22
Batas tungkol sa Ninakaw
1 “Kapag ang isang tao'y nagnakaw ng baka o tupa at ito'y pinatay o ipinagbili, papalitan niya ito: lima ang ipapalit sa isang baka, at apat naman sa isang tupa.
2-4 Kailangan siyang magbayad. Kung walang ibabayad, siya ang ipagbibili at ang pinagbilhan ang ibabayad sa kanyang ninakaw. Kung ang ninakaw naman ay makita sa kanya at buháy pa, doble lamang ang ibabayad niya.
“Kapag ang magnanakaw ay pumasok nang gabi at siya ay napatay ng may-ari ng bahay, walang pananagutan ang nakapatay. Kung ang pagkapatay ay naganap pagkasikat ng araw, mananagot ang nakapatay.
5 “Kapag ang hayop na alaga ay nakawala at nakapanira sa bukid ng iba, papalitan ng may-ari ang anumang nasira ng kanyang hayop. Ang ibabayad niya ay ang pinakamainam na ani ng kanyang bukirin.
6 “Kapag may nagsiga, kumalat ang apoy at nakasunog ng mga inani o ng pananim ng iba, ito ay babayaran ng nagsiga.
7 “Kapag ang salapi o anumang ari-arian ng isang tao'y ipinagkatiwala sa kanyang kapwa at ang mga ito'y nawala sa bahay, pagbabayarin nang doble ang kumuha kapag ito'y mahuli.
8 Kung hindi naman mahuli ang nagnakaw, ang pinagkatiwalaan ay panunumpain sa harapan ng Diyos para patunayang wala siyang kinalaman sa pagkawala ng inihabilin sa kanya.
9 “Anumang usapin tungkol sa pang-aangkin ng nawawalang asno, baka, tupa, damit o anumang bagay, ay dadalhin sa harapan ng Diyos. Ang mapatunayang nang-aangkin lamang ay magbabayad nang doble sa tunay na may-ari.
10 “Kung mamatay, mapinsala o inagaw ang isang asno, baka, tupa o anumang hayop na paalaga ngunit walang nakakita sa pangyayari,
11 ang nag-aalaga ay manunumpa sa harapan ni Yahweh upang patunayan na wala siyang kinalaman sa pangyayari. Ito'y dapat paniwalaan ng may-ari at wala nang pananagutan ang tagapag-alaga.
12 Ngunit kung ninakaw ang hayop, magbabayad ang tagapag-alaga.
13 Kung ang hayop naman ay pinatay ng isang hayop na mabangis, ipapakita ng tagapag-alaga ang bahaging natira at wala siyang pananagutan.
14 “Kapag ang isang tao'y nanghiram ng isang hayop at ito'y namatay o napinsala nang hindi nakikita ng may-ari, babayaran ito ng nanghiram.
15 Ngunit kung naroon ang may-ari, hindi ito babayaran, lalo na kung inupahan; ang upa ang magiging kabayaran.
Tuntunin tungkol sa Pananampalataya at Kabutihang-asal
16 “Kapag ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal ay inakit at sinipingan ng isang lalaki, siya ay pakakasalan ng lalaking iyon at bibigyan ng kaukulang dote.
17 Kung hindi pumayag ang ama na ipakasal ang babae, ibibigay na lang sa ama ang halagang katumbas ng dote.
18 “Ang mga mangkukulam ay dapat patayin.
19 “Sinumang makipagtalik sa hayop ay dapat patayin.
20 “Sinumang maghandog sa diyus-diyosan ay dapat patayin sapagkat kay Yahweh lamang dapat maghandog.
21 “Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhan; alalahanin ninyong naging dayuhan din kayo sa Egipto.
22 Huwag din ninyong aapihin ang mga balo at ang mga ulila.
23 Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, tiyak na papakinggan ko sila.
24 Dahil dito, kapopootan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan. Sa gayo'y mabibiyuda rin ang inyu-inyong asawa at mauulila ang inyong mga anak.
25 “Kapag nangutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng tubo, tulad ng ginagawa ng mga nagpapatubo.
26 Kapag may nagsanla sa inyo ng balabal, ibalik ninyo iyon sa kanya bago lumubog ang araw
27 sapagkat iyon lamang ang pambalot niya sa katawan; wala siyang kukumutin sa pagtulog. Kapag siya'y dumaing sa akin, papakinggan ko siya sapagkat ako'y mahabagin.
28 “Huwag ninyong lalapastanganin ang Diyos ni mumurahin ang mga pinuno ng inyong bayan.
29 “Huwag ninyong kalilimutang maghandog ng inaning butil, alak na mula sa katas ng ubas at langis sa takdang panahon.
“Ihahandog ninyo sa akin ang inyong mga panganay na lalaki.
30 Ihahandog din ninyo sa akin ang panganay ng inyong mga baka at tupa. Huwag ihihiwalay sa ina ang panganay nitong lalaki hanggang sa ikapitong araw mula sa kapanganakan; sa ikawalong araw, ihahandog siya sa akin.
31 “Kayo'y aking bayang pinili. Kaya huwag kayong kakain ng karne ng hayop na pinatay ng mabangis na hayop; ipakain ninyo iyon sa mga aso.