26
Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Agripa
Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari ka nang magsalita para sa iyong sarili.”
Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at nagsalita bilang pagtatanggol sa sarili:
“Haring Agripa, itinuturing kong mapalad ako at sa harapan ninyo ako magtatanggol ng aking sarili laban sa lahat ng mga paratang ng mga Judio sapagkat lubos ninyong nababatid ang mga kaugalian at pagtatalo ng mga Judio. Kaya't hinihiling ko pong pagtiyagaan ninyo akong pakinggan.
“Alam ng lahat ng Judio kung paano ako namuhay mula pa sa aking kamusmusan sa aking sariling bayan at sa Jerusalem. Matagal+ na nilang alam, at sila na ang makakapagpatotoo kung kanilang gugustuhin, na ako'y namuhay bilang kaanib ng pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon, ang sekta ng mga Pariseo. At ngayo'y nililitis ako dahil sa aking pag-asa sa pangako ng Diyos sa aming mga ninuno. Ang pangako ring iyan ang inaasahan ng aming labindalawang lipi kaya't sila'y taimtim na sumasamba sa Diyos gabi't araw. At dahil sa pag-asa ring ito, Haring Agripa, ako'y pinaparatangan ng mga Judio! Bakit+ hindi mapaniwalaan ng mga naririto na maaaring muling buhayin ng Diyos ang mga patay?
“Akala+ ko rin noong una'y dapat kong gawin ang lahat ng aking magagawa laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret. 10 At ganoon nga ang ginawa ko sa Jerusalem. Maraming Cristiano ang aking ipinabilanggo batay sa kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga punong pari ng mga Judio. Isa rin ako sa mga humatol ng kamatayan sa kanila. 11 Pinarusahan ko sila sa lahat ng mga sinagoga upang piliting talikuran ang kanilang pananampalataya. Sa tindi ng poot ko'y inusig ko sila kahit sa mga lungsod sa ibang bansa.”
Isinalaysay ni Pablo Kung Paano Siya Sumampalataya
(Gw. 9:1-19a; 22:6-16)
12 “Iyan ang layunin ng pagpunta ko sa Damasco, taglay ang kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari. 13 Nang katanghaliang-tapat, habang kami'y naglalakbay, nakita ko, Haring Agripa, ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, ito'y maliwanag pa kaysa sa araw. Totoong nakakasilaw ang liwanag sa paligid naming magkakasama. 14 Kaming lahat ay natumba sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Sinasaktan mo ang iyong sarili sa ginagawa mong iyan. Para mong sinisipa ang matulis na bagay.’ 15 At itinanong ko, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y si Jesus na iyong inuusig. 16 Tumayo ka! Nagpakita ako sa iyo upang italaga ka bilang aking lingkod at magpatotoo tungkol sa mga nakita mo ngayon at sa mga ipapakita ko pa sa iyo. 17 Ililigtas kita mula sa mga kababayan mong Judio at gayundin sa mga Hentil kung saan kita isusugo. 18 Imumulat mo ang kanilang mga mata, ibabalik sila sa kaliwanagan mula sa kadiliman, ililigtas sila sa kapangyarihan ni Satanas at ibabalik sa Diyos. At sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin, sila'y patatawarin sa kanilang mga kasalanan at mabibigyan ng lugar kasama ng mga taong ginawang banal ng Diyos.’ ”
Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod
19 “Dahil dito, Haring Agripa, hindi po ako sumuway sa pangitaing mula sa langit. 20 Nangaral+ ako, una sa Damasco, saka sa Jerusalem at sa buong lupain ng Judea, at gayundin sa mga Hentil. Ipinangaral kong dapat silang magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan, lumapit sa Diyos, at ipakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng mga gawa. 21 Dahil dito'y hinuli ako ng mga Judio habang ako'y nasa Templo, at pinagtangkaang patayin. 22 Ngunit hanggang ngayo'y tinutulungan ako ng Diyos, kaya't nakatayo ako ngayon dito at nagpapatotoo tungkol sa kanya sa lahat ng tao, hamak man o dakila. Wala akong itinuturo kundi ang mga sinabi ng mga propeta at ni Moises, 23 na+ ang Cristo ay kailangang magdusa, at siya ang unang mabuhay na muli upang magpahayag ng liwanag sa mga Judio at sa mga Hentil.”
24 Habang nagsasalita pa si Pablo, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka na, Pablo! Sa sobrang pag-aaral mo'y nasira na ang iyong ulo.”
25 Ngunit sumagot si Pablo, “Hindi ako nababaliw, Kagalang-galang na Festo! Ang sinasabi ko'y mga salita ng katinuan at pawang katotohanan. 26 Nalalaman po ninyo, Haring Agripa, ang tungkol sa mga bagay na ito, kaya malakas ang loob kong magsalita sa inyong harapan. Tiyak na hindi lingid sa inyo ang mga ito sapagkat hindi sa isang sulok lamang nangyari ito. 27 Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam kong naniniwala kayo!”
28 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa palagay mo ba'y mahihikayat mo akong maging Cristiano sa loob ng maikling panahon?”
29 Sumagot si Pablo, “Maging sa maikli o sa mahabang panahon, loobin nawa ng Diyos na hindi lamang kayo, kundi ang lahat ng nakakarinig sa akin ngayon ay maging kagaya ko, maliban sa mga tanikalang ito.”
30 Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at lahat ng kasama nila. 31 Lumabas sila at nag-usap-usap, “Ang taong ito'y walang ginawang anumang nararapat sa hatol na kamatayan o pagkabilanggo.” 32 At sinabi pa ni Agripa kay Festo, “Kung hindi lamang niya hiniling na dumulog sa Emperador, maaari na sana siyang palayain.”
+ 26:5 Gw. 23:6; Fil. 3:5. + 26:8 2 Mcb. 7:9. + 26:9 Gw. 8:3; 22:4-5. + 26:20 Gw. 9:20, 28-29. + 26:23 1 Cor. 15:20; Isa. 42:6; 49:6.