2 Juan
1
1 Mula sa nakatatanda hanggang sa piniling babae at sa kanyang mga anak, na siyang minamahal ko sa katotohanan, at hindi lamang ako, kundi lahat din ng mga sinumang nakakaalam ng katotohanan, 2 dahil sa katotohanan na nananatili sa atin at mapapasaatin magpakailanman. 3 Biyaya, habag, at kapayapaan ay mapapasaatin mula sa Diyos na Ama at mula kay Jesu-Cristo, ang Anak ng Ama, sa katotohanan at pag-ibig. 4 Ako ay lubos na nagagalak na nakita ko ang iba mong mga anak na lumalakad sa katotohanan, tulad ng aming pagtanggap sa kautusang ito galing sa Ama. 5 At ngayon ako ay nagsusumamo sa iyo, ginang, hindi na parang ako ay sumulat sa iyo ng bagong kautusan, pero ang mayroon na tayo mula pa sa simula, na dapat nating ibigin ang bawat isa. 6 At ito ang pag-ibig, na dapat tayong lumakad ayon sa kanyang mga kautusan. Ito ang kautusan, kahit narinig ninyo na mula sa simula, na dapat ninyo itong lakaran. 7 Sapagkat maraming manlilinlang ang naglipana sa mundo, at hindi nila ipinapahayag na si Jesu-Cristo ay dumating sa laman. Ito ay ang manlilinlang at ang anticristo. 8 Tingnan ang inyong mga sarili, upang hindi ninyo mawala ang mga bagay na pinagtrabahuhan nating lahat, pero nang sa gayon kayo ay maaaring makatanggap ng buong gantimpala. 9 Kung sinuman ang nauuna at hindi nananatili sa katuruan ni Cristo ay walang Diyos. Siya na nananatili sa katuruan ay nasa kanya pareho ang Ama at ang Anak. 10 Kung sinuman ang lumapit sa inyo at hindi dala ang katuruang ito, huwag ninyo siyang tanggapin sa inyong bahay at huwag ninyo siyang batiin. 11 Sapagkat ang sinumang bumabati sa kaniya ay nakikisali sa kaniyang mga masasamang gawa. 12 Marami akong mga bagay na isusulat sa inyo at hindi ko nais na isulat ang mga ito sa pamamagitan ng papel at tinta. Pero umaasa akong pumunta sa inyo at makipag-usap ng harap-harapan, upang ang ating kaligayahan ay maging lubos. 13 Ang mga anak nang pinili ninyong kapatid na babae ay bumabati sa inyo.