39
Ang Kasuotan ng mga Pari
(Exo. 28:1-43)
1 Ginawa nila ang kasuotan ni Aaron ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises. Lanang kulay asul, kulay ube at pula ang ginamit nila sa kasuotan ng mga pari.
2 Mainam na lino, lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula ang ginamit nila sa efod.
3 Ang ginto ay pinitpit nila nang manipis at ginupit nang pino na parang sinulid, at inihalo sa paghabi sa lanang kulay asul, kulay ube at pula at sa mainam na lino.
4 Ang efod ay kinabitan nila ng malapad na tali na siyang nagdudugtong sa likod at harap.
5 Kinabitan din nila ito ng isang magandang sinturong kamukha ng efod na yari rin sa mainam na lino, at lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan din ng mga hibla ng ginto tulad ng iniutos ni Yahweh.
6 Kumuha sila ng mga batong kornalina at iniayos ito sa patungang ginto. Iniukit nila dito ang pangalan ng mga anak na lalaki ni Israel. Nang mayari, para itong isang magandang pantatak.
7 Ang mga bato'y ikinabit nila sa tali sa balikat ng efod upang maalala ang mga anak ni Israel. Ginawa rin nila ito ayon sa utos ni Yahweh.
8 Gumawa rin sila ng pektoral. Magandang-maganda ang burda nito, tulad ng efod, at yari din sa mainam na lino, at lanang kulay asul, kulay ube at pula at mayroon din itong sinulid na ginto.
9 Ito'y magkataklob at parisukat: 0.2 metro ang haba, at ganoon din ang lapad.
10 Kinabitan nila ito ng apat na hilera ng mamahaling bato: Sa unang hanay ay rubi, topaz at karbungko.
11 Sa ikalawang hilera naman ay esmeralda, safiro at brilyante.
12 Sa ikatlong hilera ay jacinto, agata at ametista.
13 At sa ikaapat, berilo, kornalina at jasper. Lahat ng ito ay nakalagay sa patungang ginto.
14 Labindalawa lahat ang batong ginamit upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato'y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel.
15 Naglubid sila ng pinitpit na ginto at ito ang ginawang panali sa pektoral.
16 Gumawa rin sila ng dalawang patungan at dalawang argolyang ginto na ikinabit nila sa dalawang sulok ng pektoral, sa gawing itaas.
17 Itinali nila sa argolya ang tig-isang dulo ng mga nilubid na ginto.
18 Ang kabilang dulo naman ay itinali nila sa dalawang patungang ginto sa tali sa balikat ng efod.
19 Gumawa rin sila ng dalawang argolya at ikinabit sa dalawang sulok sa gawing ibaba ng pektoral.
20 Gumawa rin sila ng dalawang argolyang ginto at ikinabit sa ibaba ng tali sa balikat, sa may tahi, sa itaas ng pamigkis ng efod.
21 Ang argolya ng pektoral at ng efod ay pinagkabit nila ng lubid na asul para hindi magkahiwalay. Ito'y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh.
22 Gumawa rin sila ng damit na nasa ilalim ng efod. Ito'y yari sa lanang kulay asul,
23 at may butas na suotan ng ulo; ang butas ay may tupi upang hindi matastas.
24 Ang laylayan nito'y nilagyan nila ng mga palawit na tila bunga ng punong granada; ang mga ito'y yari sa pinong lino, at lanang asul, kulay ube at pula.
25 Gumawa rin sila ng mga kampanilyang ginto at ikinabit sa laylayan, sa pagitan ng mga palawit.
26 Kaya ang laylayan ay may isang hilera ng mga palawit na mukhang bunga ng punong granada at mga kampanilyang ginto. Ito'y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh.
27 Gumawa rin sila ng mahabang panloob na kasuotan para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang mga ito'y yari sa pinong lino,
28 ganoon din ang turbante, ang mga sumbrero at ang mga linong salawal.
29 Ang pamigkis naman sa baywang ay yari sa pinong lino, lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan nang maganda ayon sa utos ni Yahweh.
30 Ang turbante ay nilagyan nila ng palamuting ginto at may nakaukit na ganitong mga salita: “Nakalaan kay Yahweh.”
31 Ito'y itinali nila sa turbante sa pamamagitan ng kurdong asul, tulad ng utos ni Yahweh.
Natapos na ang Toldang Tipanan
(Exo. 35:10-19)
32 Natapos nilang gawin ang Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Yahweh; gayundin ang lahat ng mga kagamitan doon.
33 Ipinakita nila kay Moises ang lahat: ang tabernakulo, ang tolda at lahat ng gamit dito, ang mga kawit, ang mga patayo at pahalang na balangkas, tukod at mga tuntungan nito;
34 ang mga pantakip na balat ng tupa na kinulayan ng pula, balat ng kambing, at ang mga tabing;
35 ang Kaban ng Tipan, ang mga pasanan nito at ang Luklukan ng Awa.
36 Ipinakita rin nila ang mesa at ang mga kagamitan nito, ang tinapay na panghandog sa Diyos,
37 ang ilawang ginto, ang mga ilaw at ang iba pang mga kagamitan nito, at ang langis para sa mga ilaw;
38 ang altar na ginto, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ang kurtina para sa pintuan ng tolda.
39 Ipinakita rin nila ang altar na tanso, kasama ang parilyang tanso, ang mga pasanan at lahat ng kagamitan ng altar, ang palangganang tanso at ang patungan nito;
40 ang mga kurtina para sa bulwagan, ang mga poste at ang mga tuntungan nito, ang tabing sa pagpasok sa bulwagan, ang mga tali, ang mga tulos para sa tolda at lahat ng kagamitan sa paglilingkod sa loob ng Toldang Tipanan.
41 Ipinakita rin nila ang sagradong kasuotan ng mga pari para sa kanilang paglilingkod sa Dakong Banal; ang banal na kasuotan ng paring si Aaron, at ang kasuotan ng kanyang mga anak na maglilingkod bilang mga pari.
42 Lahat ng ito'y ginawa ng mga Israelita ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises.
43 Ang mga ito'y isa-isang tiningnan ni Moises, at binasbasan nang matiyak na nayari ang mga ito ayon sa iniutos ni Yahweh.