40
Ang Pagtatayo at ang Pagtatalaga sa Toldang Tipanan
Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sa unang araw ng unang buwan, itayo mo ang tabernakulo ng Toldang Tipanan. Ilagay mo sa loob nito ang Kaban ng Tipan, at tabingan mo. Ipasok mo ang mesa at ipatong mo roon ang kagamitan niyon. Ipasok mo rin ang ilawan at iayos ang mga ilaw. Ang altar na gintong sunugan ng insenso ay ilagay mo sa tapat ng Kaban ng Tipan at kabitan mo ng tabing ang pintuan nito. Ang altar namang sunugan ng mga handog ay ilagay mo sa harap ng tabernakulo ng Toldang Tipanan. Ilagay mo naman sa pagitan ng altar at ng tolda ang palanggana, at lagyan mo ng tubig. Pagkatapos, paligiran mo ng tabing ang bulwagan at ikabit ang tabing ng pintuan nito.
“Pagkatapos, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo nito ang buong tolda at ang lahat ng kagamitan doon upang maging sagrado. Gayundin ang gawin mo sa lahat ng kagamitan doon upang maging banal. 10 Ito rin ang gawin mo sa altar na sunugan ng mga handog at ang mga kasangkapan nito upang maging ganap na sagrado. 11 Pahiran mo ng langis ang palanggana at ang patungan nito upang maging banal din.
12 “Si Aaron at ang kanyang mga anak ay dalhin mo sa pintuan ng Toldang Tipanan at doo'y maghugas ayon sa rituwal. 13 Pagkatapos, isuot mo kay Aaron ang banal na kasuotan at pahiran mo siya ng langis. Sa ganitong paraan mo siya itatalaga sa akin at siya'y maglingkod sa akin bilang pari. 14 Palapitin mo rin ang kanyang mga anak, at isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan. 15 Pahiran mo sila ng langis tulad ng ginawa mo sa kanilang ama upang makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Dahil sa pagkapahid mo sa kanila ng langis, mananatili silang mga pari habang buhay.”
16 Ginawa ni Moises ang lahat ayon sa iniutos ni Yahweh. 17 Kaya, ang tabernakulo'y itinayo nila noong unang araw ng unang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto. 18 Si Moises ang nagtayo ng tabernakulo. Inilagay niya ang mga tuntungan nito, itinayo ang mga balangkas, isinuot sa mga argolya ang mga pahalang na balangkas at itinayo ang mga poste. 19 Nilatagan niya ng lona ang ibabaw nito at inatipan, tulad ng iniutos ni Yahweh. 20 Inilagay niya sa loob ng Kaban ng Tipan ang mga tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Isinuot sa mga argolya ng Kaban ang mga pasanan at ipinatong ang Luklukan ng Awa. 21 Ipinasok niya sa tolda ang Kaban ng Tipan at tinabingan, ayon sa utos ni Yahweh.
22 Ang mesa ay inilagay niya sa loob ng Toldang Tipanan, sa may gawing hilaga ng tabernakulo, sa labas ng tabing. 23 Tulad ng utos ni Yahweh, ipinatong niya sa mesa ang tinapay na panghandog. 24 Inilagay niya ang ilawan sa loob ng Toldang Tipanan, sa gawing timog ng tabernakulo, sa tapat ng mesa at 25 iniayos ang mga ilaw, tulad ng utos ni Yahweh. 26 Inilagay niya sa loob ng Toldang Tipanan ang altar na ginto, sa harap ng tabing. 27 Dito niya sinunog ang mabangong insenso, tulad ng utos sa kanya ni Yahweh. 28 Ikinabit niya ang tabing sa pintuan ng tabernakulo. 29 Ang altar na sunugan ng mga handog ay inilagay niya sa harap ng pintuan ng Toldang Tipanan at dito niya inialay ang mga handog na sinusunog at mga handog na pagkaing butil, tulad ng utos ni Yahweh. 30 Inilagay niya ang palanggana sa pagitan ng Toldang Tipanan at ng altar, at ito'y nilagyan ng tubig. 31 Doon naghuhugas ng paa't kamay sina Moises, Aaron at ang kanyang mga anak. 32 Tuwing papasok sila sa Toldang Tipanan o lalapit sa altar, naghuhugas sila tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises. 33 Pinaligiran niya ng tabing ang tolda at ang altar; tinabingan din niya ang pintuan ng bulwagan. Natapos ni Moises ang lahat ng ipinagagawa sa kanya.
Ang Ulap at ang Tabernakulo
(Bil. 9:15-23)
34 Nang+ magawâ ang Toldang Tipanan, nabalot ito ng ulap at napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. 35 Hindi makapasok si Moises sapagkat nanatili sa loob nito ang ulap at napuspos ito ng kaluwalhatian ni Yahweh. 36 Sa paglalakbay ng mga Israelita, nagpapatuloy lamang sila tuwing tataas ang ulap mula sa tabernakulo. 37 Kapag hindi tumaas ang ulap, hindi sila nagpapatuloy; hanggang hindi tumataas ang ulap, hindi sila lumalakad. 38 Kung araw, ang ulap ng kapangyarihan ni Yahweh ay nasa tapat ng tabernakulo; kung gabi nama'y ang haliging apoy. Ito'y nasa isang lugar na kitang-kita ng mga Israelita at siya nilang tanglaw sa kanilang paglalakbay.
+ 40:34 1 Ha. 8:10-11; Isa. 6:4; Eze. 43:4-5; Pah. 15:8.