5
Ang Sampung Utos
(Exo. 20:1-17)
Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Bayang Israel, dinggin ninyo ang kautusan at ang mga tuntuning ibibigay ko sa inyo ngayon. Unawain ninyong mabuti at tuparin ang mga ito. Ang Diyos nating si Yahweh ay gumawa ng kasunduan sa atin sa Bundok ng Sinai,* hindi sa ating mga ninuno kundi sa ating nabubuhay ngayon. Harap-harapan siyang nakipag-usap sa inyo sa bundok mula sa naglalagablab na apoy. Habang ibinibigay niya ang kanyang mga utos, nakatayo ako sa pagitan ninyo at ni Yahweh sapagkat natatakot kayo sa ningas at ayaw ninyong umakyat sa bundok. Sinabi niya:
“ ‘Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.
“ ‘Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.
“ ‘Huwag+ kang gagawa ng diyus-diyosang imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag+ mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. 10 Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig at pagkalinga sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.
11 “ ‘Huwag+ mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang gumamit nito nang walang kabuluhan.
12 “ ‘Ilaan+ mo para sa akin ang Araw ng Pamamahinga, tulad ng ipinag-uutos ni Yahweh na iyong Diyos. 13 Anim+ na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. 14 Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyo'y huwag magtatrabaho ang sinuman sa inyo; ikaw, ang iyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ni alinman sa mga alaga mong hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. Ang iyong alipin, lalaki man o babae ay kailangang mamahingang tulad mo. 15 Alalahanin mong naging alipin ka rin sa Egipto at mula roo'y inilabas kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Kaya iniutos ko na panatilihin mong nakalaan kay Yahweh ang Araw ng Pamamahinga.
16 “ ‘Igalang+ mo ang iyong ama at ina tulad ng iniutos ko sa iyo. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal at sagana sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos.
17 “ ‘Huwag+ kang papatay.
18 “ ‘Huwag+ kang mangangalunya.
19 “ ‘Huwag+ kang magnanakaw.
20 “ ‘Huwag+ kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.
21 “ ‘Huwag+ mong pagnanasaang maangkin ang asawa ng iyong kapwa. Huwag mong pagnasaang maangkin ang kanyang sambahayan, bukid, alilang lalaki o babae, baka, asno o anumang pag-aari niya.’
22 “Ang+ mga ito'y sinabi sa inyo ni Yahweh doon sa bundok, mula sa naglalagablab na apoy at makapal na usok. Liban doon, hindi na siya nagsalita sa inyo. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito sa dalawang tapyas na bato at ibinigay sa akin.
Pinagharian ng Takot ang Lahat
(Exo. 20:18-21)
23 “Nang marinig ninyo ang kanyang tinig mula sa kadiliman, habang nagliliyab ang bundok, lumapit sa akin ang pinuno ng bawat angkan at ang inyong matatandang pinuno. 24 Sinabi nila, ‘Ipinakita sa atin ni Yahweh na ating Diyos ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan, at ipinarinig sa atin ang kanyang tinig. Nakipag-usap siya sa atin nang harapan ngunit hindi tayo namatay. 25 Bakit natin hihintaying mamatay tayo rito? Lalamunin tayo ng apoy na ito at tiyak na mamamatay tayo kapag nagsalita pa siya sa atin. 26 Sinong tao ang nanatiling buháy matapos marinig mula sa apoy ang tinig ng Diyos na buháy? 27 Ikaw na lang ang makipag-usap kay Yahweh na ating Diyos. Sabihin mo na lamang sa amin ang lahat ng sasabihin niya sa iyo, at susundin namin.’
28 “Narinig ni Yahweh ang sinabi ninyo noon at ito naman ang kanyang sinabi sa akin: ‘Narinig ko ang sinabi nila sa iyo at tamang lahat iyon. 29 Sana nga'y manatili ang takot nila sa akin at lagi nilang sundin ang aking mga utos upang maging matiwasay ang buhay nila at ng kanilang mga anak habang panahon. 30 Magbalik ka sa kanila at pauwiin mo na sila. 31 Ngunit mananatili ka rito at sasabihin ko sa iyo ang aking mga batas at mga tuntunin. Ituturo mo ito sa kanila upang kanilang sundin sa lupaing ibibigay ko sa kanila.’
32 “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng iniuutos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Huwag kayong lilihis sa mga ito. 33 Mamuhay kayo ayon sa kanyang mga utos. Sa ganoon, sasagana kayo at hahaba ang buhay ninyo sa lupaing sasakupin ninyo.
* 5:2 Bundok ng Sinai: o kaya'y Bundok ng Horeb. + 5:8 Lev. 26:1; Deut. 4:15-18; 27:15. + 5:9 Exo. 34:6-7; Bil. 14:18; Deut. 7:9-10. + 5:11 Lev. 19:12. + 5:12 Exo. 16:23-30; 31:12-14. + 5:13 Exo. 23:12; 31:15; 34:21; 35:2; Lev. 23:3. + 5:16 Deut. 27:16; Ecc. 3:1-16; Mt. 15:4; 19:19; Mc. 7:10; 10:19; Lu. 18:20; Ef. 6:2; Ef. 6:3. + 5:17 Gen. 9:6; Lev. 24:17; Mt. 5:21; 19:18; Mc. 10:19; Lu. 18:20; Ro. 13:9; San. 2:11. + 5:18 Lev. 20:10; Mt. 5:27; 19:18; Mc. 10:19; Lu. 18:20; Ro. 13:9; San. 2:11. + 5:19 Lev. 19:11; Mt. 19:18; Mc. 10:19; Lu. 18:20; Ro. 13:9. + 5:20 Exo. 23:1; Mt. 19:18; Mc. 10:19; Lu. 18:20. + 5:21 Ro. 7:7; 13:9. + 5:22 Heb. 12:18-19.