23
Ang mga Tuntunin tungkol sa Katarungan
“Huwag+ kayong gagawa ng anumang pahayag na walang katotohanan. Huwag kayong magsisinungaling para lamang tulungan ang isang taong may kasalanan. Huwag kayong makikiisa sa karamihan, sa paggawa ng masama o sa paghadlang sa katarungan. Ngunit+ huwag rin ninyong kikilingan ang mahihirap dahil lang sa kanilang kalagayan.
“Kung+ makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, hulihin ninyo ito at dalhin sa may-ari. Kapag nakita ninyong nakabuwal ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng dala, tulungan ninyo ang may-ari upang ibangon ang hayop.
“Huwag+ ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mahihirap. Huwag kayong magbibintang nang walang katotohanan. Huwag ninyong hahatulan ng kamatayan ang isang taong walang kasalanan; paparusahan ko ang sinumang gagawa ng ganoon. Huwag kayong tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa tao sa katuwiran at ikinaaapi naman ng mga walang sala.
“Huwag+ ninyong aapihin ang mga dayuhan; naranasan na ninyo ang maging dayuhan sapagkat kayo man ay naging dayuhan din sa Egipto.
Ang Ikapitong Taon at ang Ikapitong Araw
10 “Anim+ + na taon ninyong tatamnan ang inyong mga bukirin at anim na taon din ninyong aanihin ang bunga. 11 Sa ikapitong taon, huwag ninyo itong tatamnan at huwag din ninyong aanihin ang anumang tutubo roon. Bayaan na ninyo iyon sa mga kapatid ninyong mahirap, at ang matira ay ipaubaya na ninyo sa mga maiilap na hayop. Ganoon din ang gagawin ninyo sa inyong mga ubasan at taniman ng olibo.
12 “Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw ay titigil kayo sa paggawa upang makapahinga rin ang inyong mga baka, asno, alipin at ang mga manggagawang dayuhan.
13 “Pakinggan ninyong mabuti itong mga sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong mananalangin sa mga diyus-diyosan, ni babanggitin man ang kanilang pangalan.
Ang Tatlong Pangunahing Pista
14 “Ipagpipista ninyo ako nang tatlong beses isang taon. 15 Ipagdiriwang+ ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. Ito'y gagawin ninyo sa takdang araw ng unang buwan, ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto. Walang haharap sa akin nang walang dalang handog.
16 “Ipagdiriwang+ din ninyo ang Pista ng Pag-aani tuwing aanihin ninyo ang unang bunga ng inyong mga bukirin.
“At ipagdiriwang din ninyo ang Pista ng mga Tolda sa pagtatapos ng taon, sa pitasan ng ubas at ng mga bungangkahoy. 17 Tatlong beses isang taon, lahat ng lalaki ay haharap sa Panginoong Yahweh.
18 “Huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa ang mga hayop na ihahandog ninyo sa akin, at huwag ninyong hahayaang matira sa kinabukasan ang taba ng mga hayop na handog ninyo sa pagpipista para sa akin.
19 “Dadalhin+ ninyo bilang handog sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos ang mga pinakamainam na unang ani ng inyong mga bukirin.
“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.
Mga Pangako at mga Tagubilin
20 “Magpapadala ako ng anghel na mangunguna sa inyo. Pangangalagaan niya kayo sa inyong paglalakbay at papatnubayan hanggang sa lupaing inihanda ko sa inyo. 21 Papakinggan ninyo siya at susundin ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. Huwag ninyo siyang susuwayin sapagkat lahat ng ginagawa niya'y sa pangalan ko at hindi niya kayo patatawarin kapag nagrebelde kayo sa kanya. 22 Kung susundin ninyo siya at gagawin ninyo ang mga sinasabi ko, ipaglalaban ko kayo sa inyong mga kaaway. 23 Pangungunahan kayo ng aking anghel patungo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hivita at Jebuseo, at sila'y lilipulin ko. 24 Huwag ninyong yuyukuran o sasambahin ang kanilang mga diyus-diyosan, ni tutularan ang kanilang ginagawa. Durugin ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan pati mga haliging ginamit nila sa pagsamba. 25 Akong si Yahweh ang siya lamang ninyong paglilingkuran. Pasasaganain ko kayo sa pagkain at inumin, at ilalayo sa anumang karamdaman. 26 Isa man sa mga babaing Israelita ay walang makukunan o mababaog. At bibigyan ko kayo ng mahabang buhay.
27 “Dahil sa gagawin ko, masisindak ang lahat ng haharap sa inyo. Malilito ang mga bansang makakalaban ninyo at magtatakbuhan dahil sa takot. 28 Habang kayo'y papalapit, guguluhin ko ang inyong mga kaaway* at palalayasin ko ang mga Hivita, Cananeo at Heteo sa kanilang lupain. 29 Hindi ko muna sila paaalising lahat sa loob ng isang taon para hindi mapabayaan ang lupain at nang hindi dumami ang mga maiilap na hayop. 30 Unti-unti ko silang paaalisin hanggang sa dumami ang inyong mga anak. 31 Ang magiging hangganan ng inyong lupain ay mula sa Dagat na Pula hanggang sa Dagat Mediteraneo, at mula sa ilang hanggang sa Ilog Eufrates. Ipapalupig ko sa inyo ang mga tagaroon at sila'y inyong palalayasin. 32 Huwag kayong makikipagtipan sa kanila o sa kanilang mga diyus-diyosan. 33 Huwag ninyo silang patitirahing kasama ninyo sa lupaing sasakupin ninyo, at baka mahikayat nila kayong magkasala sa akin. Kapag pinaglingkuran ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan, iyon ang magiging simula ng inyong kapahamakan.”
+ 23:1 Exo. 20:16; Lev. 19:11-12; Deut. 5:20. + 23:3 Lev. 19:15. + 23:4 Deut. 22:1-4. + 23:6 Lev. 19:15; Deut. 16:19. + 23:9 Exo. 22:21; Lev. 19:33-34; Deut. 24:17-18; 27:19. + 23:10 Lev. 25:1-7. + 23:10 Exo. 20:9-11; 31:15; 34:21; 35:2; Lev. 23:3; Deut. 5:13-14. + 23:15 Exo. 12:14-20; Lev. 23:6-8; Bil. 28:17-25. + 23:16 Lev. 23:15-21; Bil. 28:26-31; Lev. 23:39-43. + 23:19 Deut. 26:2; Exo. 34:26; Deut. 14:21. * 23:28 guguluhin ko ang inyong mga kaaway: o kaya'y susuguin ko ang mga putakti. 23:31 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo.