1
TALAAN NG MGA SALITA
PATUNGKOL SA MAGANDANG BALITA BIBLIA
MBB Magandang Balita Biblia. Ito’y isang salin ng Biblia sa wikang Tagalog na binibigyang- diin ang paghahayag ng tamang kahulugan ng mga orihinal na wika ng Biblia. Una itong inilimbag noong 1980.
Lumang Tipan Ito ang 46 na aklat, mula Genesis hanggang Malakias, na kumakatawan sa unang bahagi ng Banal na Kasulatan. Sa edisyong ito, ito’y tinatawag ding “Bibliang Hebreo” sapagkat karamihan sa mga aklat na ito’y naisulat sawikang Hebreo, maliban sa ilan na nakasulat naman sa wikang Aramaico (tingnan ang Pagpapakilala sa Lumang Tipan).
Bagong Tipan Ito ang 27 aklat, mula Magandang Balita ayon kay Mateo hanggang sa aklat ng Pahayag, na kumakatawan sa ikalawang bahagi ng Banal na Kasulatan. Ang mga ito’y orihinal na naisulat sa wikang Griego.
Talata at Kabanata (o Kapitulo) Ang mga numerong ito’y hindi kasama sa mga orihinal na wika, subalit idinagdag makalipas ang ilang panahon upang maging tulong sa pagbasa. Sa halimbawang Juan 3:16, ang tinutukoy nito’y “ang Magandang Balita ayon kay Juan, kabanata 3, talatang 16.” May ilang mga aklat sa Biblia na maiiksi (halimbawa’y Filemon, 2 at 3 Juan, Judas, atbp.) kaya’t hindi na hinati sa mga kabanata, subalit hinati sa mga talata. Sa rebisyong ito, may mga talatang pinagsama (halimbawa’y Mateo 1:12-16) sa dahilang sa wikang Tagalog, ang isang bagay ay sinasabi (o sinusulat) sa kaparaanang iba kaysa wikang Hebreo o Griego. Samakatuwid, ang dalawa o higit pang mga talata ay pinagsama sa saling ito upang lalong maunawaan ang kahulugan ng orihinal na wika.
Karunungan Kadalasang tumutukoy sa sentido kumon at praktikal na kalinangan na kailangan upang mabigyang solusyon ang mga araw-araw na problema, subalit minsa’y napapalooban rin ng paghahanap ng mga kasagutan sa mga katanungan patungkol sa kahulugan ng buhay.
Kasulatan, Mga Sa Bagong Tipan, ito’y tumutukoy sa mga natatanging babasahing Judio, na kilala ng mga Cristiano bilang “Ang Lumang Tipan”. Tinatawag ding aklat ng Kautusan (o ang Kautusan ni Moises) at ng mga propeta (Mt. 5:17; 7:12; Lu. 2:22; 24:44; Gw. 13:15; 28:23), ang Banal na Kasulatan (Ro. 1:2; 2 Tim. 3:15), at ang lumang tipan (2 Cor. 3:14). Kung “kasulatan” lamang, ang tinutukoy ay isang bahagi sa Lumang Tipan.
Kautusan Tawag ng mga Judio sa unang limang aklat ng Lumang Tipan, tinatawag ding “Mga Aklat ni Moises”. Kung minsan, iniuukol ito sa buong Lumang Tipan.
Kautusan ng Diyos, Mga Mga patakaran ng Diyos para sa buhay ng kanyang bayan. Ang pinakapopular ay ang Sampung Utos ng Diyos (Exo. 20:1-17; Deut. 5:6-21).
Kawikaan Mga maiiksi ngunit madaling matandaan na mga kasabihan ng matatalinong tao.
Manuskrito Noong unang panahon, ang mga aklat ay sinisipi o kinokopya sa pamamagitan ng kamay. Ang tawag sa mga siping ito ay “manuskrito”.
Matatandang Manuskrito Ang Lumang Tipan ay unang isinalin sa wikang Griego sa panahong 250-150 B.C. Hindi nagtagal, ang buong Biblia’y kinopya at isinalin rin sa mga wikang Latin, Syriac, at iba pa. Ang mga kopya at mga saling ito ang tinutukoy sa salitang “matatandang manuskrito”.
Talinhaga Kuwentong may itinuturong katotohanang espirituwal; ito’y madalas na ginagamit ni Jesus sa kanyang pagpapaliwanag patungkol sa Kaharian ng Diyos.
Wikang Aramaico Isang wikang malapit sa wikang Hebreo. Sa Lumang Tipan, ang mga sumusunod na talata ay nakasulat sa wikang Aramaico: Ez. 4:8–6:18; 7:12-26; Jer. 10:11; at Dan. 2:4b–7:28. Sa panahon ng Bagong Tipan, maraming mga Judio ang nagsasalita ng wikang Aramaico, kabilang na si Jesu-Cristo.
Wikang Griego Ang wikang ginamit at nauunawaan ng maraming tao sa panahon ng Bagong Tipan. Sa wikang ito orihinal na naisulat ang mga aklat ng Bagong Tipan.
Wikang Hebreo Ang wikang ginamit ng mga Israelita hanggang sa panahon ng Pagkabihag. Gayunpaman, pagbalik ng mga Israelita, higit na marami na ang taong nagsasalita ng Aramaico. Ang pinakamalaking bahagi ng mga aklat ng Lumang Tipan ay orihinal na naisulat sa wikang Hebreo.
MGA DIYUS-DIYOSAN, MANGHUHULA, MASASAMANG ESPIRITU
Ashera Sa Lumang Tipan ay mga haliging itinuturing na sagrado ng mga taga-Canaan; pinapaniwalaang ito ang diyosa ng masaganang ani. Matapos masakop ng mga Judio ang Canaan, marami sa kanila ang sumamba sa diyus-diyosang ito.
Artemis Sa Bagong Tipan, ito’y itinuturing na diyosa ng kasaganaan, sinasamba lalo na sa Asia Menor. Sa aklat ng Mga Gawa, ang mga sumasamba sa kanya ay nagpaumpisa ng kaguluhan laban kay Pablo. Tinatawag din itong “Diana”.
Astarte Diyosa ng kasaganaan at digmaan na sinasamba ng maraming nakatira sa matandang lupain ng Punong Silangan.
Baal Ang diyus-diyosan ng kasaganaan na sinasamba ng mga Cananeo. Matapos masakop ng mga Hebreo ang Canaan, marami sa kanila ang sumamba rin sa diyusdiyosang ito.
Baal-berit (Baal-ng-Tipan) Sa pangalang ito nakikilala ng mga taga-Shekem si Baal.
Beelzebul Sa Bagong Tipan, ito ang tawag sa diyablo na pinuno ng masasamang espiritu.
Dagon Sa Lumang Tipan, ito ang pangunahing diyos ng mga Filisteo.
Demonyo at Masasamang Espiritu Mga nilalang na nananakit at nagpapahirap sa mga tao, at minsa’y sumasapi sa mga tao upang gumawa ng kasamaan. Sa Bagong Tipan, ang mga taong sinasapian ng demonyo ay itinuturing na marumi sa harapan ng Diyos, kaya’t sila’y nilalayuan ng mga tao.
Diyablo Ang pinakapinuno ng mga demonyo at masasamang espiritu; tinatawag din sa pangalang Satanas.
Diana Pangalang Griego ng diyosa ng kasaganaan, tinatawag ding Artemis (tingnan ang Artemis).
Hermes Isa sa mga diyus-diyosan ng mga Griego; ito rin ang pinapaniwalaang mensahero ng iba pang diyus-diyosan ng mga Griego.
Manghuhula Mga taong naniniwalang malalaman nila ang mga mangyayari sa hinaharap sa pamamagitan ng pagmamasid sa lipad ng mga ibon, pagtingin sa atay ng mga hayop, at pagbibigay kahulugan sa mga palabunutan ng bato.
Masamang Espiritu Tingnan ang “Demonyo at Masasamang Espiritu”.
Molec o Milcom Isa sa mga diyus-diyosan ng mga Ammonita, sa Lumang Tipan.
Salamangkero Mga taong gumagawa ng mga kababalaghan sa pamamagitan ng mahika o salamangka. Sa Banal na Kasulatan, ang mga taong ito’y madalas na tagapaglingkod ng mga hari at mga diyus-diyosan.
Satanas Ang literal na kahulugan nito ay “Kaaway” o kaya’y “Mandaraya”. Tingnan din ang “Diyablo”.
Sumasangguni sa mga Espiritu ng Namatay na Sa Lumang Tipan, ito ay ang mga taong tumatawag at kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na sa paniniwalang makakapagbigay ang mga ito ng kapangyarihan at gabay para sa hinaharap. Ang mga Israelita’y mariing pinagbawalang komunsulta sa mga taong ito (Lev. 19:31).
Zeus Ang pangunahing diyos ng mga Griego. Sa Bagong Tipan, si Bernabe ay pinagkamalang si Zeus matapos na gumaling ang isang lumpo (Gw. 14:12).
MGA PANGALANG GINAMIT PARA SA DIYOS SA LUMANG TIPAN
Sa tekstong Hebreo, ang kalikasan at karakter ng Diyos ay ipinakita at ipinahiwatig sa maraming kaparaanan. Isa na rito ang mga pangalang ginamit upang tukuyin ang Diyos. Sa edisyong ito sinikap na magamit ang mga pinakamalapit na katumbas na Tagalog para sa mga wikang Hebreong ginamit para sa Diyos.
Diyos Elohim.
Yahweh YHWH, ang “tetragrammaton”. Ang mga Judio’y naniniwala na ito ang personal na pangalan ng Diyos ng Israel na kanyang ipinahayag kay Moises (Exo. 3:14).
Panginoon Adonai. Hindi binabanggit ng mga Judio ang “tetragrammaton” sa kanilang pagbabasa at pagsasalita, tanda ng matinding paggalang sa Diyos. Sa halip, ang binabanggit nila ay Adonai. Sa salin ng Lumang Tipan sa wikang Griego (LXX), minarapat ng mga tagapagsalin na panatilihin ang ganitong kaugalian kung kaya’t isinalin nila ang “tetragrammaton” bilang “Kurios” na ang kahulugan ay “Panginoon”.
Panginoong Diyos Adonai Elohim.
PANGINOONG Yahweh Yahweh Elohim.
Yahweh, Makapangyarihang Panginoon/Panginoong Makapangyarihan Adonai YHWH Ts’baoth.
Makapangyarihang Diyos El Shaddai (Gen. 17:1; 28:3; 35:11; 43:14; 48:3; Exo. 6:3; Bil. 24:16; Eze. 10:5)
Kataas-taasang Diyos El Elyon (Gen. 14:18, 19, 20, 22; Bil. 24:16; Deut. 32:8)
Diyos na Nakakakita El Roi (Gen. 16:13)
Diyos na Walang Hanggan El Olam (Gen. 21:33)
Yahweh na aking Watawat YHWH Nissi (Exo. 17:15)
Yahweh na Nagkakaloob YHWH Yire (Gen. 22:14)
Yahweh na Manggagamot YHWH Rapa (Exo. 15:26)
ANG LABINDALAWANG LIPI NG ISRAEL
Ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo na ang mga Israelita ay nagmula sa isa sa mga lipi ng Israel. Gayunpaman, ang mga lipi ng Efraim at Manases ay maituturing na kakaiba, sapagkat ang mga kabilang sa mga liping ito ay nagmula sa dalawang anak ni Jose, na isa sa mga anak ni Jacob. Ito ay maaaring dahilan sa pagkakatalaga sa lipi ni Levi upang maglingkod bilang mga pari para sa lahat ng lipi (Bil. 18:20). Minsan, ang mga dayuhan ay maaari ring mapaanib sa mga Israelita (Exo. 12:38; Deut. 23:1-8; at ang aklat ng Ruth), at ang mga taong ito’y mapapabilang sa isa sa mga lipi.
Asher Sa wikang Hebreo, ito’y katunog ng salitang “Masaya”. Tumira ang liping ito sa baybayin ng Dagat Mediteraneo mula sa Bundok ng Carmel hanggang sa hangganan ng Lunsod ng Tiro.
Benjamin Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “anak na pagpapalain”. Naging bahagi ng liping ito ang pagitan ng Bethel at Jerusalem. Nang humiwalay ang mga liping nasa hilaga, tanging ang liping ito ang nanatiling kasama ng Juda, at binuo nila ang Timog na Kaharian.
Dan Sa wikang Hebreo, katunog ng salitang ito ang “panig sa akin ang hatol”. Unang tumira ang liping ito sa kanluran ng Juda, Benjamin, at Efraim. Subalit nang kamkamin ng mga Filisteo ang kanilang lugar, napilitan silang tumira sa loobang bahagi ng hilaga ng Israel.
Efraim Sa wikang Hebreo, ang salitang ito’y katunog ng “pinagkalooban ng mga anak”. Isa ito sa pinakamalaki sa mga lipi. Napunta sa kanila ang hilagang bahagi ng Benjamin at bandang timog ng Kanlurang Manases.
Gad Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito’y “mapalad”. Tinirhan ng liping ito ang silangang bahagi ng Ilog Jordan mula sa dulo ng hilagang Dagat na Patay, sa bandang hilaga ng Ilog Jabboc.
Isacar Sa wikang Hebreo, ang salitang ito’y katunog ng “ginantimpalaan”. Ang timogkanluran ng Lawa ng Galilea ang kanilang naging bahagi.
Juda Sa wikang Hebreo, ang salitang ito’y katunog ng “pupurihin”. Tinirhan ng liping ito ang maburol na bahaging kanluran ng Dagat na Patay. Nang ang sampung lipi sa hilaga ay mag-aklas laban sa haring pumalit kay Solomon, tanging ang Benjamin ang natirang kasama nito upang buuin ang Timog na Kaharian o Kaharian ng Juda.
Levi Sa wikang Hebreo, katunog nito ang salitang “mapapalapit”. Ang liping ito ay may natatanging bahagi mula kay Yahweh; sila ang maglilingkod sa tabernakulo, kaya’t sila’y hindi binigyan ng lupang kaparte. Sa halip, sila’y binigyan ng mga natatanging lugar na titirahan sa bawat lipi. Sila rin ang tumatanggap ng mga ikasampung bahaging inihahandog ng mga Israelita.
Manases Sa wikang Hebreo, ang salitang ito’y katunog ng “niloob na malimot”. Tinirhan nito ang dalawang bahagi: (1) ang Silangang Manases ay tumira sa silangan ng Ilog Jordan at hilaga ng Ilog Jabboc sa mga lugar ng Bashan at hilagang Gilead. (2) Ang Kanlurang Manases ay tumira naman sa kanluran ng Ilog Jordan hanggang sa hilaga ng Efraim.
Neftali Sa wikang Hebreo, katunog nito ang salitang “labanan”. Tumira ang liping ito sa mga bahaging hilaga at kanluran ng Lawa ng Galilea.
Ruben Sa wikang Hebreo, ang salitang ito’y katunog ng “narito ang isang anak na lalaki”. Ang bahaging silangan ng Dagat na Patay, mula sa Ilog Arnon sa bandang timog hanggang hilagang dulo ng Dagat na Patay.
Simeon Sa wikang Hebreo, ito’y katunog ng salitang “narinig”. Tumira ang liping ito sa timog-kanluran ng Juda, subalit di nagtagal ay halos naging bahagi na rin ng Juda.
Zebulun Sa wikang Hebreo, katunog nito ang salitang “pahahalagahan”. Ang hilaga ng Manases mula sa silangang dulo ng Bundok ng Carmel hanggang sa Bundok ng Tabor ang naging bahagi ng liping ito.
ANG LABINDALAWANG APOSTOL NI JESU-CRISTO
Ang Apostol ay isang taong pinili at isinugo ni Jesu-Cristo upang ipangaral ang Magandang Balita. Ang talaan ng Labindalawang Apostol ni Jesus ay mababasa sa Mt. 10:2-4; Mc. 3:16-19; Lu. 6:14-16; Gw. 1:12-13. Hindi nagtagal, tinawag ding apostol ang ilangmananampalataya tulad nina Pablo, Santiago na kapatid ni Jesus, at Bernabe.
Andres Kapatid ni Simon Pedro. Nagsabi kay Pedro na si Jesus ang Cristo.
Bartolome Maliban sa mga talaan ng mga apostol, hindi na binanggit pa sa ibang bahagi ng Bagong Tipan ang apostol na ito.
Felipe Mula sa Bethsaida, at kalugaran ng magkapatid na sina Simon Pedro at Andres.
Juan Isa sa mga pinakamalapit na apostol ni Jesus; anak ni Zebedeo at kapatid ni Santiago. Pinapaniwalaang siya ang may-akda ng aklat ng Magandang Balita na nakapangalan sa kanya.
Judas Iscariote Ang apostol na nagkanulo kay Jesus sa halagang tatlumpung pirasong pilak.
Mateo Isang maniningil ng buwis nang siya’y tawagin ni Jesus upang sumunod sa kanya. Tinatawag ding “Levi”, pinapaniwalaang siya ang may-akda ng aklat ng Magandang Balita na nakapangalan sa kanya.
Matias Hindi siya kabilang sa orihinal na mga apostol ni Jesus, subalit siya ang napiling papalit kay Judas.
Simon Pedro Tumayong pinakapinuno ng mga tagasunod ni Jesus matapos na siya’y umakyat sa langit. Siya’y kapatid ni Andres.
Simon Tinatawag ding Makabayan.
Santiago Anak ni Alfeo.
Santiago Anak ni Zebedeo, at kapatid ni Juan.
Tadeo Kilala rin bilang “Judas” na anak ni Santiago.
Tomas Tinatawag ding “ang Kambal”.
MGA MAMAHALING BATO, MINERAL, AT PABANGO
Agata Mamahaling bato na may iba’t ibang kulay, ngunit karaniwa’y puti at kulay-lupa.
Aloe Pabangong inilalagay ng mga Judio sa damit ng bangkay.
Alabastro Batong manilaw-nilaw at di lubhang matigas. Ito’y ginagawang plorera at sisidlan ng mamahaling pabango at pomada.
Amatista Mamahaling bato na karaniwa’y kulay ube o murado.
Berilo Mamahaling bato na karaniwa’y berde o berdeng maasul-asul.
Kalsedonia Mamahaling bato na karaniwa’y kulay-abo o gatas.
Koral Marikit na bato na matatagpuan sa dagat; ito’y karaniwang ginagamit na palamuti sa alahas.
Kornalina Mamahaling bato na karaniwa’y pula.
Jasper Mamahaling bato na may iba’t ibang kulay. Ang jasper na binabanggit sa Biblia ay alinman sa berde ang kulay o batong malinaw.
Nardo Isang uri ng mamahaling pabango na nakukuha sa halamang ganito rin ang pangalan.
Onise Mamahaling bato na iba’t iba ang kulay.
Safiro Mamahaling bato na karaniwa’y asul.
Topaz Mamahaling bato na karaniwa’y dilaw.
MGA TAUNANG PISTA AT MGA BANAL NA ARAW SA ISRAEL
Araw ng Pagtutubos sa Kasalanan Ang ikasampung araw ng Ikapitong Buwan. Sa araw na ito ang Pinakapunong Pari ay pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan sa Templo, at ang Kaban ng Tipan ay winiwisikan niya ng dugo mula sa handog na hayop. Ito ay ginagawa upang ang mga kasalanan ng buong bayan ay mapatawad. Sa tekstong Hebreo, ito’y tinatawag na “Yom Kippur”.
Araw ng Pamamahinga Ang ikapitong araw ng sanlinggo. Ang mga Israelita ay sumasamba sa araw na ito, at humihinto sa kanilang mga paggawa bilang pagsunod sa kautusan ni Yahweh (Exo. 20:8; Deut. 5:12-15).
Pista ng Bagong Buwan Espesyal na pagdiriwang ng mga Israelita tuwing araw ng bagong buwan. Ito’y panahon ng pamamahinga mula sa paggawa, at ito’y oras ng pagsamba, paghahandog, at masayang pagsasalu-salo. Sa bagong buwan ng Ikapitong Buwan, higit na mas marami ang iniaalay na handog. Ito’y tinatawag ding “Pista ng mga Trumpeta”.
Pista ng Bagong Taon Tinatawag din sa wikang Judio na “Rosh Hashana”.
Pista ng mga Sanlinggo Tingnan ang Pista ng Pag-aani at Pista ng Pentecostes.
Pista ng mga Tolda Isang masayang pagdiriwang ng mga Israelita kung panahon ng taglagas pagkatapos ng anihan. Upang gunitain ang panahon ng paglalakbay sa ilang ng kanilang mga ninuno, ang mga Israelita ay tumitira sa mga tolda o kubol sa loob ng pitong araw. Sa tekstong Hebreo, tinatawag itong “Sucot”.
Pista ng mga Trumpeta Tingnan ang “Pista ng Bagong Buwan”.
Pista ng Pag-aani Tinatawag ding “Pista ng Pentecostes”, ito’y idinaraos tuwing huling bahagi ng Mayo, limampung araw pagkaraan ng Paskwa, upang ipagdiwang ang anihan ng trigo. Tinatawag din itong “Pista ng mga Sanlinggo”. Sa tekstong Hebreo, ito’y tinatawag na “Shavuoth”.
Pista ng Paskwa Pinakamahalaga sa mga taunang pagdiriwang ng bansang Israel. Ginaganap tuwing ika-14 ng unang buwan (o Abril 1), bilang paggunita sa paglaya ng mga Hebreo mula sa pagkaalipin sa Egipto. Pinatay ng Anghel ng Kamatayan ang lahat ng panganay sa mga tahanang Egipcio ngunit nilampasan ang mga tahanang Hebreo (Exo. 12:23-27). Sa tekstong Hebreo, ito’y tinatawag na “Pesac”.
Pista ng Pagtatalaga ng Templo Walong araw na pagdiriwang ng mga Judio bilang alaala sa muling pagtatalaga ng altar sa templo matapos na muling maagaw ng mga Israelita ang Templo mula sa kanilang mga kaaway noong 165 B.C. Sa tekstong Hebreo, ito’y tinatawag na “Hanukkah”.
Pista ng Pentecostes Katawagang Griego para sa “Pista ng Pag-aani” ng mga Judio at ipinagdiriwang limampung araw makaraan ang Pista ng Paskwa. Limampu ang ibig sabihin ng salitang Pentecostes. Ito’y tinatawag ding “Pista ng mga Sanlinggo”.
Pista ng Purim Isang araw ng pagdiriwang ng mga Judio tuwing ika-14 na araw ng Ikalabindalawang Buwan (gawing Marso), upang gunitain ang pagkakaligtas ng bansang Judio sa pakanang paglipol ni Haman, sa pamamagitan ng kagitingan nina Reyna Ester at ni Mordecai (tingnan ang Ester 9:20-32).
Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa Pitong araw na pagdiriwang pagkaraan ng Pista ng Paskwa upang gunitain ang paglaya ng mga Hebreo sa Egipto. Kinuha ang katawagang ito sa kinaugaliang di paggamit ng pampaalsa sa pagluluto ng tinapay sa loob ng linggong iyon (Exo. 12:15-20). Idinaraos ito mula sa ika-15 hanggang sa ika-22 araw ng Unang Buwan (mga unang linggo ng Abril). Sa tekstong Hebreo, ito’y tinatawag na “Mazoth”.
ANG KALENDARYONG HEBREO
Unang Buwan Sa tekstong Hebreo, ito’y tinatawag na Nisan o kaya’y Abib. Katumbas nito ang kalahatian ng Marso hanggang kalahatian ng Abril.
Ikalawang Buwan Sa tekstong Hebreo, tinatawag itong Zif; katumbas nito ang kalahatian ng Abril hanggang kalahatian ng Mayo.
Ikatlong Buwan Sa tekstong Hebreo, tinatawag itong Siban; katumbas nito ang kalahatian ng Mayo hanggang kalahatian ng Hunyo.
Ikaapat na Buwan Sa tekstong Hebreo, tinatawag itong Tammuz; katumbas nito ang kalahatian ng Hunyo hanggang kalahatian ng Hulyo.
Ikalimang Buwan Sa tekstong Hebreo, tinatawag itong Ab; katumbas nito ang kalahatian ng Hulyo hanggang kalahatian ng Agosto.
Ikaanim na Buwan Sa tekstong Hebreo, tinatawag itong Elul; katumbas ng kalahatian ng Agosto hanggang kalahatian ng Setyembre.
Ikapitong Buwan Sa tekstong Hebreo, tinatawag itong Etanim o Tisri; katumbas nito ang kalahatian ng Setyembre hanggang sa kalahatian ng Oktubre.
Ikawalong Buwan Sa tekstong Hebreo, ito’y tinatawag na Bul o Markisvan; katumbas nito ang kalahatian ng Oktubre hanggang kalahatian ng Nobyembre.
Ikasiyam na Buwan Sa tekstong Hebreo, tinatawag itong Kislev; katumbas ng kalahatian ng Nobyembre hanggang kalahatian ng Disyembre.
Ikasampung Buwan Sa tekstong Hebreo, tinatawag itong Tebet; katumbas nito ang kalahatian ng Disyembre hanggang kalahatian ng Enero.
Ikalabing Isang Buwan Sa tekstong Hebreo, tinatawag itong Shebat; katumbas ng kalahatian ng Enero hanggang kalahatian ng Pebrero.
Ikalabindalawang Buwan Sa tekstong Hebreo, tinatawag itong Adar; katumbas ng kalahatian ng Pebrero hanggang kalahatian ng Marso.
MGA KAUGALIANG JUDIO
Malinis at Hindi Malinis Pagkain, gawain o kaugaliang itinuturing ng mga Judio na labag sa Kautusan. Sinumang “maging marumi” sa ganitong paraan ay dapat dumaan sa tanging paglilinis na iniuutos din ng kanilang kaugalian upang mapasama muli sa kanilang pananambahan sa Diyos.
Pag-aayuno Hindi pagtikim ng pagkain o inumin sa loob ng isang panahon ayon sa panata ng gumagawa nito. Ito ay may kinalaman sa relihiyon.
Pagbibigay ng Sandalyas sa Iba Ito’y pagpapakita na ang responsibilidad para tumubos sa isang ari-arian ng namatay ay hayagang ipinapasa sa pinagbibigyan ng sandalyas (tingnan ang aklat ng Ruth).
Paghuhubad ng Sandalyas Ito’y pagpapakita ng matinding paggalang sa kabanalan ng Diyos. Si Moises ay inutusang maghubad ng kanyang sandalyas dahil siya’y nakatayo sa “banal na lugar” (Exo. 3:5).
Paghuhugas ng mga Paa Pagpapakita ng malugod na pagtanggap sa isang tahanan. Tanging ang mga alipin lamang ang tagapaghugas ng mga paa. Subalit ginawa ito ni Jesus bilang tanda ng kanyang mapagpakumbabang paglilingkod na dapat tularan ng kanyang mga alagad (Jn. 13).
Palabunutan Isang paraan na ginagawa upang malaman kung ano ang kalooban ng Diyos para sa isang tao o sa bayan. Ginawa rin ito sa pagpili ng papalit kay Judas Iscariote bilang apostol.
Paglalagay ng Abo sa Ulo Ginagamit bilang tanda ng pagsisisi at kapighatian.
Paglalagay ng Kamay sa Pagitan ng Hita Pagpapakita ng isang matapat na pangako.
Pagpapahid o Pagbubuhos ng Langis Ginagawa ito sa isang tao bilang pagpaparangal o para hirangin siyang gumanap ng isang natatanging gawain. Ang mga hari ng Israel ay binuhusan ng langis bilang tanda ng panunungkulan. Patalinhaga itong ginagamit at ikinakapit sa Panginoong Jesus na hinirang ng Diyos na maging Panginoon at Tagapagligtas ng sangkatauhan.
Pagpunit ng Kasuotan Pagpapakita ng matinding kalungkutan o galit. Ito rin ay maaaring paghingi ng tulong sa Diyos.
Pagsusuot ng Sako Ito’y isang pagpapakita ng matinding pagpapakumbaba o kaya’y pagdadalamhati. Kadalasan, ang mga sako’y gawa sa isang magaspang na damit na gawa sa buhok ng kambing o ng kamelyo.
Pagtutuli Ang pag-aalis ng balat sa ari ng isang lalaki. Ito’y ginagawa ng mga Israelita sa ikawalong araw matapos isilang ang sanggol. Ito’y sagisag ng Kasunduan ni Yahweh sa mga Israelita (Gen. 17:9-14).
MGA KATAUHAN AT BAGAY NA PANRELIHIYON
Altar o Dambana Isang dambanang ginagamit sa pagsamba; dito sinusunog o iniaalay ang mga handog kay Yahweh.
Amen Salitang Hebreo na may diwang pagpapatunay o pagpapatibay sa isang bagay. Sa Pahayag 3:14 ito’y ginamit bilang isang katawagan kay Cristo. Anghel Mga nilalang na nagdadala ng mensahe ng Diyos.
Kaban ng Tipan Sisidlang parang baul na yari sa kahoy ng akasya at balot ng lantay na ginto. Dito nakalagay ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng Sampung Utos, kaya’t itinuturing itong simbolo ng presensya ng Diyos sa mga Israelita.
Kapitel Ang taas na bahagi ng haliging tumutukod sa bubungan ng tabernakulo o ng templo.
Kerubin Mga nilalang na may pakpak; maaaring ito’y isang uri ng mga anghel.
Korderong Pampaskwa Isang natatanging tupa na sadyang inihahanda upang sama-samang pagsaluhan ng buong sambahayan pagdating ng Pista ng Paskwa, upang gunitain ang naganap sa aklat ng Exodo patungkol sa pagliligtas ni Yahweh sa mga Israelita.
Dakong Banal Ang unang bahagi ng loob ng tabernakulo at ng Templo. Dito matatagpuan ang sagradong tinapay, gintong altar na pinagsusunugan ng insenso (o kamanyang), at ang gintong ilawan. Isang tabing o kurtina ang naghihiwalay sa Dakong Banal at Dakong Kabanal-banalan.
Dakong Kabanal-banalan Ang kaloob-loobang silid sa tabernakulo. Dito nakalagay ang Kaban ng Tipan. Tanging ang Pinakapunong Pari ang maaaring pumasok dito, at ito’y minsan lamang sa isang taon, sa Araw ng Paghahandog para sa Kapatawaran ng Kasalanan.
Efod Karaniwan itong tumutukoy sa bahagi ng kasuotan ng pari; ito’y ipinapatong sa balikat ng Pinakapunong Pari at may kaugnayan sa Urim at Tumim. Gayunpaman, sa ilang talata ang efod ay tumutukoy sa isang bagay na kaugnay sa pagsamba; at sa ibang bahagi naman, malinaw na tumutukoy ito sa bagay na ginagamit para mahulaan ang magaganap na mga pangyayari.
Handog Sa gawaing panrelihiyon, ito’y hain (mga hayop o mga ani) na karaniwang sinusunog sa dambana bilang pasasalamat, paghingi ng gabay at pag-iingat ng Diyos, at paghingi ng kapatawaran para sa kasalanan. Kadalasan ay mga pari lamang ang nakakakain ng mga handog subalit may pagkakataong ang bahagi ng handog ay pinagsasaluhan ng mga tao at ng pari. Mayroong binabanggit na apat na uri ng handog sa Lumang Tipan:
a. Handog Pangkapayapaan Inihahandog bilang paghingi ng pagpapala ni Yahweh.
b. Handog na Pagkaing Butil Inihahandog bilang pasasalamat sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga inaning halamang may butil.
c. Handog na Pambayad sa Kasalanan Inihahandog ito upang mapatawad ang isang taong nanloko ng kapwa o ng Diyos. Iniaalay rin ito kapag may panatang hindi natupad ang isang tao (Lev. 5:14–6:7).
d. Handog na Susunugin Ang hayop ay sinusunog nang buo sa altar bilang paghingi ng tawad kay Yahweh, at upang maging kalugud-lugod sa kanya (tingnan ang Lev. 1).
Ikasampu Ang ikasampung bahagi ng kinita o inani, ibinibigay bilang pagkilala sa pagmamay-ari ng Diyos sa lahat ng bagay.
Insenso o Kamanyang Mamahaling pansuob mula sa dagta ng isang punongkahoy, na inangkat pa sa Arabia.
Levita Isang taong buhat sa lipi ni Levi at katulong ng mga pari sa mga gawain sa templo.
Makasalanan, Mga Sa mga aklat ng Magandang Balita, ito’y tumutukoy sa mga Judiong itinakwil at pinagbawalang sumamba sa sinagoga sapagkat nilabag nila ang mga batas tungkol sa pagkaing di nararapat kainin at sa pakikiisa sa mga hindi Judio. Hinahamak sila ng kapwa nila Judio, at si Jesus ay pinuna dahil sa pakikisalo sa kanila (Mc. 2:15-17; Lu. 7:34; 15:1-2).
Manna Ang literal na kahulugan nito’y “Ano ito?”. Ito ang naging pagkain ng mga Israelita sa buong panahon ng kanilang paglalakbay sa ilang. Ito ay maputi at parang butil na maliit (Exo. 16:14-21; Bil. 11:7-9).
Nazareo Isang taong namanata sa Diyos na hindi iinom ng alak, ni magpapaputol ng buhok, o hihipo ng bangkay ng hayop o ng tao (Bil. 6:1-8).
Pampaalsa Hinahalo sa minasang harina upang ito’y umalsa. Sa mga bagay na panrelihiyon, ito’y may mabuti o masamang kahulugan. Sa talinhaga ng Pampaalsa, ang kahuluga’y paglago ng kaharian. Ngunit sa paghahandog, ito’y pinaiiwasan sapagkat tanda ito ng kasamaan.
Pariseo, Mga Kaanib sa isang napakahalagang grupo nang kapanahunan ni Jesus at ng mga apostol. Higit na mas malaki ang kanilang bilang kaysa mga Saduseo, at marami silang pagkakaibang dalawa. Ang mga Pariseo ay napakatapat sumunod sa mga interpretasyon ng Lumang Tipan at mga tradisyon.
Pari, Mga Sa Banal na Kasulatan, ito ang mga taong kumakatawan sa sambayanan sa harapan ng Diyos. Sila ang nagsasagawa ng mga rituwal at seremonyang may kinalaman sa relihiyon.
Paring Levita Paring mula sa angkan ni Levi. Lahat ng pari ay nararapat magmula sa lipi ni Levi, ngunit nang lumaon, hindi naging pari ang lahat ng kabilang sa lipi ni Levi.
Pinakapunong Pari Puno ng mga paring Judio at pangulo ng kataas-taasang Sanedrin ng mga Judio. Minsan sa isang taon, siya’y pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan upang maghandog para sa kapatawaran ng kasalanan ng mga tao.
Pinunong Pari, Mga Mga paring kabilang sa sambahayan ng mga Pinakapunong Pari, at itinuturing na may mahahalagang katungkulan. Mula sa grupong ito, pinipili ang susunod na magiging Pinakapunong Pari.
Propeta, Mga Mga taong hinirang ng Diyos upang magpahayag ng kanyang mensahe para sa mga tao at sa bayan.
Saduseo Maliit na samahan ng mga Judio na karamiha’y pari. Ang unang limang aklat lamang ng Matandang Tipan ang kanilang pinaniniwalaan. Hindi rin sila naniniwala sa muling pagkabuhay, mga espiritu, at mga anghel (Gw. 23:8).
Serapin Mga nilalang na nagliliyab. Ito’y mga anghel na naglilingkod sa Diyos doon sa langit.
Sinagoga Mga gusaling sambahan kung saan nagtitipon ang mga Judio tuwing Araw ng Pamamahinga upang mapakinggan ang pagpapaliwanag patungkol sa Kasulatan (Lumang Tipan).
Tabernakulo Ang tolda na kung saan ang mga Israelita ay sumasamba kay Yahweh bago naitayo ang Templo.
Tagapagturo ng Kautusan Mga guro at tagapagpaliwanag ng mga aralin sa Lumang Tipan, lalo na ng unang limang aklat. Sinisipi nila para sa iba ang mga Kasulatan. Sa ibang saling Tagalog, ito’y tinatawag na “Eskriba”.
Templo Isang gusali na ginagamit sa pagsamba. Ang diyos na sinasamba sa isang templo ay pinapaniwalaang nananahan sa gusaling iyon. Ang templo ni Yahweh ay itinayo sa Jerusalem.
Urim at Tumim Dalawang maliliit na bagay na ginagamit ng mga saserdote sa Israel upang malaman ang kalooban ng Diyos para sa isang tao o kaganapan.