42
Ang Dalawang Gusali na Malapit sa Templo
Ako'y isinama ng lalaki sa patyo sa labas at nagtuloy kami sa gusali sa gawing hilaga ng templo at malapit sa dulo nito sa kanluran. Ang haba ng gusaling ito ay limampung metro at dalawampu't limang metro naman ang luwang. Ang kalahati nito ay nakaharap sa patyong sampung metro ang luwang at ang isa pang kalahati sa patyong nalalatagan ng bato. Ito ay tatlong palapag. Sa hilaga ng gusali ay may isang daanang apat at limang metro ang luwang at limampung metro ang haba. Ang mga silid sa pangatlong palapag ay maliit kaysa una at pangalawa dahil sa balkon nito. Ang mga silid mula sa una hanggang ikatlong palapag ay walang haligi, di tulad ng ibang gusali sa patyo sa labas. 7-8 Ang pader sa ibaba ay may luwang na dalawampu't limang metro, kalahati ng kabuuang haba; sa natitirang dalawampu't limang metro ay may mga silid. Sa itaas na palapag ay nakahanay ang mga kuwarto mula puno hanggang dulo. 9-10 Sa silangang dulo ng gusali sa ilalim ng mga silid na ito ay may mga pinto palabas sa patyo.
Sa gawing timog ng templo ay may isa pang gusali, hindi kalayuan sa kanlurang dulo ng templo. 11 Sa harap ng mga silid ay may daang katulad at kasukat ng nasa gawing hilaga. 12 Sa dulo ng hanay ng mga silid sa gawing timog ay mayroon ding pinto.
13 Sinabi sa akin noong lalaki, “Ang mga gusaling ito ay sagrado. Dito kakanin ng mga pari ang ganap na sagradong bahagi ng mga handog. Dito rin ilalagay ang mga pinakasagradong handog tulad ng handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na pambayad sa kasalanan, pagkat itinalaga ang mga silid na iyon. 14 Pagkagaling nila sa templo at ibig nilang lumabas sa patyo, huhubarin muna nila roon ang kanilang kasuotan. Iba ang kasuotang gagamitin nila pagharap sa mga tao.”
Ang Sukat ng Paligid ng Templo
15 Matapos sukatin noong tao ang loob ng templo, lumabas kami sa tarangkahan sa gawing silangan at sinukat niya ang labas. 16-19 Ang gawing silangan ay 250 metro, gayon din ang gawing timog, kanluran, at hilaga. 20 Sinukat nga niya ang apat na panig. Napapaligiran ng pader upang mabukod sa karaniwan ang tanging lugar na ito.