4
1 Ngayon umakyat si Boaz sa tarangkahan at umupo roon. Maya-maya, dumaan ang malapit na kamag-anak na nabanggit ni Boaz. Sinabi ni Boaz sa kaniya, “Aking kaibigan, lumapit ka at maupo rito.” Lumapit ang lalaki at umupo.
2 Pagkatapos nagdala si Boaz ng sampung lalaki na mga nakatatanda sa lungsod at sinabing, “Umupo kayo rito.” Kaya umupo sila.
3 Sinabi ni Boaz sa malapit na kamag-anak, “Si Naomi, na nagbalik mula sa bansa ng Moab, ay ipinagbibili ang kapiraso ng lupain na noon ay sa ating kapatid na si Elimelek.
4 Iniisip kong ipagbigay-alam at sabihin sa iyo, 'Bilhin mo ito sa harapan ng mga nakaupo rito, at sa harapan ng mga nakatatanda ng aking bayan.' Kung nais mong tubusin ito, tubusin mo. Pero kung hindi mo gustong tubusin ito, sabihin mo sa akin para malaman ko, dahil wala ni isang tutubos nito maliban sa iyo, at ako ang kasunod mo.” Pagkatapos, sinabi ng ibang lalaki, “Tutubusin ko ito.”
5 Pagkatapos sinabi ni Boaz, “Sa araw na bilhin mo ang bukid mula sa kamay ni Naomi, kailangan mo ring kunin si Ruth na Moabita, ang asawa ng namatay na lalaki, sa utos para maitaas ang pangalan ng namatay sa kaniyang pamana.”
6 Pagkatapos sinabi ng malapit na kamag-anak, “Hindi ko ito matutubos para sa aking sarili nang hindi masisira ang aking sariling pamana. Kunin mo ang aking karapatan ng pagtubos para sa iyong sarili, dahil hindi ko ito matutubos.”
7 Ngayon ito ang kaugalian sa Israel sa mga naunang panahon patungkol sa pagtubos at pagpalit ng mga ari-arian. Para patunayan ang lahat ng mga bagay, hinuhubad ng isang tao ang kaniyang sapatos at ibinibigay ito sa kaniyang kapitbahay; ito ang paraan sa paggawa ng ayon sa batas na mga kasunduan sa Israel.
8 Kaya sinabi ng malapit na kamag-anak kay Boaz, “Bilhin ito para sa iyong sarili.” At hinubad niya ang kaniyang sapatos.
9 Pagkatapos sinabi ni Boaz sa mga nakatatanda at sa lahat ng mga tao, “Kayo ang mga saksi sa araw na ito na nabili ko ang lahat ng dating kay Elimelek at lahat ng dating kay Quelion at Mahlon mula sa kamay ni Naomi.
10 Bukod dito tungkol kay Ruth na Moabita, ang asawa ni Mahlon: nakuha ko rin siya na maging aking asawa, sa utos para maitaas ko ang pangalan ng namatay na lalaki sa kaniyang pamana, kaya ang kaniyang pangalan ay hindi mapuputol mula sa gitna ng kaniyang mga kapatid at mula sa tarangkahan ng kaniyang lugar. Kayo ang mga saksi ngayon.”
11 Sinabi ng lahat ng mga tao na nasa tarangkahan at mga nakatatanda, “Kami ang mga saksi. Gawin nawa ni Yahweh ang babae na pumasok sa iyong bahay tulad nina Raquel at Lea, ang dalawa na nagtayo ng bahay sa Israel. Magtagumpay ka nawa sa Efrata at maging kilala sa Betlehem.
12 Nawa ang iyong bahay ay maging tulad ng bahay ni Fares, na ipinanganak ni Tamar kay Juda, sa pamamagitan ng anak na ibibigay sa iyo ni Yahweh sa dalagang ito.”
13 Kaya kinuha ni Boaz si Ruth, at siya ay naging asawa niya. Sinipingan niya ito, at pinahintulutan ni Yahweh na mabuntis siya at nagsilang siya ng isang anak na lalaki.
14 Sinabi ng mga babae kay Naomi, “Pagpalain ka nawa ni Yahweh, na hindi ka iniwan sa araw na ito na walang isang malapit na kamag-anak, itong sanggol. Nawa maging kilala ang kaniyang pangalan sa Israel.
15 Nawa maging isa siyang tagapagpanumbalik ng buhay, at isang tagapagpalusog sa iyong katandaan, dahil isinilang siya ng iyong manugang, na nagmahal sa iyo, na mas mabuti sa iyo kaysa pitong anak na lalaki.”
16 Pagkatapos kinuha ni Naomi ang bata, pinahiga niya siya sa kaniyang dibdib at inalagaan siya.
17 At ang mga babae, kaniyang mga kapitbahay, binigyan siya ng pangalan, sinasabing, “Isang bata ang ipinanganak kay Naomi.” Pinangalanan nila siyang Obed. Naging ama siya ni Jesse, na naging ama ni David.
18 Ngayon ito ang mga kaapu-apuhan ni Fares: si Fares ang naging ama ni Hezron,
19 si Hezron ang naging ama ni Ram, si Ram ang naging ama ni Aminadab,
20 si Aminadab ang naging ama ni Naason, si Naason ang naging ama ni Salmon,
21 si Salmon ang naging ama ni Boaz, si Boaz ang naging ama ni Obed,
22 si Obed ang naging ama ni Jesse, at si Jesse ang naging ama ni David.