6
Pinarangalan si Mordecai
1 [1] Nang gabing iyon, hindi hinayaan ng Panginoon na makatulog si Haring Xerxes. Kaya't pinakuha niya ang aklat ng mahahalagang pangyayari sa kaharian at ipinabasa ito sa kanyang personal na kalihim habang siya'y nakikinig.
2 [2] Nabasa ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkatuklas ni Mordecai sa masamang balak ng mga eunukong sina Gabata at Tara na patayin ang Haring Xerxes.
3 [3] Dahil dito, itinanong ng hari, “Anong gantimpala o pagpaparangal ang ginawa kay Mordecai dahil sa kabutihang ginawa niya sa akin?”
Sumagot ang mga tagapaglingkod, “Wala po, Kamahalan.”
4 [4] Nagtanong ang hari, “Sino ba ang pumapasok sa bulwagan?” Samantala, noon ay papasok sa bulwagan si Haman upang sabihin sa hari na maaari nang bitayin si Mordecai sa pinagawa niyang bitayan.
5 [5] Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari, “Si Haman po.”
At sinabi ng hari, “Palapitin ninyo siya rito.”
6 [6] Lumapit naman si Haman. Itinanong sa kanya ng hari, “Ano ang dapat gawin sa sinumang ibig parangalan ng hari?”
Akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari,
7 [7] kaya sinabi niya, “Ganito po:
8 [8] Ipakuha ninyo ang damit na inyong isinuot at ang kabayong inyong sinakyan nang kayo'y koronahan bilang hari.
9 [9] Ang damit ay ibigay sa isa sa mga pangunahing pinuno ng kaharian para isuot sa pararangalan. Pagkatapos, isakay sa kabayo at ilibot sa buong lunsod habang isinisigaw ang: ‘Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!’ ”
10 [10] Sinabi ng hari kay Haman, “Magaling! Kung gayon, kunin mo ang aking damit at ang aking kabayo. Lahat ng sinabi mo'y gawin mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa may pasukan ng palasyo.”
11 [11] Kinuha nga ni Haman ang damit at ang kabayo ng hari. Binihisan niya si Mordecai, isinakay sa kabayo at inilibot sa buong lunsod habang isinisigaw niyang, “Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari.”
12 [12] Pagkatapos nito, nagbalik si Mordecai sa may pintuan ng palasyo. Nagmamadali namang umuwi si Haman, at pagdating sa bahay ay nanangis at nagtalukbong dahil sa inabot na kahihiyan.
13 [13] Ang nangyari'y isinalaysay ni Haman sa asawa niyang si Zeres at sa kanyang mga kaibigan. Kaya sinabi nila sa kanya, “Kung Judio nga si Mordecai, na siyang dahilan ng iyong panghihina, hindi mo siya madadaig, kundi ikaw pa ang dadaigin niya. Hindi mo siya madadaig sapagkat ang buháy na Diyos ay sumasakanya.”
14 [14] Nag-uusap pa sila nang dumating ang mga sugo ng hari at nagmamadaling isinama si Haman sa handaan ni Ester.