4
Si Cain at si Abel
1 Sinipingan ni Adan ang kanyang asawa at ito'y nagdalang-tao. Nang isilang ang kanyang panganay na lalaki ay sinabi ni Eva: “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa tulong ni Yahweh.” Kaya Cain ang ipinangalan niya rito.
2 Sinundan si Cain ng isa pang anak na lalaki, at Abel naman ang ipinangalan dito. Naging pastol ito at si Cain naman ay naging magsasaka.
3 Dumating ang panahon na si Cain ay naghandog kay Yahweh ng ani niya sa bukid.
4 Kinuha naman ni Abel ang isa sa mga panganay ng kanyang kawan. Pinatay niya ito at inihandog ang pinakamainam na bahagi. Si Yahweh ay nasiyahan kay Abel at sa kanyang handog,
5 ngunit hindi niya kinalugdan si Cain at ang handog nito. Dahil dito, hindi mailarawan ang mukha ni Cain sa tindi ng galit.
6 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Anong ikinagagalit mo, Cain? Bakit ganyan ang mukha mo?
7 Kung mabuti ang ginawa mo, dapat kang magsaya. Kung masama naman, ang kasalana'y tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lapain ka. Nais nitong pagharian ka. Kaya't kailangang mapaglabanan mo ito.”
8 Isang araw, niyaya ni Cain ang kanyang kapatid, “Abel, pumunta tayo sa bukid.” Sumama naman ito, ngunit pagdating nila sa bukid ay pinatay ni Cain si Abel.
9 Tinanong ni Yahweh si Cain, “Nasaan ang kapatid mong si Abel?”
Sumagot siya, “Hindi ko alam. Bakit, ako ba'y tagapag-alaga ng aking kapatid?”
10 At sinabi ni Yahweh, “Cain, ano itong ginawa mo? Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid, at humihingi ng katarungan.
11 Sinusumpa kita ngayon, at hindi mo na maaaring bungkalin ang lupa dahil dumanak doon ang dugo ng kapatid mo na iyong pinaslang.
12 Bungkalin mo man ang lupa upang tamnan, hindi ka mag-aani; wala kang matitirhan at magiging lagalag ka sa daigdig.”
13 “Napakabigat namang parusa ito!” sabi ni Cain kay Yahweh.
14 “Ngayong pinapalayas mo ako sa lupaing ito upang malayo sa iyong paningin, at maglagalag sa daigdig, papatayin ako ng sinumang makakakita sa akin.”
15 “Hindi,” sagot ni Yahweh. “Paparusahan ng pitong ibayo ang sinumang papatay sa iyo.” Kaya't nilagyan ni Yahweh ng palatandaan si Cain upang maging babala sa sinuman na ito'y hindi dapat patayin.
16 Iniwan ni Cain si Yahweh at tumira siya sa lupain ng Nod, isang lugar sa silangan ng Eden.
Ang Angkan ni Cain
17 Sinipingan ni Cain ang kanyang asawa, nagdalang-tao ito at nagkaanak ng isang lalaki na pinangalanang Enoc. Pagkatapos, nagtayo si Cain ng isang lunsod at ito'y tinawag na Enoc, bilang alaala sa kanyang anak.
18 Si Enoc ang ama ni Irad na ama ni Mehujael. Anak naman nito si Metusael na ama ni Lamec.
19 Nag-asawa si Lamec ng dalawa, sina Ada at Zilla.
20 Naging anak ni Ada si Jabal, ang ninuno ng mga nagpapastol ng mga baka at ng mga tumitira sa tolda.
21 Kapatid nito si Jubal na siya namang ninuno ng mga manunugtog ng alpa at plauta.
22 Naging anak naman ni Zilla si Tubal-cain na ninuno ng lahat ng panday ng mga kagamitang tanso at bakal. Si Tubal-cain ay may kapatid na babae, si Naama.
23 Sinabi ni Lamec sa dalawa niyang asawa:
“Dinggin ninyo itong aking sasabihin,
Ada at Zilla, mga asawa kong giliw;
may pinatay akong isang kabataan,
sapagkat ako'y kanyang sinugatan.
24 Kung saktan si Cain, ang parusang gawad sa gagawa nito'y pitong patong agad;
ngunit kapag ako ang siyang sinaktan, pitumpu't pitong patong ang kaparusahan.”
Ang Angkan ni Set
25 Muling sinipingan ni Adan ang kanyang asawa, at ito'y nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi ng ina, “Binigyan ako ng Diyos ng kapalit ni Abel na pinatay ni Cain;” at ito'y tinawag niyang Set.
26 Si Set ang ama ni Enos. Noon nagsimulang tumawag sa pangalan ni Yahweh ang mga tao sa kanilang pagsamba.