38
Ang Altar
(Exo. 27:1-8)
1 Akasya rin ang ginamit ni Bezalel sa paggawa ng altar na sunugan ng handog. Ito'y parisukat, 2.2 metro ang haba, ganoon din ang lapad, at 1.3 metro naman ang taas.
2 Ang mga sulok nito'y nilagyan niya ng sungay na kaisang piraso ng altar, at binalot ng tanso.
3 Si Bezalel din ang gumawa ng mga kagamitang tanso para sa altar: palayok, pala, palanggana, malaking tinidor at lalagyan ng apoy.
4 Gumawa rin siya ng parilyang tanso at ikinabit sa ilalim ng baytang, sa kalahatian ng altar.
5 Gumawa siya ng apat na argolya at ikinabit sa apat na sulok ng parilya, para pagsuutan ng pampasan.
6 Akasya rin ang ginawa niyang pampasan. Binalot niya ito ng tanso
7 at isinuot sa mga argolya sa gilid ng altar. Tabla ang ginamit niya sa paggawa ng altar at ito'y may guwang sa loob.
Ang Palangganang Tanso
(Exo. 30:18)
8 Gumawa nga siya ng palangganang tanso, at tanso rin ang patungan. Ang ginamit niya rito ay tansong ginagamit bilang salamin ng mga babaing tumutulong sa mga naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan.
Ang Bulwagan ng Toldang Tipanan
(Exo. 27:9-19)
9 Pagkatapos, ginawa niya ang bulwagan na pinaligiran niya ng mamahaling telang lino. Sa gawing timog ay 45 metro ang haba ng tabing
10 at ito'y ikinabit niya sa dalawampung posteng tanso na itinayo sa dalawampung tuntungang tanso rin. Pilak naman ang mga kawit at ang sabitang baras na ginamit niya.
11 Gayundin ang ginawa niya sa gawing hilaga: 45 metro ang mga tabing na ikinabit sa dalawampung posteng tanso na itinayo sa dalawampung tuntungang tanso; pilak naman ang mga kawit at baras na ginamit dito.
12 Sa gawing kanluran naman, 22 metro ang haba ng tabing na isinabit niya sa sampung posteng nakatindig sa sampung tuntungan. Ang mga kawit at baras ay gawa sa pilak.
13 Ang luwang ng harapan ng bulwagan sa gawing silangan ay 22 metro.
14 Sa isang gilid ng pintuan ay nilagyan ng kurtinang 6.6 na metro ang haba, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa tatlong tuntungan.
15 Ganoon din sa kabilang gilid. Kaya ang dalawang gilid ng pintuan ay may tig-isang kurtinang 6.6 na metro ang haba, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa kanya-kanyang tuntungan.
16 Lahat ng tabing ng bulwagan ay mamahaling telang lino.
17 Tanso ang tuntungan ng mga poste at pilak naman ang mga kawit ng poste, gayundin ang mga haligi.
18 Ang kurtina sa may pintuan ay mamahaling lino at lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula. Magandang-maganda ang burda nito. Ang haba't lapad nito'y 9 na metro, samantalang 2 metro naman ang taas, tulad ng tabing sa bulwagan.
19 Ito'y nakasabit sa apat na posteng nakapatong sa apat na tuntungang tanso. Ang mga kawit nito at balot ay pawang pilak.
20 Tanso naman ang mga tulos na ginamit sa Toldang Tipanan at sa tabing ng bulwagan.
Ang mga Metal na Ginamit sa Tabernakulo
21 Ito ang listahan ng mga metal na ginamit sa tabernakulo na pinaglagyan sa Kaban ng Tipan. Ang listahang ito'y ipinagawa ni Moises sa mga Levita sa pangunguna ni Itamar na anak ni Aaron.
22 Lahat ng iniutos ni Yahweh kay Moises ay ginawa ni Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, buhat sa lipi ni Juda.
23 Ang pangunahin niyang katulong na si Aholiab ay anak ni Ahisamac at buhat naman sa lipi ni Dan. Siya ay mahusay mag-ukit, isang taga-disenyo at manghahabi ng pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula.
24 Lahat ng gintong ginamit sa santuwaryo ay umabot sa 1,000 kilo ayon sa timbangan sa templo. Ang lahat ng ito'y handog kay Yahweh.
25 Ang pilak namang ibinigay ng mga taong napabilang sa sensus ay umabot sa 3,430 kilo, ayon din sa timbangan sa templo.
26 Ang mga ito ang kabuuan ng lahat ng inihandog ng mga napabilang sa sensus, na umabot naman sa 603,550 katao, mula sa dalawampung taon pataas. Bawat isa'y nagbigay ng kaukulang halaga ayon sa timbangan sa santuwaryo.
27 Ang pilak na nagamit sa mga tuntungan ng santuwaryo at tabing ng bulwagan ay 3,400 kilo: 100 tuntungan na tig-34 na kilo.
28 Ang 30 kilo ay ginamit sa mga kawit ng poste, sa mga dulo nito at sa mga haligi.
29 Ang tansong inihandog kay Yahweh ay umabot naman sa 2,425 kilo.
30 Ito ay ginamit sa mga tuntungan sa pintuan ng Toldang Tipanan, sa altar at sa parilyang tanso gayundin sa lahat ng gamit sa altar,
31 sa tuntungan sa paligid ng patyo, at tuntungan ng poste ng pinto, at sa lahat ng tulos na ginamit sa paligid ng tabernakulo.