17
Mas mabuti na magkaroon ng tahimik na may isang subong tuyong tinapay kaysa sa isang bahay na puno ng kapistahan na mayroong pagkaka-alitan. Ang isang matalinong alipin ay mamamahala sa isang anak na gumagawa ng kahihiyan at makikibahagi ng mana gaya ng isa sa magkakapatid. Ang tunawan ng metal ay para sa pilak at ang hurno ay para sa ginto, ngunit dinadalisay ni Yahweh ang mga puso. Ang taong gumagawa ng masama ay nakikinig sa mga taong nagsasalita ng kasamaan; Ang sinungaling ay nagbibigay pansin sa mga taong nagsasalita ng mga masasamang bagay. Ang sinumang nanglalait sa mahirap ay hinahamak ang kanyang Tagapaglikha, at ang taong nagagalak sa kasawian ay hindi makakaligtas sa kaparusahan. Ang mga apo ay korona ng mga matatanda, at ang mga magulang ay nagbibigay dangal sa kanilang mga anak. Ang mahusay na pananalita ay hindi angkop para sa isang mangmang; lalong hindi angkop ang mga labing sinungaling para sa isang maharlika. Ang suhol ay parang isang mahikang-bato sa isang nagbibigay nito; saan man siya dumako, siya ay magtatagumpay. Ang sinumang nagpapaumanhin sa paglabag ay naghahanap ng pagmamahal, pero ang sinumang umuulit sa isang bagay ay nagpapalayo sa mga malalapit na kaibigan. 10 Ang pagsaway ay taimtim na tumutungo sa isang tao na may pang-unawa kaysa sa isang daang dagok sa isang hangal. 11 Ang masamang tao ay naghahanap lamang ng himagsikan, kaya ang isang malupit na mensahero ay ipapadala laban sa kaniya. 12 Mabuti pa na makasalubong ang isang inahing oso na ninakawan ng anak kaysa makatagpo ng isang mangmang sa kanyang kahangalan. 13 Kung ang isang tao ay nagbabalik ng masama para sa mabuti, hindi kailanman iiwan ng kasamaan ang kaniyang tahanan. 14 Ang simula ng hindi pagkakasundo ay gaya ng isang taong nagpapakawala ng tubig sa lahat ng dako, kaya lumayo ka sa mga pagtatalo bago ito magsimula. 15 Ang sinumang nagpapawalang-sala sa mga masasamang tao o humahatol sa mga taong gumagawa ng tama—kapwa ang mga taong ito ay karumal-dumal kay Yahweh. 16 Bakit kailangang magbayad ng salapi ang isang mangmang para matuto tungkol sa karunungan, kung wala naman siyang kakayahang matutunan ito? 17 Ang kaibigan ay mapagmahal sa lahat ng oras, at ang kapatid ay isinilang para sa mga oras ng kaguluhan. 18 Ang taong walang isip ay gumagawa ng mga pangakong kailangang tuparin at mananagot sa mga utang ng kaniyang kapwa. 19 Ang sinuman na nagmamahal sa mga hidwaan ay nagmamahal sa kasalanan; Ang taong gumagawa ng mataas na pintuan ay sanhi para ang buto ay mapilayan. 20 Ang taong may mandarayang puso ay walang mabuting bagay na matatagpuan. Ang taong may napakasamang dila ay nahuhulog sa kapahamakan. 21 Kung sinumang umanak ng isang hangal ay magdudulot ng kapighatian sa kanyang sarili; Kung sinumang umaruga ng isang hangal ay hindi makakapagdiwang. 22 Ang isang masayahing puso ay mainam na gamot, pero ang mabigat na kalooban ay nakakatuyo ng mga buto. 23 Ang masamang tao ay tumatanggap ng suhol na palihim para iligaw ang mga daan ng katarungan. 24 Ang taong mayroong pang-unawa ay itinutuon ang kanyang mukha sa karunungan, pero ang mga mata ng isang hangal ay nakatuon sa dulo ng daigdig. 25 Ang isang mangmang na anak ay pighati sa kanyang ama at kapaitan sa babaeng nagsilang sa kanya, 26 At saka, hindi kailanman mabuting parusahan ang sinumang gumagawa ng tama; ni hindi mabuting paluin ang mga taong marangal na taglay ang katapatan. 27 Ang isang may kaalaman ay gumagamit ng kaunting mga salita at ang mahinahon ay may pang-unawa. 28 Kahit ang isang mangmang ay iisiping marunong kapag siya ay nananahimik; kung pinapanatili niyang tikom ang kaniyang bibig, siya ay itinuturing na matalino.