5
Dumulog si Ester sa Hari
1 [1] Tatlong araw na nanalangin si Reyna Ester. Pagkatapos, hinubad niya ang kanyang kasuotang ginamit sa pagdadalamhati at nagbihis muli ng kanyang magarang damit.
2 [2] Matapos na siya'y mabihisan ng marilag na kasuotan, siya'y nanalangin sa Diyos na Tagapagligtas at nakababatid ng lahat. Pagkatapos, isinama niya ang kanyang dalawang lingkod na babae.
3 [3] Lumakad siyang akay ng isang lingkod,
4 [4] habang ang isa nama'y sumusunod na hawak-hawak ang laylayan ng kanyang napakahabang damit.
5 [5] Si Ester ay talagang napakaganda, marikit at kahali-halina. Subalit sa kabila ng ganitong panlabas na anyo, ang kalooban ni Ester ay binabagabag ng matinding takot at pangamba.
6 [6] Nakalampas siya sa lahat ng pintuan ng palasyo, at sumapit sa harap ng hari. Nakaupo ito sa kanyang maharlikang luklukan at ang kanyang kasuotan ay kumikinang sa ginto at mamahaling hiyas. Kahanga-hanga ang buo niyang anyo.
7 [7] Ngunit nang makita niya si Reyna Ester, ang maaliwalas niyang mukha ay biglang nagdilim sa galit. Nalito ang reyna, namutla, at hinimatay. Napasandal siya sa balikat ng kanyang lingkod.
8 [8] Subalit ang pagkagalit ng hari ay pinalitan ng Diyos ng pagkahabag at pag-aalala. Dali-dali siyang tumindig sa pagkakaupo sa trono at binuhat ang reyna hanggang sa ito'y muling magkamalay. Pinayapa at pinalakas ng hari ang loob ng reyna.
9 [9] Sinabi ng hari, “Ano ba ang iyong kailangan, Ester? Huwag kang matakot, ako ang iyong asawa.
10 [10] Hindi ka mamamatay. Ang batas na nagbabawal lumapit sa hari ay para lamang sa mga taong-bayan.
11 [11] Lumapit ka.”
12 [12] Itinaas ng hari ang kanyang gintong setro at inilapat ito sa leeg ni Ester. Niyakap at hinagkan siya ng hari at pagkatapos ay sinabi, “Sabihin mo sa akin ang gusto mo.”
13 [13] Sumagot naman si Ester, “Sa pagtingin ko po sa inyo, mahal kong panginoon, para bang kayo'y isang anghel ng Diyos. Nagulat po ako at labis na natakot sa inyong kaningningan.
14 [14] Walang kapantay ang inyong kamahalan, mahal kong panginoon, at ang inyong mukha ay puspos ng pambihirang karilagan.”
15 [15] Subalit samantalang siya'y nagsasalita, muli siyang hinimatay.
16 [16] Alalang-alala ang hari, gayon din ang lahat niyang mga tagapaglingkod. Sinikap nilang gumawa ng paraan upang mahimasmasan si Ester.
Ang Piging para sa Hari at kay Haman
17 [3] Itinanong ng hari, “Bakit, aking reyna? Sabihin mo kung ano ang ibig mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
18 [4] Sumagot si Ester, “Ang araw na ito ay natatanging araw para sa akin. Kung mamarapatin ng mahal na hari, dumalo kayo ni Haman mamayang gabi sa piging na inihanda ko para sa inyo.”
19 [5] Sinabi ng hari, “Tawagin agad si Haman para masunod ang ibig ni Ester.” Dumalo nga ang hari at si Haman sa handaan ni Ester.
20 [6] Habang sila'y nag-iinuman, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba ang gusto mo? Sabihin mo't ibibigay kong lahat, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
21 [7] Sinabi ni Ester, “Ito po ang aking kahilingan:
22 [8] Kung ako po'y kalugud-lugod sa hari, at kung inyong mamarapatin, dumalo muli kayo ni Haman sa handaan bukas. Doon ko na po sasabihin ang aking kahilingan.”
Nagpagawa si Haman ng Pagbibitayan
23 [9] Masayang-masaya si Haman nang umalis siya sa palasyo. Subalit nang makita niya si Mordecai na noo'y nasa pasukan ng palasyo, sumiklab muli ang kanyang galit.
24 [10] Gayunman, nagtimpi na lamang siya at tuluy-tuloy na umuwi. Pagdating ng bahay, tinawag niya ang kanyang asawang si Zeres at ang kanyang mga kaibigan.
25 [11] Ipinagmalaki niya sa mga ito ang kanyang kayamanan, ang marami niyang anak, ang pagkataas niya sa katungkulan, pati ang pagkakatalaga sa kanya bilang punong ministro.
26 [12] Idinugtong pa niya, “At ako lamang ang inanyayahan ni Reyna Ester na sumama sa hari nang maghanda siya ng piging. Bukas, iniimbita na naman niya ako, kasama ang hari.
27 [13] Gayunman, walang halaga sa akin ang lahat ng ito hangga't nakikita ko ang Judiong si Mordecai na nasa pasukan ng palasyo.”
28 [14] Sinabi sa kanya ng asawa niya't mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng bitayan na pitumpu't limang talampakan ang taas sa may pintuan ng palasyo, at hilingin mo sa hari na bitayin si Mordecai? Bukas ay malaya kang makakapunta sa handaan.” Nagustuhan ito ni Haman, kaya nagpagawa nga siya ng bitayan.