7
Ang Baha
1 Sinabi ni Yahweh kay Noe, “Pumasok kayong mag-anak sa barko. Sa lahat ng tao'y ikaw lamang ang nakita kong namumuhay ng matuwid.
2 Magdala ka ng pitong pares sa bawat hayop na malinis, at isang pares naman sa di-malinis.
3 Pitong pares din sa bawat uri ng ibon ang iyong dadalhin. Gawin mo ito upang magpatuloy ang kanilang lahi sa balat ng lupa.
4 Pagkaraan ng isang linggo, pauulanin ko nang apatnapung araw at apatnapung gabi upang lipulin ang lahat ng aking nilikha sa daigdig.”
5 At ginawa nga ni Noe ang bawat iniutos ni Yahweh.
6 Si Noe ay 600 taon nang bumaha sa daigdig.
7 Pumasok nga siya sa malaking barko kasama ang kanyang asawa, mga anak, at mga manugang upang maligtas sa baha.
8 Sa bawat uri ng hayop, malinis o hindi, sa bawat uri ng ibon at maliliit na hayop,
9 ay nagsama siya sa barko ayon sa utos ng Diyos.
10 Pagkaraan ng pitong araw, bumaha nga sa buong daigdig.
11 Si Noe ay 600 taóng gulang na noon. Noong ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, nabuksan ang lahat ng bukal sa ilalim ng lupa. Nabuksan din ang mga bintana ng langit.
12 Bumuhos ang ulan sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi.
13 Pumasok noon sa barko si Noe at ang kanyang asawa, kasama ang kanilang tatlong anak na lalaki na sina Shem, Ham at Jafet at ang kani-kanilang asawa.
14 Pinapasok din niya ang bawat uri ng hayop—mailap at maamo, lumalakad at gumagapang sa lupa, at bawat uri ng ibon.
15 Isang lalaki at isang babae ng bawat may buhay ang isinama ni Noe,
16 ayon sa utos ng Diyos. Pagkatapos, isinara ni Yahweh ang pinto ng barko.
17 Apatnapung araw na bumaha sa daigdig. Lumaki ang tubig at lumutang ang barko.
18 Palaki nang palaki ang tubig habang palutang-lutang naman ang barko.
19 Patuloy pang lumaki ang tubig hanggang sa lumubog ang lahat ng matataas na bundok,
20 at tumaas pa nang halos pitong metro sa taluktok ng mga bundok.
21 Namatay ang bawat may buhay sa lupa—mga ibon, maaamo at maiilap na mga hayop, lahat ng gumagapang sa lupa, at lahat ng tao.
22 Ang lahat ng may hininga sa ibabaw ng lupa ay namatay.
23 Ang mga tao at mga hayop sa daigdig ay nilipol ng Diyos, maliban kay Noe at sa kanyang mga kasama sa barko.
24 Nagsimulang bumabâ ang tubig pagkatapos ng 150 araw.