43
Ang Templo'y Muling Napuno ng Kaluwalhatian ni Yahweh
Dinala ako ng lalaki sa tarangkahan sa gawing silangan. Doon,+ nakita kong dumarating mula sa silangan ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel, parang dagundong ng malaking baha. Nagliwanag ang lupa dahil sa kaluwalhatiang yaon. Ang pangitaing ito ay tulad ng nakita ko nang wasakin ang Jerusalem. Tulad din ito noong nakita ko sa Ilog Kebar. At ako'y dumapa sa lupa. Ang nakakasilaw na liwanag ay nagdaan sa pintuan sa silangan at pumasok sa templo. Itinayo ako ng Espiritu at ipinasok sa patyo sa loob. Nakita kong ang buong templo'y punung-puno ng kaluwalhatian ni Yahweh.
Magkatabi kaming nakatayo noong lalaki. Maya-maya, may narinig akong nagsasalita sa akin mula sa templo. Ang sabi, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang aking trono, at ito ang tuntungan ng aking mga paa. Ito ang magiging tahanan ko sa aking paninirahan sa gitna ng Israel. Ang pangalan ko'y di na nila lalapastanganin, ni ng kanilang mga hari, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyus-diyosan at sa kanilang mga yumaong hari. Ang pintuan nila at ang aking pintuan ay may pagitan lamang na isang pader. Nilapastangan nila ang aking pangalan sa pamamagitan ng kasuklam-suklam nilang gawain kaya nilipol ko sila. At ngayo'y titigil na sila sa pagsamba sa diyus-diyosan at sa yumao nilang mga hari. Kaya, maninirahan ako sa gitna nila habang panahon.”
10 Sinabi ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ipaliwanag mo sa sambahayan ni Israel ang kaayusan ng templong ito upang mahiya sila sa kanilang kasamaan. 11 Kung magkagayon, ilarawan mong mabuti sa kanila ang kabuuan ng templo: ang kaayusan, pasukan at labasan. Ipaliwanag mo sa kanila at isulat pagkatapos ang mga tuntunin at kautusan tungkol dito upang ito'y masunod nilang mabuti. 12 Ito ang tuntunin tungkol sa templo. Lahat ng lugar sa paligid nito sa tuktok ng bundok ay aariin ninyong kabanal-banalan.”
Ang Altar
13 Ito+ ang sukat ng altar: Ang patungan sa lupa ay may kalahating metro ang lalim, gayon din ang lapad. Ang paligid nito'y lalagyan ng moldeng 0.3 metro ang lapad. Ang taas naman 14 mula sa patungan ay isang metro hanggang sa unang pasamano, at kalahating metro ang lapad. Mula sa maliit hanggang sa malaking pasamano ay dalawang metro pataas, at kalahating metro ang lapad. 15 Ang taas ng bahagi ng altar na sunugan ng mga handog ay dalawang metro. Ang pinakasungay nito sa apat na sulok ay mataas kaysa altar. 16 Ang altar ay parisukat: anim na metro ang luwang, gayon din ang haba. 17 Parisukat din ang panggitnang bahagi: pitong metro ang haba, gayon din ang luwang. Ito'y paliligiran ng molde na 0.3 metro ang lapad. Ang lapad ng pinakaalulod ay kalahating metro. Ang hagdan ng altar ay nasa gawing silangan.
Ang Pagtatalaga sa Altar
18 Sinabi+ sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang tuntuning ipinapasabi ko tungkol sa altar. Kapag ito'y yari na, itatalaga mo ito sa pamamagitan ng pagsusunog ng mga handog at pagwiwisik ng dugo ng mga hayop na inihandog. 19 Ang mga paring Levita lamang na mula sa sambahayan ni Zadok ang makakapaglingkod sa akin. Akong si Yahweh ang nag-uutos. Bibigyan mo sila ng isang torong panghandog para sa kasalanan. 20 Kukuha ka ng dugo nito upang ipahid sa apat na sungay ng altar, sa apat na sulok ng panggitnang bahagi, at sa gilid. Sa ganito mo lilinisin at itatalaga ang altar. 21 Ang panghandog na ito para sa kasalanan ay susunugin sa isang tanging lugar sa labas ng templo. 22 Kinabukasan, isang kambing na lalaki at walang kapintasan naman ang inyong ihahandog; lilinisin din ang templo sa paraang ginawa nang ihandog ang toro. 23 Pagkalinis ng altar, maghahandog kayo ng isang toro at isang lalaking tupa, parehong walang kapintasan. 24 Ang mga ito'y ihahandog ninyo sa akin; aasnan muna ito ng mga pari bago sunugin bilang handog. 25 Pitong araw kayong maghahandog; araw-araw, isang lalaking kambing, tupa at baka na parehong walang kapintasan. 26 Pitong araw ninyong lilinisin ang altar upang ganap itong maitalaga sa akin. 27 Sa ikawalong araw, ang inyong handog na susunugin at handog na pagkain ay maaari na ninyong ihain sa altar. Sa gayon, ako'y malulugod sa inyong lahat. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
+ 43:2 Eze. 10:3-4, 18-19; 11:22-23; Pah. 1:15. + 43:13 Exo. 27:1-2; 2 Cro. 4:1. + 43:18 Exo. 29:35-37; 1 Mcb. 4:52-56.