2
Si Pablo at ang Ibang mga Apostol
Makalipas+ ang labing-apat na taon, muli akong pumunta sa Jerusalem kasama si Bernabe. Isinama ko rin si Tito. Bumalik ako sapagkat inihayag sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang Magandang Balitang ipinapangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito dahil ayaw kong mawalan ng kabuluhan ang aking ginawa at ginagawa pa. Kahit na isang Griego ang kasama kong si Tito, hindi nila pinilit na magpatuli ito kahit may ilang huwad na kapatid na nagtangka ng gayon. Nakihalubilo sila sa amin upang manmanan ang kalayaang taglay natin kay Cristo Jesus. Nais nila kaming maging mga alipin. Hindi kami nagpailalim sa kanilang kagustuhan kahit isang saglit, upang maingatan namin para sa inyo ang tunay na kahulugan ng Magandang Balita.
Ngunit+ walang idinagdag sa akin ang mga kinikilalang pinuno; hindi mahalaga sa akin kung sino man sila, sapagkat walang itinatangi ang Diyos. Sa halip, kinilala nila na ipinagkatiwala sa akin ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Judio. Ang Diyos na nagbigay ng kapangyarihan kay Pedro na mangaral sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng kapangyarihang mangaral sa mga Hentil. Nakita nina Santiago, Pedro at Juan, na mga kinikilalang haligi ng iglesya, ang kagandahang-loob na ibinigay sa akin, kaya't kami ni Bernabe ay buong puso nilang tinanggap bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan namin na kami'y sa mga Hentil mangangaral at sila nama'y sa mga Judio. 10 Ang hiling lamang nila ay huwag naming kakaligtaan ang mga dukha, na siya namang masikap kong ginagawa.
Pinagsabihan ni Pablo si Pedro
11 Subalit nang dumating si Pedro sa Antioquia, harap-harapan ko siyang sinaway sapagkat maling-mali ang kanyang ginagawa. 12 Dahil bago dumating ang ilang sugo ni Santiago, siya'y nakikisalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating na ang mga iyon, lumayo na siya at hindi na nakisalo sa mga Hentil dahil sa takot niya sa pangkat na nagnanais na tuliin din ang mga Hentil. 13 At gumaya naman sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari. 14 Nang makita kong ang kanilang ikinikilos ay hindi ayon sa tunay na diwa ng Magandang Balita, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at hindi bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?”
Pinapawalang-sala Dahil sa Pananampalataya
15 Kami nga'y ipinanganak na Judio at hindi makasalanang Hentil. 16 Gayunman,+ alam naming ang tao'y pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Kaya't kami ay sumampalataya kay Cristo Jesus upang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya, at hindi sa pamamagitan ng Kautusan. Sapagkat walang taong pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. 17 Ngunit kung sa pagsisikap naming mapawalang-sala sa pamamagitan ni Cristo ay matagpuan kaming makasalanan pa, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hinding-hindi! 18 Ngunit kung itinatayo kong muli ang winasak ko na, ipinapakita kong makasalanan nga ako. 19 Ako'y namatay na sa Kautusan sa pamamagitan rin ng Kautusan upang ngayo'y mabuhay para sa Diyos. Ako'y kasama ni Cristo na ipinako sa krus. 20 Kaya hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayon sa katawan ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko tinatanggihan ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y mapapawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo!
+ 2:1 Gw. 11:30; 15:2. + 2:6 Deut. 10:17. + 2:16 Awit 143:2; Ro. 3:20; Ro. 3:22.