81
Umawit nang malakas sa Diyos ng aming kalakasan; sumigaw nang may kagalakan para sa Diyos ni Jacob. Umawit at tumugtog ng tamburin, ng kaaya-ayang lira kasama ng alpa. Hipan ang sungay ng lalaking tupa sa araw ng bagong buwan, sa araw ng kabilugan ng buwan, kapag nagsimula ang araw ng aming kapistahan. Dahil ito ay isang batas para sa Israel, isang kautusan na ibinigay ng Diyos ni Jacob. Nagpalabas siya nito bilang isang patakaran kay Jose noong siya ay nagtungo sa lupain ng Ehipto, kung saan nakarinig ako ng wika na hindi ko naintindihan. “Inalis ko ang pasanin mula sa kaniyang balikat; ang kaniyang mga kamay ay nakalaya mula sa pagkakahawak ng basket. Sa iyong pagdadalamhati ikaw ay tumawag, at tinulungan kita; Tinugon kita mula sa isang madilim na ulap na may kasamang kulog. Sinubok kita sa mga tubig ng Meriba. Selah Makinig kayo, aking bayan, dahil babalaan ko kayo, Israel, kung makikinig lamang kayo sa akin! Walang dapat na maging dayuhang diyos sa inyo; hindi ninyo dapat sambahin ang anumang dayuhang diyos. 10 Ako si Yahweh na inyong Diyos, na naglabas sa inyo mula sa lupa ng Ehipto. Ibuka ninyo nang malaki ang inyong bibig, at pupunuin ko ito. 11 Pero hindi nakinig ang aking bayan sa aking mga salita; hindi ako sinunod ng Israel. 12 Kaya hinayaan ko sila na sundin ang katigasan ng sarili nilang pamamaraan para maaari nilang gawin kung ano sa tingin nila ang tama. 13 O, nawa makinig ang aking bayan sa akin; O, nawa lumakad sa aking mga landas ang aking bayan. 14 Pagkatapos agad kong pasusukuin ang kanilang mga kaaway at ibabaling ko ang aking kamay laban sa mga nang-aapi sa kanila. 15 Nawa ang mga napopoot kay Yahweh ay yumuko nang may takot sa harap niya! Nawa sila ay mapahiya magpakailanman. 16 Pakakainin ko ang Israel ng pinakamainam na trigo; pasisiyahin ko kayo ng pulot na lumalabas mula sa bato.”