Malakias
1
1 Ang pagpapahayag ng salita ni Yahweh para sa Israel sa pamamagitan ng kamay ni Malakias.
2 “Inibig ko kayo,” sinabi ni Yahweh. Ngunit sinabi ninyo, “Paano mo kami inibig?” “Hindi ba kapatid ni Jacob si Esau?” ang pahayag ni Yahweh. “Gayon pa man, inibig ko si Jacob
3 ngunit kinamuhian ko si Esau. Ginawa kong wasak na lugar ang kaniyang mga bundok at ginawa kong lugar ng mga asong gubat sa ilang ang kaniyang mga mana.”
4 Kung sasabihin ng Edom, “Pinabagsak tayo ngunit ibabalik at itatayo natin ang mga nawasak;” Sinabi ni Yahweh ng mga hukbo, “Itatayo nila ngunit pababagsakin ko; at tatawagin sila ng mga tao, 'Ang bansa ng kasamaan', at 'Ang mga taong kinapopootan ni Yahweh magpakailanman.”'
5 Makikita ito ng sarili ninyong mga mata at sasabihin ninyo, “Dakila si Yahweh sa kabila ng mga hangganan ng Israel.”
6 “Pinararangalan ng isang anak ang kaniyang ama at pinararangalan ng isang lingkod ang kaniyang panginoon. At kung isa nga akong Ama, nasaan ang aking karangalan? At kung isa akong panginoon, nasaan ang paggalang para sa akin? Nagsasalita sa inyo si Yahweh ng mga hukbo, mga paring humamak sa aking pangalan. Ngunit sinabi ninyo, 'Paano namin hinamak ang iyong pangalan?'
7 Sa pamamagitan ng paghahandog ng maruming tinapay sa aking altar. At sinabi ninyo, 'Paano ka namin dinungisan?' Sa pamamagitan ng pagsasabing maaaring hamakin ang hapag ni Yahweh.
8 Kapag naghahandog kayo ng mga hayop na bulag para sa pag-aalay, hindi ba masama iyon? At kapag naghahandog kayo ng pilay at may sakit, hindi ba masama iyon? Ihandog ninyo iyan sa inyong gobernador, tatanggapin pa ba niya kayo o haharapin pa ba niya kayo?” sinabi ni Yahweh ng mga hukbo.
9 At ngayon, sinusubukan ninyong humingi ng tulong sa Diyos upang maaari siyang mahabag sa atin. “Sa mga ganitong handog ninyo, tatanggapin pa ba niya kayo?” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.
10 “O, kung may isa man sa inyo ang maaaring magsara ng mga tarangkahan ng templo upang hindi kayo makapagsindi ng apoy sa aking altar nang walang kabuluhan! Hindi ako nalulugod sa inyo,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “at hindi ko tatanggapin ang anumang handog mula sa inyong kamay.
11 Sapagkat mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, magiging dakila ang aking pangalan sa mga bansa; sa bawat lugar na ihahandog ang insenso para sa aking pangalan at maging ang dalisay na handog. Sapagkat magiging dakila ang aking pangalan sa mga bansa,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.
12 “Ngunit nilalapastangan ninyo ito nang sabihin ninyong marumi ang hapag ng Panginoon at ang mga prutas nito, dapat hamakin ang pagkain nito.
13 Sinabi rin ninyo, 'Nakakapagod na ito,' at pasinghal ninyo itong hinamak,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo. “Dinadala ninyo kung ano ang kinuha ng isang mabangis na hayop o ang pilay o may sakit; at dinala ninyo ito bilang inyong mga handog! Dapat ko ba itong tanggapin mula sa inyong kamay?” sabi ni Yahweh.
14 “Sumpain ang mandaraya na may isang lalaking hayop sa kaniyang kawan at nangakong ibibigay ito sa akin at gayon pa man inihandog sa akin, ang Panginoon, kung ano ang may kapintasan, sapagkat isa akong dakilang Hari,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “at kinakatakutan ng mga bansa ang aking pangalan.”