Ang Unang Sulat ni Pablo sa
MGA TAGA-CORINTO
Panimula
Ang layunin ng Unang Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Corinto ay talakayin ang mga problema sa buhay at pananampalatayang Cristiano na lumitaw sa iglesyang itinatag ni Pablo sa Corinto. Nang panahong iyon, ang Corinto ay isang pangunahing lungsod sa Grecia at siya ring punong-lungsod ng Acaya, isang lalawigang Romano. Ang naturang lungsod ay bantog sa kaunlaran sa pangangalakal at kabihasnan. Ngunit kilala rin sa imoralidad na laganap roon, at sa dami ng mga relihiyon na umiiral doon.
Ang mga pangunahing paksang tinatalakay ng apostol ay ang pagkakampi-kampi na umiiral sa iglesya at ang pagpasok ng imoralidad sa pamumuhay ng ilang kasapi. Tinalakay din ang mga problema tungkol sa pag-aasawa at ugnayan ng mga lalaki at babae, mga pagkaing inihandog sa diyus-diyosan, kaayusan sa iglesya, mga kaloob ng Espiritu Santo, at ang muling pagkabuhay. Sa sulat na ito'y ipinapakita ni Pablo kung ano ang turo ng Magandang Balita tungkol sa mga paksang nabanggit.
Tinatalakay sa kabanata 13, ang isa sa mga pinakapopular na bahagi ng aklat na ito, ang pag-ibig bilang pinakamahalagang kaloob ng Diyos sa kanyang mga anak.
Nilalaman
Panimula 1:1-9
Mga pagkakampi-kampi sa iglesya 1:10–4:21
Imoralidad at pag-aasawa 5:1–7:40
Mga Cristiano at mga pagano 8:1–11:1
Pamumuhay at pagsamba sa iglesya 11:2–14:40
Ang muling pagkabuhay ni Cristo at ng mga mananampalataya 15:1-58
Tulong para sa mga kapatid sa Judea 16:1-4
Pangwakas 16:5-24
1
1 Mula kay Pablo na tinawag ayon sa kalooban ng Diyos upang maging apostol ni Cristo Jesus, at mula kay Sostenes na ating kapatid,
2 para sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga tinawag upang maging kabilang sa sambayanan ng Diyos sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus, gayundin sa lahat ng tao na nasa lahat ng dako na tumatawag sa pangalan ni Jesu-Cristo, na Panginoon nating lahat.
3 Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapala Mula kay Cristo
4 Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
5 Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo, kayo ay naging masagana sa lahat ng bagay, maging sa pananalita at sa kaalaman.
6 Ang katotohanan tungkol kay Cristo ay pinagtibay sa inyo
7 kaya't hindi kayo nagkukulang sa anumang pagpapala, habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
8 Kayo'y gagawin niyang matatag hanggang wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
9 Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Pagkakampi-kampi sa Iglesya
10 Mga kapatid, ako'y nakikiusap sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, magkaisa kayo at huwag magkabaha-bahagi maging sa pagkaunawa at pagpapasya.
11 Sapagkat ibinalita sa akin ng mga kasamahan ni Cloe na kayo raw ay nag-aaway-away.
12 Ito ang tinutukoy ko: may nagsasabing, “Kay Pablo ako;” may nagsasabi namang, “Ako'y kay Apolos.” May iba pa ring nagsasabi, “Kay Pedro ako,” at may iba namang nagsasabi, “Ako'y kay Cristo.”
13 Bakit? Nahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan niya?
14 Salamat sa Diyos at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gaius,
15 kaya hindi ninyo masasabing kayo'y binautismuhan sa aking pangalan.
16 Ako nga rin pala ang nagbautismo sa sambahayan ni Estefanas. Maliban sa kanila'y wala na akong natatandaang binautismuhan ko.
17 Sapagkat isinugo ako ni Cristo, hindi upang magbautismo kundi upang mangaral ng Magandang Balita, at hindi sa pamamagitan ng mahusay na pagtatalumpati at karunungan ng tao, nang sa gayon ay hindi mawalan ng kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo sa krus.
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos
18 Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong napapahamak, ngunit ito'y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas.
19 Sapagkat nasusulat,
“Sisirain ko ang karunungan ng marurunong
at gagawin kong walang saysay ang katalinuhan ng matatalino.”
20 Ano ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang.
21 Sapagkat ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan.
22 Ang mga Judio'y humihingi ng himala bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego.
23 Ngunit ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan.
24 Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio o maging Griego, si Cristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos.
25 Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao.
26 Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan noong kayo'y tawagin ng Diyos. Ayon sa pamantayan ng tao ay iilan lamang sa inyo ang matatawag na marunong, makapangyarihan at maharlika.
27 Subalit pinili ng Diyos ang mga naturingang hangal sa sanlibutan upang hiyain ang marurunong, at pinili niya ang mga naturingang mahihina upang hiyain ang malalakas.
28 Pinili niya ang mga pangkaraniwang tao, mga hinahamak, at mga mahihina sa sanlibutang ito upang ipawalang saysay ang mga kinikilala ng sanlibutan.
29 Kaya't walang sinumang makakapagmalaki sa harap ng Diyos.
30 Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan din niya, tayo'y itinuring na matuwid, ginawang banal at iniligtas ng Diyos.
31 Kaya nga, tulad ng nasusulat, “Ang sinumang nais magmalaki, ang ginawa ng Panginoon ang kanyang ipagmalaki.”