2 Mga Hari
1
1 Nang namatay si Ahab, nagrebelde ang Moab laban sa Israel. 2 Pagkatapos, nahulog si Ahazias sa balkonahe sa taas ng kaniyang tulugan sa Samaria, at nagkaroon ng malubhang karamdaman. Kaya nagpadala siya ng mga mensahero at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo at tanungin si Baal-zebub, ang diyos ng Ekron, kung gagaling pa ako sa karamdamang ito.” 3 Pero sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias ang taga-Tisbe, “Tumayo ka at puntahan ang mga mensahero ng hari ng Samaria, at tanungin mo sila, 'Dahil ba walang Diyos sa Israel kaya kayo pupunta para sumangguni kay Baal-zebub ang diyos ng Ekron? 4 Dahil dito, ito ang sabi ni Yahweh, “Hindi ka na makakabangon sa higaan kung saan ka bumabangon; sa halip, tiyak kang mamamatay.” Pagkatapos umalis si Elias. 5 Nang bumalik ang mga mensahero kay Ahazias, sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo bumalik?” 6 Sinabi nila sa kaniya, “Isang lalaki ang lumapit sa amin na nagsabi, 'Bumalik kayo sa haring nagpadala sa inyo, at sabihin sa kaniya, “Sinabi ito ni Yahweh: 'Dahil ba walang Diyos sa Israel kaya kayo pupunta para sumangguni kay Baal-zebub ang diyos ng Ekron? Dahil dito, hindi ka na makakabangon sa hingaan kung saan ka bumabangon; sa halip, tiyak kang mamamatay.” 7 Sinabi ni Ahazias sa kaniyang mga mensahero, “Anong klaseng tao siya, ang taong lumapit sa inyo at sinabi ang mga salitang ito? 8 Sumagot sila sa kaniya, “Nakasuot siya ng damit na gawa sa buhok at mayroong balat na sinturon na nakasuot sa kaniyang baywang.” Kaya sumagot ang hari, “Si Elias iyon na taga-Tisbe.” 9 Pagkatapos nagpadala ang hari ng kapitan kasama ang limampung sundalo para kay Elias. Nagpunta ang kapitan kay Elias kung saan nakaupo siya sa tuktok ng burol. Nagsalita ang kapitan sa kaniya, ikaw na lingkod ng Diyos, sinabi ng hari, 'Bumaba ka.'” 10 Sumagot si Elias at sinabi sa kapitan, “kung ako ay lingkod ng Diyos, bumaba sana ang apoy mula sa kalangitan at sunugin ka at ang limampung sundalo mo.” Pagkatapos bumaba ang apoy mula sa kalangitan at sinunog siya at kaniyang limampung sundalo. 11 Muling nagpadala si Haring Ahazias ng isa pang kapitan na may kasamang limampung sundalo para kay Elias. Sinabi ng kapitan kay Elias, “Ikaw na lingkod ng Diyos, sabi ng hari, 'Magmadali kang bumaba.'” 12 Sumagot si Elias at sinabi sa kanila, “Kung ako ay lingkod ng Diyos, bumaba sana ang apoy mula sa kalangitan at sunugin ka at iyong limampung sundalo.” Muli, bumaba ang apoy ng Diyos mula sa kalangitan at sinunog siya at kaniyang limampung sundalo. 13 Ganun pa man, nagpadala muli ang hari ng ikatlong grupo ng limampung mandirigma. Umakyat ang kapitan, lumuhod sa harap ni Elias, at nagmakaawa sa kaniya at sinabi, “Ikaw na lingkod ng Diyos, nagmamakaawa ako na ang buhay ko at buhay ng limampung alipin mo ay maging mahalaga sa iyong paningin. 14 Tunay nga na bumaba ang apoy mula sa kalangitan at sinunog ang unang dalawang kapitan kasama ng kanilang mga tauhan, pero ngayon hayaan mo sana na maging mahalaga ang buhay ko sa iyong paningin.” 15 Kaya nagsabi ang anghel ni Yahweh kay Elias, “Bumaba ka kasama niya. Huwag kang matakot sa kaniya.” Kaya tumayo si Elias at bumaba kasama niya papunta sa hari. 16 Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Ahazias, “Ito ang sinabi ni Yahweh, 'Nagpadala ka ng mga mensahero para sumangguni kay Baal-zebub ang diyos ng Ekron? Dahil ba walang Diyos sa Israel na maaari mong tanungan ng kaalaman? Kaya ngayon, hindi ka na makakabangon sa hingaan kung saan ka bumabangon; sa halip, tiyak kang mamamatay.” 17 Kaya namatay si Haring Ahazias ayon sa mga salita ni Yahweh na binanggit ni Elias. Nagsimulang maghari si Joram kapalit niya, sa ikalawang taon, si Jehoram anak ni Jehoshafat ang naging hari ng Juda, dahil walang anak si Ahazias. 18 Para sa ibang mga bagay na tungkol kay Ahazias, hindi ba sila nakasulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa buhay ng mga Hari ng Israel?