4
Pinakiusapan ni Mordecai si Ester na Mamagitan
1 [1] Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng nangyari, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot ng damit-panluksa, naglagay ng abo sa ulo, at naglibot sa buong lunsod, at malakas na isinisigaw, “Ang nais nilang lipulin ay isang lahing walang kasalanan!”
2 [2] Nang umabot siya sa pasukan ng palasyo huminto sapagkat hindi pinapayagang pumasok roon ang sinumang nakasuot ng damit-panluksa.
3 [3] Ang mga Judio naman sa bawat lalawigang naabot ng utos ng hari ay nanangis, nagsuot ng damit-panluksa at naglagay ng abo sa ulo.
4 [4] Lubos na nabahala si Reyna Ester nang malaman niya ang pangyayari mula sa kanyang mga katulong na babae at mga eunuko. Kaya pinadalhan niya ng bihisan si Mordecai, ngunit ayaw nitong tanggapin iyon.
5-6 [5] Dahil dito, ipinatawag niya si Hatac, isa sa mga eunuko ng hari at itinalagang katulong niya. Pinapunta niya ito kay Mordecai at ipinatanong kung bakit siya nagkakaganoon.
7 [7] Sinabi naman nito ang buong pangyayari, pati ang halagang ibibigay ni Haman sa hari mapatay lamang ang mga Judio.
8 [8] Binigyan pa siya ni Mordecai ng isang kopya ng utos ng hari para ipakita kay Ester. Ipinakiusap din niyang ipaliwanag kay Ester ang buong pangyayari upang ipagbigay-alam iyon sa hari. Ipinasabi niya para kay Ester, “Alalahanin mo noong ikaw ay isa pang karaniwang mamamayan, noong ikaw ay nasa akin pang pangangalaga. Alalahanin mo iyon sapagkat ang punong ministrong si Haman ay gumawa ng plano laban sa atin; gusto niya tayong lipuling lahat. Kaya't manalangin ka sa Panginoon, at pagkatapos ay kausapin mo ang hari tungkol sa banta sa atin. Iligtas mo ang ating lahi!”
9 [9] Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, nagbalik si Hatac kay Ester at isinalaysay ang lahat ng sinabi ni Mordecai.
10 [10] Si Hatac ay pinabalik ni Ester kay Mordecai at ganito ang ipinasabi:
11 [11] “Alam na alam ng lahat na walang itinatangi ang batas ng kaharian. Sinumang lumapit sa hari, maging lalaki o babae, nang hindi ipinatatawag ay papatayin maliban kung ipatong sa kanya ang gintong setro. Tatlumpung araw na akong hindi ipinapatawag ng hari.”
12 [12] Nang matanggap ni Mordecai ang sagot ni Ester,
13 [13] ganito naman ang ipinasabi niya: “Ester, huwag mo sanang aakalaing dahil nakatira ka sa palasyo ay ligtas ka na.
14 [14] Kapag ipinagwalang-bahala mo ang pangyayaring ito, tiyak na may magliligtas din sa mga Judio ngunit malilipol ka at ang iyong sambahayan. Anong malay mo? Baka nga ang dahilan kung bakit ka naging reyna ay para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon?”
15 [15] Dahil dito, ipinasabi ni Ester kay Mordecai,
16 [16] “Tipunin mo ang lahat ng Judio rito sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kakain o iinom sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Mag-aayuno rin kami ng aking mga katulong na babae. Pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit ito'y labag sa batas, at kung dapat akong mamatay, ako nga ay mamamatay.”
17 [17] Umalis si Mordecai at ginawa ang lahat ng tagubilin ni Ester.
Ang Panalangin ni Mordecai
18 [1] Dahil dito, nanalangin si Mordecai na inaalaala ang lahat ng mga ginawa ng Panginoon. Sabi niya:
19 [2] “Panginoon, Hari ng sanlibutan, ang lahat ng bagay ay nasa iyong kapangyarihan, at walang makakahadlang sa iyong kalooban kung nais mong iligtas ang Israel.
20 [3] Ikaw ang lumikha ng langit, ng lupa at ng lahat ng narito.
21 [4] Ikaw ang Panginoon ng lahat at walang makakalaban sa iyo.
22 [5] Alam mo po, Panginoon, ang lahat ng bagay. Alam mong hindi kapalaluan ang dahilan ng hindi ko pagyukod kay Haman.
23 [6] Sa katunayan, handa akong humalik sa kanyang mga paa mailigtas lang ang Israel.
24 [7] Ngunit ayaw kong gawin iyon sapagkat hindi ko maaaring pahalagahan ang tao higit sa Diyos. Sa iyo lamang ako naninikluhod, hindi sa sinumang tao. Ang pagyukod ko sa harapan mo ay hindi pagmamataas.
25 [8] Ngayon, Panginoong Diyos at Hari, Diyos ni Abraham, iligtas mo ang iyong bayan. Nais kaming lipulin ng aming mga kaaway, kami na sa mula't mula pa ay iyong bayang hinirang.
26 [9] Iniligtas mo kami noon sa kamay ng mga Egipcio, huwag mo kaming pabayaan ngayon.
27 [10] Dinggin mo ang aking dalangin sapagkat kami ang inyong bayan. Kaawaan mo kami. Ang aming pagtangis ay palitan mo ng kagalakan upang kami'y mabuhay at patuloy na magpuri sa iyo. Huwag mong hayaang mapahamak ang mga labing nagpupuri sa iyo.”
28 [11] Malakas at mataimtim na nanalangin sa Panginoon ang mga Israelita dahil sa nalalapit nilang kapahamakan.
Ang Panalangin ni Ester
29 [12] Labis na nabagabag si Reyna Ester kaya dumulog siya sa Panginoon.
30 [13] Hinubad niya ang kasuotang pangreyna at nagsuot ng damit panluksa. Sa halip na mamahaling pabango, nagbuhos siya ng abo at dumi. Nag-anyong kawawa siya at tinakpan ng gusot niyang buhok ang bawat bahagi ng katawang dati'y inaayos na mabuti.
31 [14] At idinalangin niya sa Panginoong Diyos ng Israel:
“Panginoon ko, tanging ikaw ang Hari namin. Tulungan mo ako sapagkat ako'y nag-iisa at wala na akong ibang malalapitan pa kundi ikaw lamang.
32 [15] Haharap ako sa napakalaking panganib.
33 [16] Mula pa sa aking pagkabata ay narinig ko na sa liping kinabibilangan ng aking angkan na ikaw, Panginoon, ang humirang sa Israel bilang iyong bansa, at ikaw din ang sa panahong iyon ay pumili sa aming mga magulang upang maging iyong bayan magpakailanman. Tinupad mo ang lahat ng iyong ipinangako sa kanila.
34 [17] “At ngayon, sapagkat kami'y nagkasala sa inyo, at ipinahintulot mong kami'y mapasakamay ng aming mga kaaway,
35 [18] sapagkat kami'y sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Marapat lamang na kami'y inyong parusahan, Panginoon.
36 [19] Subalit ngayo'y hindi pa sila nasisiyahan na kami'y gawing mga alipin. Namanata pa sila sa kanilang mga diyus-diyosan
37 [20] na kanilang lilipulin ang mga taong nagpupuri sa iyo, at wawakasan ang kaluwalhatian ng iyong templo at dambana.
38 [21] Nais nilang ang lahat ng bansang nasasakop nila ay magpuri sa kanilang mga walang kabuluhang diyus-diyosan, at sumamba sa kanilang hari na isa rin namang taong may kamatayan.
39 [22] “Panginoon, huwag mong pabayaan na ang iyong kapangyarihan ay hamakin ng mga dinidiyos nilang ito. Huwag mong pabayaan na kami'y hamakin ng aming mga kaaway sa aming kasawian. Hayaan mong sa kanila maganap ang mga masamang balak nilang ito. At una mong gawin ito sa taong nagbalak ng aming kapahamakan, bilang halimbawa ng inyong pagpaparusa.
40 [23] “Alalahanin mo kami, Panginoon. Ipadama mo sa amin ang iyong paglingap sa sandaling ito ng kagipitan. Bigyan mo ako ng lakas ng loob, Hari ng lahat ng mga dinidiyos at Pinuno ng lahat ng kapangyarihan sa lupa.
41 [24] Bigyan mo ako ng kakayahang magsalita sa harap ng leon na si Xerxes, upang maakit ang kanyang puso na mamuhi sa taong kumakalaban sa amin at sa gayo'y mapahamak siya kasama ng mga nakikipagsabwatan sa kanya.
42 [25] Iligtas mo kami, Panginoon. Tulungan mo ako sapagkat ako'y nag-iisa at walang ibang malalapitan kundi ikaw lamang.
43 [26] “Ganap mong nababatid ang lahat, Panginoon. Alam ninyong kinasusuklaman ko ang karangalang ipinagkakaloob sa akin ng mga Hentil na ito. Kailanma'y hindi ko ninais makipagtalik sa mga hindi tuling Hentil na ito.
44 [27] Subalit alam rin ninyo na wala akong magawâ. Kinasusuklaman ko ang pagharap sa mga tao na suot ang koronang ito. Hangga't maaari'y ayaw ko itong isuot. Kinasusuklaman ko ito at pinandidirihan na parang basahang ginamit ng nirereglang babae.
45 [28] Ako na iyong lingkod ay hindi kailanman kumain sa hapag ni Haman, hindi ko pinaunlakan ang mga paanyayang dumalo sa handaan ng hari, at hindi rin ako uminom ng alak na inatang sa kanilang mga diyus-diyosan.
46 [29] Mula pa noong ako'y dalhin dito hanggang ngayon, tanging ang pagsamba lamang sa iyo ang nagbibigay kaaliwan at kaligayahan sa akin, Panginoong Diyos ni Abraham.
47 [30] “O Diyos, halos mawalan na kami ng pag-asa subalit ikaw ay makapangyarihan. Dinggin mo ang aming panalangin at iligtas mo kami sa kamay ng aming mga kaaway. At alisin mo po ang aking takot.”