36
1 Nagsasalita ang kasalanan gaya ng mensahe sa puso ng taong masama; walang pagkatakot sa Diyos sa kaniyang mga mata.
2 Dahil pinagiginhawa niya ang kaniyang sarili, iniisip na ang kaniyang kasalanan ay hindi matutuklasan at kasusuklaman.
3 Ang kaniyang mga salita ay makasalanan at mapanlinlang; ayaw niyang maging matalino at gumawa ng mabuti.
4 Habang siya ay nakahiga sa kaniyang kama, nagbabalak siya ng mga paraan para magkasala; siya ay nagtatakda ng masamang paraan; hindi niya iniiwasan ang kasalanan.
5 Ang iyong katapatan sa tipan, Yahweh, ay umaabot sa kalangitan; ang iyong katapatan ay umaabot sa mga kaulapan.
6 Ang iyong katarungan ay gaya ng pinakamataas na mga bundok; ang iyong katarungan ay gaya ng pinakamalalim na dagat. Yahweh, pinangangalagaan mo ang kapwa sangkatauhan at mga hayop.
7 Napakahalaga ng iyong katapatan sa tipan, O Diyos! Ang sangkatauhan ay kumakanlong sa ilalim ng anino ng iyong mga pakpak.
8 Sila ay masaganang masisiyahan sa kayamanan ng mga pagkain sa iyong bahay; hahayaan mo silang uminom mula sa ilog ng iyong mahalagang mga pagpapala.
9 Dahil kasama mo ang bukal ng buhay; sa iyong liwanag ay aming makikita ang liwanag.
10 Palawigin mo ang iyong katapatan sa tipan nang lubusan sa mga na nakakakilala sa iyo, ang pagtatanggol mo sa matuwid ang puso.
11 Huwag mong hayaan ang paa ng mayabang na makalapit sa akin. Huwag mong hayaan ang kamay ng masama na palayasin ako.
12 Doon ang masasama ay natalo; sila ay bumagsak at wala ng kakayahang bumangon.