9
Ang karunungan ay nagtayo ng kaniyang tahanan; nag-ukit siya ng pitong mga poste mula sa bato. Hinanda niya ang mga karne niya para ihain sa hapunan; hinalo niya ang kaniyang alak; at inihanda niya ang kaniyang hapag-kainan. Nagpadala siya ng mga paanyaya kasama ang mga lingkod niyang babae at tumatawag siya mula sa pinakamataas na dako ng lungsod: “Hayaan ang mga hindi naturuan na lumapit dito!” sinasabi niya roon sa mga walang alam. “Lumapit kayo, kainin ninyo ang aking pagkain, at inumin ang alak na aking hinalo. Iwanan na ninyo ang mga kaparaanan ng kamangmangan upang kayo ay mabuhay; lumakad sa daan ng pang-unawa. Kung sinuman ang magtama ng mangungutya ay nag-aanyaya ng pag-abuso, at kung sinuman ang magtuwid ng masamang tao ay masasaktan. Huwag sawayin ang mangungutya, o kamumuhian ka niya; magtuwid ng matalinong tao, at mamahalin ka niya. Magbigay ng gabay sa matalinong tao, at siya ay magiging mas matalino; turuan ang matuwid na tao, at dadagdag ang kaniyang pagkatuto. 10 Ang takot kay Yahweh ang simula ng karunungan, at ang kaalaman sa Isang Banal ay kaunawaan. 11 Dahil sa pamamagitan ko ang mga araw mo ay dadami, at dadagdag ang taon ng buhay mo. 12 Kung matalino ka, matalino ka para sa sarili mo, pero kung mangungutya ka, dadalhin mo ito nang mag-isa.” 13 Ang isang mangmang na babae ay maingay— hindi siya naturuan at wala siyang alam. 14 Nauupo siya sa pinto ng bahay niya, sa upuan ng pinakamataas na lugar ng bayan. 15 Tinatawag niya ang mga taong dumadaan, ang mga taong naglalakad ng tuwid sa kanilang daan. 16 “Hayaan ang mga hindi naturuan na lumapit dito” sinasabi niya doon sa mga walang alam. 17 “Ang ninakaw na tubig ay matamis, at ang tinapay na kinain ng palihim ay kaaya-aya.” 18 Pero hindi niya alam na nandoon ang mga patay, na ang mga panauhin niya ay nasa kailaliman ng sheol.