13
1 Sa ika-labingwalong taon ni Haring Jeroboam, nagsimulang maghari si Abias sa Judah.
2 Naghari siya ng tatlong taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Maacah na anak ni Uriel na taga-Gibea. Nagkaroon ng digmaan sa pagitan ni Abias at Jeroboam.
3 Nagtungo si Abias sa digmaan dala ang malakas na hukbo, magigiting na mga kawal at 400, 000 na piniling mga kalalakihan. Humanay naman si Jeroboam laban sa kaniya ng 800, 000 na piling mga kalalakihan, malalakas at magigiting na mga kawal.
4 Tumayo si Abias sa Bundok ng Zemaraim, sa may lupaing maburol ng Efraim at nagsabi, “Makinig ka sa akin Jeroboam at lahat ng Israel!
5 Hindi ba ninyo alam na si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagbigay kay David ng pamumuno sa buong Israel magpakailanman, sa kaniya at sa kaniyang mga anak sa pamamagitan ng isang kasunduan?
6 Ngunit si Jeroboam na anak na lalaki ni Nebat, ang lingkod ni Solomon na anak ni David ay nakipaglaban at naghimagsik sa kaniyang panginoon.
7 Mga walang kabuluhang lalaki na mga hamak na tao ang nakipagtipon sa kaniya. Dumating sila laban kay Rehoboam na anak ni Solomon, nang bata pa si Rehoboam at walang pang karanasan at hindi sila kayang tapatan.
8 Ngayon ay sinasabi ninyo na kaya ninyong labanan ang makapangyarihang pamumuno ni Yahweh sa kamay ng mga kaapu-apuhan ni David. Kayo ay isang malaking hukbo at kasama ninyo ang mga ginintuang guya na ginawa ni Jeroboam bilang mga diyos ninyo.
9 Hindi ba't pinaalis ninyo ang mga pari ni Yahweh na mga anak ni Aaron at ang mga Levita? Hindi ba gumawa kayo ng mga pari para sa inyong sarili ayon sa pamamaraan ng ibang lahi ng ibang lupain? Ang sinumang dumarating upang italaga ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng isang batang toro at pitong lalaking tupa ay maaaring maging isang pari sa mga hindi tunay na diyos.
10 Ngunit para sa amin, si Yahweh ang aming Diyos at hindi namin siya tinalikuran. Mayroon kaming mga pari na mga anak ni Aaron na naglilingkod kay Yahweh at ang mga Levita na nasa kanilang mga gawain.
11 Nagsusunog sila sa bawat umaga at gabi ng mga alay na susunugin at mga mababangong insenso para kay Yahweh. Sila rin ay naghahanda ng tinapay na handog sa ibabaw ng dinalisay na hapag. Sinisindihan rin nila ang ilawang gintong patungan upang ang mga ito ay magliwanag sa bawat gabi. Sinusunod namin ang mga kautusan ni Yahweh na aming Diyos, ngunit tinalikuran ninyo siya.
12 Tingnan ninyo, kasama namin ang Diyos na siyang namumuno at ang kaniyang mga pari ay narito dala ang mga trumpeta upang magpatunog ng babala laban sa inyo. Bayang Israel, huwag ninyong labanan si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sapagkat hindi kayo magtatagumpay.”
13 Ngunit naghanda si Jeroboam ng isang lihim na pagsalakay sa kanilang likuran. Ang kaniyang hukbo ay nasa harapan ng Juda at ang lihim na pagsalakay ay nasa kanilang likuran.
14 Nang lumingon sa likuran ang mga taga-Juda, nakita nila na ang labanan ay parehong nasa kanilang harapan at likuran. Sumigaw sila ng malakas kay Yahweh at hinipan ng mga pari ang mga trumpeta.
15 At sumigaw ang mga kalalakihan ng Juda at habang sumisigaw sila, nangyari nga na hinampas ng Diyos si Jeroboam at ang lahat ng Israel sa harapan ni Abias at ng taga-Juda.
16 Tumakas ang mga Israelita mula sa Juda at ipinasakamay sila ng Diyos sa mga taga-Juda.
17 Pinatay sila ni Abias at ng kaniyang hukbo; 500, 000 na piling lalaki ng Israel ang namatay.
18 Sa ganitong paraan, natalo ang Israel nang panahong iyon. Nagtagumpay ang mga taga-Juda dahil umasa sila kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
19 Tinugis ni Abias si Jeroboam at sinakop niya ang mga lungsod mula sa kaniya, ang Bethel, Jesana at Efron, kasama ang mga nayon ng mga ito.
20 Hindi na nabawi ni Jeroboam ang kapangyarihan sa panahon ng paghahari ni Abias, hinampas siya ni Yahweh at namatay siya.
21 Subalit naging makapangyarihan si Abias, nagkaroon siya ng labing-apat na asawa at naging ama ng dalawampu't dalawang anak na lalaki at labing-anim na anak na babae.
22 Ang iba pang ginawa at sinabi ni Abias ay naisulat sa kasaysayan ni proteta Iddo.