6
Ang Pangunahing Utos
1 “Ito nga ang Kautusan at mga tuntuning ibinigay niya sa akin, na siya ninyong susundin sa lupaing inyong sasakupin.
2 Ang mga ito'y ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga anak at sa mga susunod na salinlahi upang magkaroon kayo ng takot sa kanya. Kung ito'y susundin ninyo, hahaba ang inyong buhay.
3 Kaya nga, pakinggan ninyo ito at sunding mabuti. Kung magkagayo'y sasagana kayo, at darami ang inyong lahi pagdating ninyo sa lupaing ipinangako ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.
4 “Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh.
5 Ibigin mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas.
6 Ang mga utos niya'y itanim ninyo sa inyong puso.
7 Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga.
8 Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo,
9 isulat sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at mga tarangkahan.
Babala Laban sa Pagsuway
10 “Malapit na kayong dalhin ni Yahweh sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Maninirahan kayo sa malalaki at magagandang lunsod na hindi kayo ang nagtatag.
11 Titira kayo sa mga tahanang sagana sa lahat ng bagay ngunit hindi ninyo pinaghirapan. Iinom kayo ng tubig na galing sa mga balong hindi ninyo hinukay. Mamimitas kayo sa mga ubasan at sa mga olibong hindi ninyo itinanim. Kung kayo'y naroon na at masagana na sa lahat ng bagay,
12 huwag na huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na naglabas sa inyo sa Egipto, sa bayan ng pagkaalipin.
13 Magkaroon kayo ng takot kay Yahweh, paglingkuran ninyo siya at sa kanyang pangalan kayo manumpa.
14 Huwag kayong maglilingkod sa diyus-diyosan ng mga bayang pupuntahan ninyo
15 sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay mapanibughuing Diyos; kapag sumamba kayo sa diyus-diyosan magagalit siya sa inyo at lilipulin niya kayong lahat.
16 “Huwag ninyong susubukin si Yahweh na inyong Diyos, tulad ng ginawa ninyo sa Masah.
17 Sundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos at mga tuntunin.
18 Gawin ninyo kung ano ang tama at mabuti sa paningin ni Yahweh, at mamumuhay kayong matiwasay. Masasakop ninyo ang lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno;
19 mapapalayas ninyo ang inyong mga kaaway, tulad ng pangako niya sa inyo.
20 “Kapag dumating ang araw na itanong ng inyong mga anak kung bakit kayo binigyan ni Yahweh ng kautusan at mga tuntunin,
21 ganito ang sabihin ninyo: ‘Noong araw, inalipin kami ng Faraon sa Egipto. Pinalaya kami roon ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
22 Nasaksihan namin ang maraming kababalaghang ginawa niya laban sa Faraon at sa mga Egipcio.
23 Inilabas niya kami sa Egipto upang dalhin sa lupaing ipinangako niya sa ating mga ninuno.
24 Ibinigay niya sa amin ang kautusan at mga tuntuning ito upang magtaglay kami ng takot sa kanya. Sa ganoon, sasagana tayo at iingatan niyang tulad ng ginagawa niya sa atin ngayon.
25 Kalulugdan tayo ng Diyos nating si Yahweh kung susundin natin nang buong katapatan ang lahat ng ipinag-uutos niya sa atin.’