6
Ang Kasamaan ng Sangkatauhan
1 Napakarami na ng mga tao sa daigdig nang panahong iyon. Nagkaroon sila ng mga anak na babae.
2 Nang makita ng mga anak ng Diyos na ang mga babaing anak ng tao ay magaganda, ang mga ito'y pumili sa kanila ng kanya-kanyang asawa.
3 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko ipapahintulot na mabuhay nang habang panahon ang tao, sapagkat siya'y makalaman. Hindi na lalampas sa 120 taon ang kanyang buhay sa daigdig.”
4 Nang panahong iyon, may mga higante sa ibabaw ng lupa. Sila ang naging bunga ng pakikipagtalik ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng tao. Ang mga higanteng iyon ay tinanghal na mga dakilang bayani at tanyag na tao noong unang panahon.
5 Nakita ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito.
6 Kaya't labis na ikinalungkot ni Yahweh na nilikha pa niya ang tao.
7 Sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong aking nilalang. Lilipulin ko rin ang lahat ng hayop at mga ibon. Ikinalulungkot kong nilalang ko pa ang mga ito.”
8 Ngunit si Noe ay naging kalugud-lugod kay Yahweh.
Si Noe
9 Ito ang kasaysayan ni Noe. Matuwid at mabuting tao si Noe noong kanyang kapanahunan. Namuhay siya ayon sa kalooban ng Diyos.
10 Siya'y may tatlong anak na lalaki, sina Shem, Ham at Jafet.
11 Maliban kay Noe, masasama ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos at laganap ang karahasan sa lahat ng dako.
12 Ito ang kalagayang nakita ng Diyos sa buong daigdig; namumuhay sa kasamaan ang lahat ng tao.
Pinagawa ng Malaking Barko si Noe
13 Sinabi ng Diyos kay Noe, “Napagpasyahan ko nang lipulin ang lahat ng tao sa daigdig. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan. Gugunawin ko sila kasama ng daigdig.
14 Kaya gumawa ka ng isang malaking barko na yari sa kahoy na sipres. Lagyan mo ito ng mga silid at pahiran mo ng alkitran ang loob at labas nito.
15 Ang barkong gagawin mo ay 135 metro ang haba, 22 metro ang luwang, at 13.5 metro ang taas.
16 Bubungan mo ito at lagyan ng kalahating metrong pagitan mula sa bubong hanggang sa tagiliran. Gawin mong tatlong palapag ang barko at lagyan mo ng pintuan sa tagiliran.
17 Palulubugin ko sa tubig ang buong daigdig at malilipol ang lahat ng may buhay sa balat ng lupa.
18 Ngunit ako'y gagawa ng kasunduan natin: Isama mo ang iyong asawa at mga anak na lalaki, pati mga asawa nila, at pumasok kayo sa barko.
19 Magsakay ka ng isang lalaki at isang babae ng bawat uri ng hayop at ibon upang magpatuloy ang lahi nila.
20 Magsakay ka rin ng tig-iisang pares sa bawat uri ng ibon at hayop at mga gumagapang sa lupa upang magpatuloy rin ang lahi ng mga ito.
21 Maglaan ka ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at sa kanila.”
22 At ginawa nga ni Noe ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos.