90
Ika-apat na aklat. Isang panalangin ni Moises ang lingkod ng Diyos.
1 Panginoon, ikaw ang aming kublihan sa mga nakalipas na mga salinlahi.
2 Bago nahubog ang mga bundok, o hinubog mo ang lupa at ang mundo, hanggang sa habang panahon, ikaw ay Diyos.
3 Binabalik mo sa alabok ang tao, at sinasabi mo, “Bumalik ka, ikaw na lahi ng tao.”
4 Dahil ang isang libong taon ay parang kahapon na lumipas, na tulad ng hudyat sa gabi.
5 Tinatangay mo sila tulad ng baha at nakakatulog sila; sa umaga ay tulad sila ng sumisibol na damo.
6 Sa umaga ito ay namumulaklak at tumutubo; sa gabi ito ay nalalanta at natutuyot.
7 Tunay nga na nilalamon kami ng iyong galit, at sa iyong poot kami ay lubhang natatakot.
8 Nilagay mo ang mga kasalanan namin sa iyong harapan, ang aming mga nakatagong kasalanan sa liwanag ng iyong presensiya.
9 Lumilipas ang aming buhay sa ilalim ng iyong poot; ang aming mga taon ay madaling lumilipas na tulad ng buntong-hininga.
10 Ang aming mga taon ay pitumpu, walumpu kung kami ay malusog; pero kahit na ang aming pinakamainam na taon ay may suliranin at kapighatian. Oo, mabilis itong lumilipas, at tinatangay kami palayo.
11 Sino ang nakakaalam ng tindi ng iyong galit; ang poot mo na katumbas sa takot na dinudulot nito?
12 Kaya turuan mo kaming isaalang-alang ang aming buhay para mamuhay kami ng may karunungan.
13 Bumalik ka, Yahweh! Gaano pa ba katagal? Maawa ka sa iyong mga lingkod.
14 Bigyan mo kami sa umaga ng kasiyahan sa iyong katapatan sa tipan para magsaya kami at magalak sa lahat ng mga araw namin.
15 Hayaan mo kaming magalak katumbas ng mga araw nang sinaktan mo kami at sa mga taon na nakaranas kami ng suliranin.
16 Hayaan mong makita ng iyong mga lingkod ang iyong mga gawa, at hayaang makita ng aming mga anak ang iyong kaluwalhatian.
17 Nawa ang pabor ng Panginoon ay mapasaamin; pasaganahin ang gawa ng aming mga kamay; tunay nga, pasaganahin mo ang gawa ng aming mga kamay.