50
1 Niyakap ni Jose ang kanyang ama at umiiyak na hinagkan.
2 Pagkatapos, inutusan niya ang kanyang mga manggagamot na embalsamuhin ang bangkay.
3 Ayon sa kaugalian ng mga Egipcio, apatnapung araw ang ginugol nila sa paggawa nito. Pitumpung araw na nagluksa ang bansang Egipto.
4 Pagkatapos ng pagluluksa, sinabi ni Jose sa mga kagawad ng Faraon, “Pakisabi nga ninyo sa Faraon na
5 hinilingng aking ama bago namatay na doon ko siya ilibing sa libingan na kanyang inihanda sa Canaan. At aking naipangakong susundin ko ang kanyang bilin. Kaya, humihingi ako ng pahintulot na dalhin ko roon ang kanyang bangkay at babalik agad ako pagkatapos.”
6 Sumagot ang Faraon, “Lumakad ka na at ilibing mo ang iyong ama ayon sa iyong pangako sa kanya.”
7 Sumama kay Jose para makipaglibing ang lahat ng kagawad ng Faraon, ang mga may matataas na katungkulan sa palasyo at ang mga kilalang mamamayan sa buong Egipto.
8 Kasama rin ni Jose ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama. Ang naiwan lamang sa Goshen ay ang maliliit na bata, mga kawan ng tupa, kambing at baka.
9 May mga nangangabayo, may mga sakay sa karwahe—talagang napakarami nila.
10 Pagsapit nila sa giikan sa Atad, sa silangan ng Ilog Jordan, huminto muna sila. Nagdaos sila roon ng luksang-parangal sa yumao, at pitong araw na nagdalamhati roon si Jose.
11 Nasaksihan ng mga taga-Canaan ang ginawang pagpaparangal na ito, kaya't nasabi nila, “Ganito palang magluksa ang mga taga-Egipto!” Dahil dito'y tinawag na Abelmizraim ang lugar na iyon.
12 Sinunod nga ng mga anak ni Jacob ang hiling ng kanilang ama.
13 Dinala nila sa Canaan ang bangkay at doon inilibing sa yungib na nasa kaparangan ng Macpela, silangan ng Mamre, na binili ni Abraham kay Efron na Heteo.
14 Matapos ilibing ang ama, si Jose'y nagbalik sa Egipto, kasama ang kanyang mga kapatid at lahat ng kasama sa paglilibing.
Binigyan ni Jose ng Kapanatagan ang mga Kapatid
15 Mula nang mamatay ang kanilang ama, nag-alala na ang mga kapatid ni Jose. Sabi nila, “Paano kung galit pa sa atin si Jose at gantihan tayo sa kalupitang ginawa natin sa kanya?”
16 Nagpasugo sila kay Jose at ipinasabi ang ganito: “Bago namatay ang ating ama, ipinagbilin niya na sabihin ito sa iyo,
17 ‘Nakikiusap ako na patawarin mo na ang iyong mga kapatid sa ginawa nila sa iyo.’ Kaya naman ngayon, nagsusumamo kami sa iyo na patawarin mo kaming mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” Napaiyak si Jose nang marinig ito.
18 Lumapit lahat ang kanyang mga kapatid at yumuko sa harapan niya. “Kami'y mga alipin mo,” wika nila.
19 Ngunit sinabi ni Jose, “Huwag kayong matakot! Maaari ko bang palitan ang Diyos?
20 Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo'y naligtas ang marami ngayon.
21 Kaya, huwag na kayong mag-alala. Ako ang bahala sa inyo at sa inyong mga anak.” Napanatag ang kanilang kalooban sa mga sinabing ito ni Jose.
Ang Pagkamatay ni Jose
22 Nanatili nga si Jose sa Egipto kasama ang kanyang mga kapatid. Umabot siya ng 110 taon bago namatay.
23 Inabot pa siya ng mga apo ni Efraim, gayundin ng mga apo niya kay Maquir na anak ni Manases.
24 Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Malapit na akong mamatay, ngunit huwag kayong mag-alala. Iingatan kayo ng Diyos at ibabalik sa lupaing ipinangako niya kina Abraham, Isaac at Jacob.”
25 Pagkatapos, ipinagbilin niya sa mga Israelita ang gagawin sa kanyang bangkay. Wika niya, “Isumpa ninyo sa akin na kapag kayo'y inilabas na ng Diyos sa lupaing ito, dadalhin ninyo ang aking mga buto.”
26 Namatay nga si Jose sa gulang na 110 taon. Siya'y inembalsamo sa Egipto at inilagay sa isang kabaong.