9
Ang Tagumpay ng mga Judio
1 [1] Nang dumating ang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon, ang utos ng hari ay ipinatupad.
2 [2] Nang araw na iyon, nalipol ang mga kalaban ng mga Judio; natakot nang husto ang mga tao sa kanila kaya wala ni isa mang nagtangkang lusubin sila.
3 [3] Tinulungan pa sila ng mga gobernador at ng lahat ng pinuno sa bawat lalawigan dahil naman sa takot kay Mordecai
4 [4-5] na noon ay isa nang makapangyarihang tao sa kaharian. Bantog na sa buong kaharian ang kanyang pangalan at patuloy pang lumalaki ang kanyang kapangyarihan.
6 [6] Sa lunsod lamang ng Susa, limandaan ang kanilang napatay.
7 [7] Kasama sa napatay sina Farsanestain, Delfon, Fasga,
8 [8] Faradata, Barea, Sarbaca,
9 [9] Marmasima, Arufeus, Arseus, at Zabuteus,
10 [10] pawang mga anak ni Haman na anak ni Hamedata at kaaway ng mga Judio. At sinamsam nila ang ari-arian ng kanilang mga kaaway.
11 [11] Nang araw ring iyon, umabot sa kaalaman ng hari ang bilang ng napatay sa Lunsod ng Susa.
12 [12] Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa lamang, limandaan na ang napatay. Ano kaya ang nangyari sa ibang lalawigan? Ngayon, sabihin mo sa akin kung ano pa ang gusto mo at ibibigay ko sa iyo.”
13 [13] Sinabi ni Ester, “Kung mamarapatin po ng hari ay pahintulutan ang mga Judio rito sa Susa na ituloy hanggang bukas ang inyong utos. At kung maaari, ipabitin sa bitayan ang bangkay ng mga anak ni Haman!”
14 [14] Iniutos nga ng hari na ibitin ang bangkay ng sampung anak ni Haman.
15 [15] Kinabukasan, muling nagsama-sama ang mga Judio sa Susa at nakapatay pa sila ng tatlong daan. Subalit hindi nila sinamsam ang kanilang ari-arian.
16 [16] Ang mga Judio sa iba't ibang panig ng kaharian ay nagsama-sama rin upang ipagtanggol ang kanilang sarili at lupigin ang kanilang mga kalaban. Umabot sa labing limanlibo ang kanilang napatay ngunit hindi nila sinamsam ang ari-arian ng mga ito.
17 [17] Kinabukasan, ang ikalabing apat na araw, nagpahinga ang mga Judio at masayang nagdiwang.
18 [18] Sa Lunsod ng Susa, dalawang araw nagtipon ang mga Judio noong ikalabintatlo at ikalabing apat na araw. Ikalabing limang araw nang sila'y tumigil at nagdiwang buong maghapon.
19 [19] Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judio sa labas ng Susa ay nagdiwang nang ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan samantalang ang mga naninirahan sa mga malalaking lunsod ay sa ikalabing limang araw. Maghapon silang nagpipista at nagbibigayan ng mga pagkain sa bawat isa.
20 [20] Ang mga pangyayaring ito'y isinulat ni Mordecai, at sinulatan niya ang lahat ng Judio sa kaharian ni Haring Xerxes.
21 [21] Ipinag-utos niya na ipagdiwang taun-taon ang ikalabing apat at ikalabing limang araw ng ikalabindalawang buwan.
22 [22] Itatangi ito ng mga Judio sapagkat sa mga araw na ito nila nalipol ang kanilang mga kaaway. Sa mga araw na iyon, ang kalungkutan nila'y naging kagalakan at naging pagdiriwang ang kanilang pagdadalamhati. Sa mga araw ding iyon, nagbibigayan ng mga pagkain at namamahagi ng mga regalo sa mga dukha.
23 [23] Sinunod nga ng mga Judio ang utos ni Mordecai.
24 [24] Ang paglipol na ito sa mga kaaway ay ginawa ng mga Judio dahil sa masamang balak na lipulin sila ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, kaaway ng mga Judio. Naitakda ang petsa ng paglipol sa pamamagitan ng palabunutang tinatawag na Pur.
25 [25] Ngunit nabaligtad nga ang lahat nang umabot ito sa kaalaman ni Haring Xerxes; si Haman at ang kanyang mga anak ay pinabitay ng hari.
26 [26] Kaya, ang pistang ito'y tinawag nilang Pista ng Purim, buhat sa salitang Pur. At dahil sa utos na ito ni Mordecai at sa pagkaligtas nila sa panganib,
27 [27] ipinasiyang ipagdiwang ang dalawang araw na ito taun-taon. Ito'y gagawin nila, ng lahat ng sambahayan, at ng bawat salinlahi sa lahat ng lunsod at mga bayan.
28 [28] Ang mga araw na ito ng Purim ay ipagdiriwang ng lahat ng mga Judio magpakailanman.
29 [29-30] Upang pagtibayin ang sulat ni Mordecai tungkol sa Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Aminadab.
31 [31] Mismong sina Mordecai at Reyna Ester ang nagtakda ng desisyong ito, at nangako silang ipatutupad ito ano man ang mangyari.
32 [32] Pinagtibay ng sulat ni Ester ang mga tuntunin sa pagdiriwang ng Pista ng Purim at isinulat ito sa isang aklat.