69
Iligtas mo ako, O Diyos, dahil nilagay ng katubigan ang buhay ko sa panganib. Lumulubog ako sa malalim na putikan kung saan walang lugar na matatayuan; pumunta ako sa malalim na katubigan kung saan rumaragasa ang baha sa akin. Napapagal ako sa aking pag-iyak; nanunuyo ang aking lalamunan; nanlalabo ang aking mga mata habang naghihintay ako sa Diyos. Higit pa sa aking mga buhok sa ulo ang mga napopoot sa akin ng walang dahilan; ang mga pumapatay sa akin, ang naging mga kaaway ko dahil sa mga maling dahilan, ay makapangyarihan; ang mga hindi ko ninakaw ay kailangan kong ibalik. O Diyos, alam mo ang aking kahangalan, at hindi nalilihim ang mga kasalanan ko sa iyo. Huwag mong hayaang malagay sa kahihiyan ang mga naghihintay sa iyo dahil sa akin, Panginoong Diyos ng mga hukbo; huwag mong hayaang malagay sa kasiraang-puri ang mga naghahanap sa iyo dahil sa akin, O Diyos ng Israel. Para sa iyong kapakanan, tinanggap ko ang panlalait; kahihiyan ang bumalot sa aking mukha. Naging dayuhan ako sa aking mga kapatid, dayuhan sa mga anak ng aking ina. Dahil nilamon ako ng kasigasigan sa iyong tahanan, at ang mga lait ng mga nanlalait sa iyo ay bumagsak sa akin. 10 Noong umiyak ako at hindi kumain, hinamak nila ako. 11 Noong ginawa kong kasuotan ang sako, naging paksa ako ng kawikaan sa kanila. 12 Pinag-uusapan ako ng mga nakaupo sa tarangkahan ng lungsod; ako ang awit ng mga manginginom. 13 Pero para sa akin, sa iyo ang aking panalangin, Yahweh, sa panahon na tatanggap ka; sagutin mo ako sa pagiging mapagkakatiwalaan ng iyong kaligtasan. 14 Hilahin mo ako mula sa putikan, at huwag mo akong hayaang lumubog; hayaan mo akong malayo mula sa napopoot sa akin at sagipin mo mula sa malalim na katubigan. 15 Huwag mong hayaang tabunan ako ng baha, ni hayaang lamunin ako ng kalaliman. Huwag mong hayaang isara ng hukay ang bibig nito sa akin. 16 Sagutin mo ako Yahweh, dahil mabuti ang iyong katapatan sa tipan; dahil labis ang iyong kahabagan sa akin, humarap ka sa akin. 17 Huwag mong itago ang iyong mukha sa iyong mga lingkod, dahil ako ay nasa kalungkutan; sagutin mo ako agad. 18 Lumapit ka sa akin at tubusin ako. Dahil sa aking mga kaaway, iligtas mo ako. 19 Alam mo ang aking paghihirap, kahihiyan at kasiraang-puri; nasa harap mo ang lahat ng aking mga kalaban. 20 Winasak ng pagtutuwid ang aking puso; punong-puno ako ng kabigatan; naghahanap ako ng sinumang maaawa sa akin, pero wala ni isa man. Naghahanap ako ng mga mag-aaliw, pero wala akong nakita. 21 Binigyan nila ako ng lason para kainin ko; sa aking pagka-uhaw binigyan nila ako ng suka para inumin. 22 Hayaan mong maging bitag ang mesa sa harap nila; kapag iniisip nila na ligtas sila, hayaan mong maging patibong ito. 23 Hayaan mong magdilim ang kanilang mga mata para hindi sila makakita; lagi mong yugyugin ang mga baywang nila. 24 Ibuhos mo ang iyong labis na galit sa kanila, hayaang mong abutan sila ng bagsik ng iyong galit. 25 Hayaan mong ang kanilang lugar ay maging kapanglawan; hayaang mong walang sinuman ang manirahan sa kanilang mga tolda. 26 Dahil inuusig nila ang siyang sinaktan mo; ibinalita nila sa iba ang hapdi ng mga sinugatan mo. 27 Isakdal mo sila dahil sa paggawa ng sunod-sunod na kasalanan; huwag mo silang hayaang pumasok sa matuwid mong katagumpayan. 28 Hayaan mo silang mabura sa aklat ng buhay at hindi maisulat kasama ng mga matutuwid. 29 Pero ako ay naghihirap at nagdadalamhati; hayaan mo, O Diyos, na parangalan ako ng iyong kaligtasan. 30 Pupurihin ko ang pangalan ng Diyos ng may awit at dadakilain siya ng may pasasalamat. 31 Higit na kalulugdan ito ng Diyos kaysa sa isang baka o toro na may mga sungay at paa. 32 Nakita ito ng mga mapagpakumbaba at natuwa; kayo na mga naghahanap sa Diyos, hayaan niyong mabuhay ang inyong mga puso. 33 Dahil naririnig ni Yahweh ang mga nangangailangan at hindi hinahamak ang mga bilanggo. 34 Purihin siya ng langit at lupa, ng mga dagat at lahat ng mga gumagalaw dito. 35 Dahil ililigtas ng Diyos ang Sion at itatayong muli ang mga lungsod sa Juda; maninirahan ang mga tao roon at aangkinin ito. 36 Mamanahin ito ng mga lingkod ng kaniyang mga kaapu-apuhan; maninirahan doon silang mga nagmamahal sa kaniyang pangalan.