14
1 Ang marunong na babae ay nagtatayo ng kaniyang bahay, ngunit ang hangal na babae ay sinisira ito ng kaniyang sariling mga kamay.
2 Ang lumalakad ng matuwid ay may takot kay Yahweh, ngunit ang hindi tapat sa kaniyang pamumuhay ay hinahamak siya.
3 Mula sa bibig ng isang hangal ay lumalabas ang isang sanga ng kaniyang pagmamataas, ngunit ang mga labi ng marunong ay iingatan sila.
4 Kung saan walang baka ang sabsaban ay malinis, ngunit ang isang masaganang pananim ay maaaring dumating sa pamamagitan ng lakas ng isang baka.
5 Ang tapat na saksi ay hindi nagsisinungaling, ngunit ang huwad na saksi ay nabubuhay sa kasinungalingan.
6 Ang nangungutya ay naghahanap ng karunungan at walang makita, ngunit ang kaalaman ay madaling dumating sa taong may pang-unawa.
7 Umiwas mula sa isang taong hangal, dahil ikaw ay hindi makakakita ng kaalaman sa kaniyang mga labi.
8 Ang karunungan ng taong maingat ay para maunawaan ang kaniyang sariling paraan, ngunit ang kamangmangan ng mga hangal ay panlilinlang.
9 Ang mga hangal ay nangungutya kapag ang handog sa pagkakasala ay inialay, ngunit sa matuwid ang kagandahang-loob ay ibinabahagi.
10 Alam ng puso ang sarili niyang kapaitan, at walang sinuman ang nakikibahagi sa kagalakan nito.
11 Ang bahay ng mga taong masama ay wawasakin, ngunit ang tolda ng taong matuwid ay sasagana.
12 Mayroong isang landas na tila tama sa isang tao, ngunit ang dulo nito ay naghahatid lamang sa kamatayan.
13 Ang puso ay maaaring tumawa ngunit nananatiling nasasaktan, at ang kagalakan ay maaaring magtapos sa kapighatian.
14 Ang hindi tapat ay makukuha kung ano ang karapat-dapat sa kaniyang pamumuhay, ngunit ang taong mabuti ay makukuha kung ano ang kaniya.
15 Ang hindi naturuan ay naniniwala sa lahat ng bagay, ngunit ang taong maingat, iniisip ang kaniyang mga hakbang.
16 Ang marunong ay may takot at lumalayo mula sa kasamaan, ngunit ang hangal ay panatag na hindi pinapansin ang babala.
17 Ang isang madaling magalit ay nakagagawa ng mga kahangalan, at ang tao na gumagawa ng masasamang pamamaraan ay kinamumuhian.
18 Ang mga taong hindi naturuan ay magmamana ng kahangalan, ngunit ang taong maingat ay napapaligiran ng kaalaman.
19 Ang mga masasama ay yuyuko sa harap ng mabubuti, at ang mga masama ay luluhod sa tarangkahan ng mga matuwid.
20 Ang mahihirap ay kinamumuhian kahit ng kaniyang sariling mga kasamahan, ngunit ang mga mayayaman ay maraming kaibigan.
21 Ang isang nagpapakita ng paghamak sa kaniyang kapwa ay nagkakasala, ngunit ang isang nagpapakita ng kagandahang-loob para sa mahirap ay masaya.
22 Hindi ba ang mga nagbabalak ng masama ay naliligaw? Ngunit ang mga nagbabalak na gumawa ng mabuti ay makatatanggap nang katapatan sa tipan at pagtitiwala.
23 Sa lahat ng mahirap na gawain ay may darating na kapakinabangan, ngunit kung puro salita lamang, ito ay hahantong sa kahirapan.
24 Ang korona ng mga taong marunong ay ang kanilang kayamanan, ngunit ang kamangmangan ng mga hangal ay nagdadala ng lalong maraming kahangalan.
25 Ang matapat na saksi ay naglilitas ng mga buhay, ngunit ang isang huwad na saksi ay nabubuhay sa kasinungalingan.
26 Kapag ang isang tao ay takot kay Yahweh, siya rin ay may higit na tiwala sa kaniya; ang mga bagay na ito ay magiging katulad ng isang matatag na lugar na proteksyon para sa mga anak ng taong ito.
27 Ang pagkatakot kay Yahweh ay isang bukal ng buhay, para ang tao ay makalayo mula sa patibong ng kamatayan.
28 Ang kaluwalhatian ng hari ay matatagpuan sa malaking bilang ng kaniyang mga tao, ngunit kung walang mga tao ang prinsipe ay napapahamak.
29 Ang matiyaga ay may malawak na pang-unawa, ngunit ang taong mabilis magalit ay itinataas ang kamangmangan.
30 Ang pusong panatag ay buhay para sa katawan, ngunit ang inggit ay binubulok ang mga buto.
31 Ang isang nagmamalupit sa mahihirap ay isinusumpa ang kaniyang Maykapal, ngunit ang isang nagpapakita ng kagandahang-loob para sa nangangailangan ay pinaparangalan siya.
32 Ang masama ay ibinagsak sa pamamagitan ng kaniyang masamang mga gawa, ngunit ang matuwid ay may isang kanlungan kahit sa kamatayan.
33 Ang karunungan ay nasa puso ng nakakakilala ng mabuti, ngunit sa kasamahan ng mga hangal ay ibinunyag niya ng kaniyang sarili.
34 Ang paggawa ng tama ay nagtataas ng isang bansa, ngunit ang kasalanan ay isang kahihiyan para sa sinuman.
35 Ang kagandahang-loob ng hari ay para sa maingat na lingkod, ngunit ang kaniyang galit ay para sa isang kumikilos nang kahiya-hiya.