25
Naghabol si Pablo sa Emperador
Dumating si Festo sa lalawigang pangangasiwaan niya at pagkaraan ng tatlong araw, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea. Lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio, at idinulog ang kanilang reklamo laban kay Pablo. Dahil may balak silang tambangan at patayin si Pablo, nagmakaawa sila sa gobernador na ipatawag ito sa Jerusalem. Sumagot si Festo, “Si Pablo'y nakabilanggo sa Cesarea at babalik ako roon sa madaling panahon. Pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno, kung totoong may kasalanan siya, saka ninyo siya isakdal.”
Nagpalipas pa si Festo ng walo o sampung araw sa Jerusalem, saka bumalik sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at nag-utos na iharap sa kanya si Pablo. Pagdating ni Pablo, pinaligiran siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem. Nagharap sila ng maraming mabibigat na paratang laban sa kanya, ngunit hindi nila napatunayan ang mga iyon. Sinabi ni Pablo bilang pagtatanggol sa sarili, “Wala akong ginawang labag sa Kautusan ng mga Judio, ni laban sa Templo, o sa Emperador.”
Nais ni Festo na pagbigyan ang mga Judio, kaya't tinanong niya si Pablo, “Nais mo bang pumunta sa Jerusalem upang doon kita litisin?”
10 Sumagot si Pablo, “Naririto ako sa harap ng hukuman ng Emperador; dito ako dapat litisin. Wala akong nagawang pagkakasala sa mga Judio at iyan ay nalalaman ninyo. 11 Kung ako ay lumabag sa batas o nakagawa ng anumang bagay na dahil dito'y dapat akong parusahan ng kamatayan, hindi ako tututol. Ngunit kung walang katotohanan ang mga paratang nila sa akin, hindi ako dapat ibigay sa kanila. Sa Emperador ako dudulog.”
12 Sumangguni si Festo sa kanyang mga tagapayo, at pagkatapos ay sinabi, “Yamang sa Emperador mo gustong dumulog, sa Emperador ka pupunta.”
Isinangguni ni Festo kay Agripa ang Kaso ni Pablo
13 Makalipas ang ilang araw, dumating sa Cesarea si Haring Agripa at si Bernice upang bumati kay Festo. 14 Nang matagal-tagal na sila roon, isinalaysay ni Festo sa hari ang tungkol kay Pablo. Sinabi ni Festo kay Haring Agripa, “Si Felix ay may iniwan ditong isang bilanggo. 15 Nang ako'y nasa Jerusalem, inireklamo ito sa akin ng mga punong pari at ng mga pinuno ng mga Judio at hininging parusahan siya. 16 Sinagot ko silang hindi kaugaliang Romano ang magparusa sa sinumang inirereklamo hangga't hindi niya nakakaharap ang mga nagsasakdal sa kanya at naipagtatanggol ang kanyang sarili laban sa paratang. 17 Kaya't nang dumating sila rito, hindi na ako nag-aksaya ng panahon; kinabukasan din, ipinatawag ko siya sa hukuman. 18 Nang tumayo ang mga nagsasakdal, hindi nila siya pinaratangan ng anumang mabigat na pagkakasala na inaakala kong ipaparatang nila. 19 Ang pinagtatalunan nila ay tungkol sa kanilang relihiyon at sa isang tao na ang pangala'y Jesus na patay na, ngunit iginigiit ni Pablo na buháy. 20 Hindi ko alam kung paano sisiyasatin ang bagay na ito, kaya't tinanong ko si Pablo kung nais niyang sa Jerusalem siya litisin. 21 Ngunit tumutol siya at hiniling na ipaubaya sa Emperador ang pagpapasya sa kanyang kaso. Dahil dito, pinabantayan ko siya upang ipadala sa Emperador.”
22 Sinabi ni Agripa kay Festo, “Gusto kong mapakinggan ang taong iyan.”
“Mapapakinggan mo siya bukas,” tugon naman ni Festo.
Iniharap si Pablo kina Agripa at Bernice
23 Kinabukasan, dumating sina Agripa at Bernice, kasama ang matataas na punong kawal at ang mga tanyag na tao sa lungsod. Buong karangyaan silang pumasok sa bulwagan ng hukuman at iniutos ni Festo na si Pablo'y iharap sa kanila. 24 Sinabi ni Festo, “Haring Agripa, at lahat ng naririto, narito po ang lalaking isinakdal sa akin ng mga Judio rito at sa Jerusalem. Ipinagsisigawan nilang hindi siya dapat mabuhay. 25 Ngunit sa pagsisiyasat ko'y wala akong makitang dahilan upang parusahan siya ng kamatayan. Dahil nais niyang dumulog sa Emperador, ipinasya kong ipadala siya roon. 26 Subalit wala akong tiyak na maisulat sa Emperador tungkol sa taong ito. Kaya iniharap ko siya sa inyo, lalung-lalo na sa iyo, Haring Agripa, upang may maisulat ako pagkatapos na siya'y masiyasat natin. 27 Sa palagay ko'y hindi nararapat ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang hindi inilalahad ang mga reklamo laban sa kanya.”