135
1 Purihin si Yahweh. Purihin ang pangalan ni Yahweh, Purihin siya, kayong mga lingkod ni Yahweh,
2 kayong mga nakatayo sa tahanan ni Yahweh, sa mga patyo ng tahanan ng ating Diyos.
3 Purihin si Yahweh, dahil siya ay mabuti; umawit ng mga papuri sa kaniyang pangalan, dahil ito ay nakalulugod na gawin.
4 Dahil pinili ni Yahweh si Jacob para sa kaniyang sarili, ang Israel bilang kaniyang pag-aari.
5 Alam kong si Yahweh ay dakila, na ang ating Panginoon ay mataas sa lahat ng diyos.
6 Kahit na anong naisin ni Yahweh, ginagawa niya sa langit, sa lupa, sa dagat at sa kailaliman ng karagatan.
7 Inilagay niya ang mga ulap mula sa malayo, na gumagawa ng lumiliwanag na kidlat kasama ng ulan at nagdadala ng hangin mula sa kaniyang imbakan.
8 Pinatay niya ang panganay na anak ng Ehipto, maging tao at mga hayop.
9 Nagpadala siya ng mga tanda at mga kababalaghan sa inyong kalagitnaan, Ehipto, laban sa Paraon at sa lahat ng kaniyang mga lingkod.
10 Maraming bansa ang nilusob niya at pinatay ang malalakas na hari,
11 sina Sihon hari ng Amoreo at Og hari ng Bashan at lahat ng kaharian sa Canaan.
12 Ibinigay niya ang kanilang mga lupain para ipamana, isang pamana sa kaniyang bayang Israel.
13 Yahweh, ang iyong pangalan ay mananatili magpakailanman; Yahweh, ang iyong katanyagan ay mananatili sa lahat ng henerasyon.
14 Dahil ipinagtatanggol ni Yahweh ang kaniyang bayan at may habag siya sa kaniyang mga lingkod.
15 Ang mga bansa ng mga diyos-diyosan ay pilak at ginto, gawa sa kamay ng mga tao.
16 Ang mga diyos-diyosan ay may mga bibig, pero hindi sila nagsasalita; mayroon silang mga mata, pero hindi nakakikita;
17 mayroon silang mga tainga, pero hindi nakaririnig, ni hininga ay wala sa kanilang mga bibig.
18 Ang mga gumagawa sa kanila ay tulad din nila, gaya ng lahat ng nagtitiwala sa kanila.
19 Mga kaapu-apuhan ng Israel, purihin ninyo si Yahweh; mga kaapu-apuhan ni Aaron, purihin ninyo si Yahweh.
20 Mga kaapu-apuhan ni Levi, purihin ninyo si Yahweh; kayong nagpaparangal kay Yahweh, purihin ninyo si Yahweh.
21 Purihin ninyo si Yahweh sa Sion, siyang naninirahan sa Jerusalem. Purihin si Yahweh.