3
1 Sa gabi sa aking higaan ako ay nananabik sa aking mahal, hinanap ko siya, pero hindi ko siya matagpuan.
2 Sabi ko sa aking sarili, “Babangon ako at pupunta sa iba't ibang dako ng lungsod, sa mga lansangan at mga plasa; hahanapin ko ang aking minamahal”. Hinanap ko siya pero, hindi ko siya matagpuan.
3 Natagpuan ako ng mga bantay habang sila ay nag-iikot sa lungsod. Tinanong ko sila, “Nakita ba ninyo ang aking minamahal?”
4 Ilang sandali palang ang nakalipas pagkatapos ko silang malampasan nang natagpuan ko siya na minamahal ng aking kaluluwa. Hinawakan ko siya at hindi siya binitiwan hanggang nadala ko siya sa bahay ng aking ina, sa silid ng nagbuntis sa akin. Nagsasalita sa ibang kababaihan ang babae
5 Nais kong mangako kayo, mga anak na dalaga ng bayang Jerusalem, kasama ng mga gasel at mga babaing usa sa parang, na hindi ninyo gagambalain ang aming pagtatalik hanggang ito ay matapos. Nagsasalita sa kaniyang sarili ang babae
6 Ano iyon na dumarating mula sa ilang tulad ng isang hanay ng usok, pinabanguhan ng mira at kamanyang, kasama ng lahat ng mga pulbos na ipinagbili ng mga mangangalakal?
7 Tingnan mo, ang arag-arag ni Solomon na binubuhat; animnapung mga mandirigma ang nakapaligid dito, animnapung mga sundalo ng Israel.
8 Sila ay mga dalubhasa sa espada at bihasa sa digmaan. Bawa't lalaki ay may espada sa kaniyang tagiliran, armado laban sa mga kilabot ng gabi.
9 Ginawan ni Haring Solomon ang kaniyang sarili ng isang upuan na yari sa kahoy na Sedan na mula sa Lebanon.
10 Ang mga poste nito ay gawa sa pilak, ang likuran ay gawa sa ginto, at ang upuan sa lilang tela. Ang panloob nito ay pinalamutian ng may pag-ibig ng mga anak na dalaga ng bayang Jerusalem. Nagsasalita sa ibang kababaihan ng Jerusalem ang dalaga.
11 Lumabas kayo, mga dalaga ng bayang Sion, at masdang mabuti si Haring Solomon, suot-suot ang korona na siyang ikinorona sa kaniya ng kaniyang ina sa araw ng kaniyang kasal, doon sa masayang araw ng kaniyang buhay.