16
Mga Pangungumusta
Itinatagubilin ko sa inyo ang ating kapatid na si Febe, na isang tagapaglingkod ng iglesya sa Cencrea. Tanggapin ninyo siya alang-alang sa Panginoon, gaya ng nararapat gawin sa mga hinirang ng Diyos. Tulungan ninyo siya sa anumang pangangailangan niya sapagkat marami siyang natulungan, at ako'y isa sa mga iyon.
Ikumusta+ ninyo ako kina Priscila at Aquila na mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. Itinaya nila ang kanilang sarili sa panganib upang iligtas ang aking buhay, at hindi lamang ako ang nagpapasalamat sa kanila, pati na rin lahat ng iglesya ng mga Hentil. Ikumusta rin ninyo ako sa iglesyang nagtitipon sa kanilang bahay.
Ipaabot din ninyo ang aking pangungumusta sa mahal kong kaibigang si Epeneto na siyang unang sumampalataya kay Cristo doon sa Asia. Ikumusta ninyo ako kay Maria na matiyagang naglilingkod para sa inyo. Ikumusta ninyo ako sa mga kababayan kong sina Andronico at Junia,* na nakasama ko sa bilangguan; sila'y kilala ng mga apostol at naunang naging Cristiano kaysa sa akin.
Ikumusta ninyo ako kay Ampliato na aking minamahal sa Panginoon, kay Urbano, na kamanggagawa natin kay Cristo, at sa mahal kong kaibigang si Estaquis. 10 Ikumusta din ninyo ako kay Apeles na subok ang katapatan kay Cristo, sa pamilya ni Aristobulo, 11 sa kababayan kong si Herodion, at sa mga kapatid sa Panginoon sa sambahayan ni Narciso.
12 Gayundin kina Trifena at Trifosa na mga lingkod ng Panginoon, at sa mahal kong kaibigang si Persida, na marami nang nagawa para sa Panginoon. 13 Binabati+ ko rin si Rufo na magiting na lingkod ng Panginoon, at ang kanyang ina na para ko na ring ina; 14 gayundin sina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at sa mga kapatid na kasama nila. 15 Binabati ko rin sina Filologo, Julia, Nereo at ang kanyang kapatid na babae; gayundin si Olimpas at ang lahat ng kapatid na kasama nila.
16 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo.
Mga Dagdag na Tagubilin
17 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo: mag-ingat kayo sa mga pasimuno ng mga pagkakampi-kampi at sanhi ng pagtalikod dahil sa pagsalungat nila sa aral na tinanggap ninyo. Iwasan ninyo sila. 18 Ang mga taong gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin, kundi sa pansariling hangarin. Inililigaw nila ang mga may mahinang pag-iisip sa pamamagitan ng kaakit-akit at matatamis na pangungusap. 19 Balitang-balita ang inyong pagkamasunurin kay Cristo, at ikinagagalak ko ito. Ngunit nais kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti at walang muwang tungkol sa masama. 20 Ang Diyos ang bukal ng kapayapaan at malapit na niyang pasukuin sa inyo si Satanas.
Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesus.
21 Binabati+ kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, gayundin ng mga kababayan kong sina Lucio, Jason at Sosipatro.
22 Akong si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati sa inyo sa pangalan ng Panginoon.
23 Kinukumusta+ kayo ni Gaius na tinutuluyan ko; sa bahay niya nagtitipon ang buong iglesya. Kinukumusta rin kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lungsod, at ng ating kapatid na si Cuarto. [ 24 Nawa'y pagpalain kayong lahat ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.]§
Pangwakas na Pagpupuri
[ 25 Purihin ang Diyos na makapagpapalakas sa inyo sa pamamagitan ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na ipinapangaral ko. Ang Magandang Balitang iyan ay isang hiwagang naitago sa loob ng mahabang panahon, 26 subalit sa utos ng walang-hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta, upang ang lahat ay sumunod dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya.
27 Sa iisang Diyos, na sa lahat ay ganap ang karunungan—sa kanya iukol ang karangalan magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.]*
+ 16:3 Gw. 18:2. * 16:7 Junia: o kaya'y Junias; at sa iba nama'y Julia. 16:7 sila'y kilala ng mga apostol: o kaya'y sila'y mga kilalang apostol. + 16:13 Mc. 15:21. 16:16 bilang magkakapatid na nagmamahalan: Sa Griego ay sa pamamagitan ng banal na halik. + 16:21 Gw. 16:1. + 16:23 Gw. 19:29; 1 Cor. 1:14; 2 Tim. 4:20. § 16:24 Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang talatang 24. * 16:27 Sa ibang matatandang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga talatang ito. Sa iba nama'y nakarugtong ang mga ito pagkatapos ng 14:23, at sa iba nama'y sa 15:33.