Ang Sulat ni Pablo sa
MGA TAGA-GALACIA
Panimula
Nang maipangaral ang Magandang Balita tungkol kay Jesus at matanggap ito ng mga Hentil, lumitaw ang katanungan kung ang isang Hentil ba na nananalig kay Cristo ay dapat pang pailalim sa Kautusan ni Moises. Ayon kay Pablo ay hindi na dapat, sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya ay nagkakaroon siya ng buhay kay Cristo. Dahil sa pananalig kay Cristo, pinapawalang-sala ng Diyos ang tao. Subalit sa mga iglesya sa Galacia, isang lalawigang Romano sa Asia Minor, ay may mga sumasalungat kay Pablo at nagtuturong kailangan pang pasakop ang tao sa Kautusan ni Moises upang mapawalang-sala sa harap ng Diyos.
Ang layunin ng Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Galacia ay ang mapanumbalik sa tunay na pananampalataya ang mga nadaya ng maling turong ito. Nagsimula si Apostol Pablo sa pamamagitan ng pagtatanggol sa kanyang karapatang matawag na apostol ni Jesu-Cristo. Binigyan niya ng diin na ang pagkatawag sa kanya bilang apostol ay nagbuhat sa Diyos at hindi sa tao, at ang kanyang misyon ay sa mga Hentil. Pagkatapos nito, ipinaliwanag niya na sa pamamagitan ng pananampalataya magiging kalugud-lugod sa Diyos ang tao. Sa mga huling kabanata ay ipinapakita ni Pablo na ang pamumuhay Cristiano ay bunga ng pag-ibig na nagmumula sa pananalig kay Cristo.
Nilalaman
Panimula 1:1-10
Ang kapangyarihan ni Pablo bilang apostol 1:11–2:21
Ang Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos 3:1–4:31
Ang kalayaan at pananagutan ng Cristiano 5:1–6:10
Pagwawakas 6:11-18
1
Mula kay Pablo na hinirang na apostol, hindi ng tao o sa pamamagitan ng tao, kundi ni Jesu-Cristo at ng Diyos Ama na muling bumuhay kay Jesus, at mula sa lahat ng mga kapatid na kasama ko, pagbati sa mga iglesya sa Galacia:
Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Inialay ni Jesu-Cristo ang kanyang sarili para
sa ating kasalanan ayon sa kalooban ng ating Diyos Ama upang mahango tayo sa kasamaang naghahari ngayon sa sanlibutang ito. Purihin ang Diyos magpakailanman! Amen.
Ang Tunay na Magandang Balita
Nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tumalikod sa Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng kagandahang-loob ni Cristo* at kayo'y bumaling agad sa ibang magandang balita. Ang totoo'y wala namang ibang magandang balita; kaya nga lamang, may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Magandang Balita ni Cristo. Subalit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na iba sa ipinangaral namin sa inyo, parusahan nawa siya ng Diyos! Sinabi na namin ito sa inyo, at inuulit ko ngayon, parusahan nawa ng Diyos ang sinumang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na naiiba kaysa tinanggap na ninyo.
10 Bakit ko sinasabi ito, dahil ba sa nais kong mapuri ng tao? Hindi! Ang papuri lamang ng Diyos ang tangi kong hinahangad. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Hindi! Kung iyan ang talagang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Cristo.
Paano Naging Apostol si Pablo
11 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang Magandang Balitang ipinangaral ko'y hindi katha ng tao. 12 Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, at hindi rin itinuro sa akin ng sinumang tao. Si Jesu-Cristo mismo ang naghayag nito sa akin.
13 Hindi+ kaila sa inyo kung paano ako namuhay noon bilang kaanib ng relihiyon ng mga Judio. Walang awa kong inusig ang iglesya ng Diyos at sinikap na ito'y wasakin. 14 Sa+ relihiyon ng mga Judio, nahigitan ko ang maraming kasing-edad ko at ako'y lubhang masugid sa kaugalian ng aming mga ninuno.
15 Ngunit+ dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, pinili niya ako bago pa ako ipanganak at tinawag upang maglingkod sa kanya. 16 Nang minabuti niyang ihayag sa akin ang kanyang Anak upang maipangaral ko siya sa mga Hentil, hindi ako sumangguni sa sinumang tao. 17 Ni hindi rin ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na nauna sa akin; sa halip, nagpunta ako sa Arabia, at pagkatapos ay bumalik ako sa Damasco. 18 Pagkaraan+ ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem upang makipag-usap kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. 19 Wala akong nakitang iba pang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.
20 Totoong lahat ang isinusulat ko sa inyo. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling.
21 Pagkatapos, pumunta ako sa ilang lugar sa Siria at sa Cilicia. 22 Hindi pa ako kilala noon ng mga mananampalataya kay Cristo na nasa Judea. 23 Nakarating lamang sa kanila ang ganitong balita, “Ang dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng pananampalatayang dati'y sinikap niyang wasakin.” 24 Kaya't nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin.
* 1:6 ni Cristo: Sa ibang manuskrito'y ng Diyos, at sa iba pang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito. + 1:13 Gw. 8:3; 22:4-5; 26:9-11. + 1:14 Gw. 22:3. + 1:15 Gw. 9:3-6; 22:6-10; 26:13-18. + 1:18 Gw. 9:26-30.