariling buhay?
37 Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kaniyang buhay?
38 Kapag ikinahiya ako at ang aking salita ng sinuman sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao kapag dumating na siya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang mga banal na anghel.”