8
Hinirang si Mordecai
[1] Nang araw ding iyon, ang lahat ng mga ari-arian ni Haman na kaaway ng mga Judio ay ibinigay ni Haring Xerxes kay Reyna Ester. Napabilang rin si Mordecai sa mga kagawad na malapit sa hari sapagkat sinabi na ni Ester na magkamag-anak sila. [2] Ang singsing na pantatak ng hari ay kinuha kay Haman at ibinigay kay Mordecai. Itinalaga naman ni Ester si Mordecai bilang katiwala niya sa lahat ng mga ari-arian ni Haman.
Ang Bagong Kahilingan ni Ester
[3] Minsan pang lumapit si Ester sa Haring Xerxes at lumuluhang idinulog dito ang utos tungkol sa paglipol sa mga Judio na binalak ni Haman. [4] Itinuro ng hari ang kanyang setro kay Ester. Tumayo naman si Ester at kanyang sinabi, [5] “Kung inyong mamarapatin at kung ako'y kalugud-lugod sa inyo, Kamahalan, nais kong hilingin na inyong pawalang-bisa ang utos na pinakalat ni Haman laban sa mga Judio sa inyong kaharian. [6] Hindi po maatim ng aking damdamin na makitang nililipol ang aming lahi.”
[7] Sinabi ng Haring Xerxes kay Reyna Ester, “Ang ari-arian ni Haman ay ibinigay ko na sa iyo. Ipinabitay ko na si Haman dahil sa masama niyang balak sa mga Judio. Kung iyon ay hindi pa sapat, [8] gumawa ka ng isang utos para sa mga Judio at isulat ninyo rito ang gusto ninyong isulat sa pangalan ko, at tatakan mo ng aking singsing. Sapagkat walang sinumang makapagpapawalang-bisa sa utos ng hari lalo na kung ito'y tinatakan ng singsing ng hari.”
[9] Nang ikadalawampu't tatlong araw ng unang buwan, ipinatawag lahat ang mga kalihim ng hari. Ipinasulat sa kanila ang isang liham tungkol sa mga Judio upang ipadala sa mga gobernador at mga tagapangasiwa at mga pinuno ng 127 lalawigan, mula sa India hanggang Etiopia.* Ang utos ay nakasulat sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. 10 [10] Ang sulat na ito ay sa pangalan ni Haring Xerxes, at may tatak ng singsing nito. Pagkatapos, ipinadala ito sa mga tagahatid-sulat. 11 [11] Sa pamamagitan ng sulat na iyon, ipinahihintulot ni Haring Xerxes na magsama-sama ang mga Judio upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa sinumang sasalakay sa kanila mula sa alinmang lalawigan. Pinahihintulutan din silang patayin ang kanilang mga kalaban. 12 [12] Gagawin nila ito sa buong kaharian sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlo ng ikalabindalawang buwan ng taon.
Batas ng Hari sa Ikaliligtas ng mga Judio
13 [1] Ito ang kopya ng sulat ng hari:
“Pagbati mula sa Dakilang Haring Xerxes. Ang sulat na ito ay para sa mga gobernador ng 127 lalawigan, magmula sa India hanggang Etiopia,§ at sa lahat kong mga tapat na nasasakupan.
14 [2] “Maraming tao ang nagiging palalo kapag pinagkakalooban ng karangalan at kapangyarihan. 15 [3] Palibhasa'y hindi marunong magdala ng karangalan at kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila, ang pinipinsala nila'y ang aking nasasakupan. Hindi lamang iyan; binabalak pa nilang ipahamak pati ang nagkaloob sa kanila ng karangalan at kapangyarihang iyon. 16 [4] Hindi sila marunong tumanaw ng utang na loob. Dala ng kanilang kapalaluan, naniniwala sila sa mga pakunwaring papuri sa kanila ng mga mangmang at masasama. At inaakala nilang sila'y makakaligtas sa hatol ng Diyos na nakakakita ng lahat at namumuhi sa masama.
17 [5] “Malimit mangyari na ang mga namumuno ay nadadala ng ilang tauhang malapit sa kanila at pinagkatiwalaang humawak ng kapangyarihan. Dahil sa kanilang pagtitiwala sa mga ito, nadadamay sila sa mga pagpatay sa walang sala at sa iba pang mga kapahamakang pagsisihan ma'y wala nang lunas. 18 [6] Sa pamamagitan ng pagsisinungaling at iba pang pandaraya, pinagsasamantalahan ng ganitong mga tauhan ang kagandahang-loob ng namumuno.
19 [7] “Ang ganyang pagsasamantala ay di lamang natutunghayan sa kasaysayan. Nagaganap pa rin iyan hanggang ngayon, gaya ng pinapatunayan ng ilang malagim na pangyayaring naganap sa inyo. 20 [8] Kaya mula ngayon ay sisikapin kong umiral ang katahimikan at kapayapaan sa ating kaharian. 21 [9] Babaguhin ko ang ilang pamamalakad, at ako mismo ang buong ingat at katapatang susuri at hahatol sa bawat pangyayaring darating sa aking kaalaman.
22 [10] “Tingnan ninyo ang ginawa ni Haman na anak ni Hamedata. Isa siyang Macedonio, isang ganap na dayuhan. Tinanggap ko siya, bagaman wala ni bahid ng dugong Persiano na nananalaytay sa kanyang mga ugat. Wala rin siya ni anino ng kagandahang-loob na ipinakita ko sa kanya. 23 [11] Pinag-ukulan ko siya ng kalinga at malasakit na ipinapakita ko sa lahat ng lahing namamayan sa ating kaharian, hanggang sa tinawag siyang Ama ng ating bayan at itinaas sa isang tungkuling pangalawa sa hari.
24 [12] “Ngunit hindi pa siya nasiyahan sa gayong kapangyarihan. Sa paghahangad niyang maagaw sa akin ang pamumuno, pinagtangkaan niya ang aking buhay. 25 [13] Sa pamamagitan ng katusuhan at panlilinlang ay sinikap niyang ipapatay si Mordecai, na walang ginagawa kundi pawang kabutihan at minsan ay nagligtas sa akin sa kamatayan. Pinagtangkaan rin niyang ipapatay si Reyna Ester, ang butihin kong kabiyak, at ang lahat ng mga Judio sa kaharian. 26 [14] Ang nais niya'y alisan ako ng mga tauhang makapagsasanggalang sa akin at sa gayo'y malupig ng mga Macedonio ang kahariang Persia. 27 [15] Subalit napatunayan kong hindi masasamang tao ang mga Judiong pinaratangan at binabalak lipulin ni Haman. Bagkus, ang mga batas na sinusunod nila ay pinakamakatarungan sa lahat ng mga batas. 28 [16] Ang Diyos na sinasamba nila ay ang Diyos na buháy, ang pinakadakila sa lahat ng mga diyos. Siya ang Diyos na pumatnubay at nagpadakila sa ating kaharian buhat pa noong panahon ng aking mga ninuno hanggang sa ngayon.
29 [17] “Dahil dito, ipinag-uutos ko na huwag ninyong isasagawa ang sinasabi sa sulat ni Haman. 30 [18] Ang taong ito ay nabitay na sa pintuan ng Susa, kasama ang buo niyang angkan. Ipinalasap sa kanya ng Diyos, na namamahala sa lahat, ang parusang nararapat sa kanya.
31 [19] “Ipinag-uutos ko rin na ilathala sa lahat ng lugar na ihayag ang mga kopya ng batas na ito. Hayaan ninyong mamuhay ang mga Judio ayon sa kanilang sariling kaugalian. 32 [20] Tulungan ninyo sila sa pagtatanggol laban sa mga taong sasalakay sa kanila sa araw na itinakda para sa pagpuksa sa kanila—sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon. 33 [21] Niloob ng Diyos, na namamahala sa lahat ng bagay, na ang araw na itinakda para sila'y lipulin ay maging araw ng pagdiriwang.
34 [22] “Ibilang ninyo ang araw na ito sa inyong mga pista opisyal, at ipagdiwang ninyo nang buong kasiyahan. 35 [23] Maging paalala ito sa atin at sa ating mga mamamayan kung paanong kinakalinga ng Diyos ang ating kahariang Persia. Maging babala naman ito ng parusang inilalaan niya sa sinumang mangangahas magbalak ng ating kapahamakan.
36 [24] “Bawat lalawigan at bansa na hindi susunod sa utos na ito ay makakaranas ng bagsik ng aking galit. Mamamatay sa patalim ang kanilang mamamayan, at susunugin hanggang mapatag sa lupa ang kanilang mga lunsod. Wala nang mga taong maninirahan doon. Pati mga hayop at mga ibon ay lalayo sa mga pook na iyon at di magbabahay o magpupugad doon sa habang panahon.”*
37 [13] “Bawat lalawigan ay padadalhan ng kopya nito at ipahahayag sa lahat ng tao para makapaghanda ang mga Judio sa araw na iyon laban sa kanilang mga kaaway.”
38 [14] Kaya, ang mga tagahatid-sulat ay nagmamadaling umalis, sakay ng mabibilis na kabayo ng hari at sinunod agad ang utos ng hari. Ang utos ay ipinakalat din sa Lunsod ng Susa.
39 [15] Nang lumabas ng palasyo si Mordecai, ipinagbunyi siya ng buong Lunsod ng Susa. Suot niya ang maharlikang kasuotan: puti't asul ang kanyang damit, pinong lino na kulay ube ang balabal, at koronang ginto. 40 [16] Nagbigay ito ng malaking karangalan at kagalakan sa mga Judio. 41 [17] Sa lahat ng dakong naabot ng utos ng hari, nagpista sa tuwa ang mga Judio. At sa buong kaharian, maraming Hentil ang nagpatuli at naging Judio dahil sa takot nila sa mga ito.
* 8:9 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan. 8:12 Ang Kabanata 8:13-17 ay ipinagpapatuloy pagkatapos ng Kabanata E:1-24. 8:12 Batas ng Hari sa Ikaliligtas ng mga Judio: Sa ilang saling Tagalog, ito'y Kabanata 16:1-24. § 8:13 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan. * 8:36 Ipagpapatuloy ang Kabanata 8:13-17 pagkatapos ng Kabanata E:1-24.